Kadalasan ay lalaki ang nauuna sa altar. Ngunit sa kaso namin ni Lance, ako ang mag-isang nakatayo rito."I, Bethany Sorriano, take Lance Santillan—"
Kausap ko ang sarili ko. Paulit-ulit kong ineensayo sa aking isip ang mga katagang matagal ko nang nais sabihin sa kanya.
"To love and to hold—"
Hawak ko ang palumpong ng mga bulaklak na paborito niya. Bagong pitas na mirasol na pinasadya ko pa sa isang kaibigan. Suot ko ang magandang wedding gown na ilang beses ko nang pinahanda. Sinigurado kong plantsado sa ika-apat na pagkakataon.
"For better, for worse—"
Napatingin ako sa mga bisita namin. Pang-ilang punta na nga ba nila? Ikaapat na kung hindi ako nagkakamali. Noong una ay puno ito ng mga tao. Ngunit lagi akong hindi sinisipot ni Lance. Ngayon ay ang kaibigan ko na lamang na si Nancy ang magiging saksi namin sa simbahan.
"In sickness and in health—"
"Beth, hindi na siya dadating."
Hindi ko pinansin si Nancy. Ipinagpatuloy ko ang mga salita ko.
"'Till death do us part."
Kasabay ng mga katagang iyon ay ang pag-agos ng unos sa aking mga mata. Tanging ang belo sa aking mukha ang saksi sa pagdurusa ng babaeng ilang beses nang pinaasa ng kanyang kasintahan.
"Beth, umuwi na tayo."
Rinig ko ang pagdamay ng kaibigan ko. Tinungo niya ako sa altar at sa 'di mabilang na pagkakataon ay niyakap niyang muli.
"Nancy, saan ako nagkulang?"
"Huwag mong sabihin iyan. Walang kulang sa iyo."
"Pero bakit ako laging pinapaasa ni Lance?"
Mahal na mahal ko si Lance. Ilang taon na kaming magkasintahan. Mula nang tumuntong kami sa kolehiyo hanggang sa magkaroon ng sariling karera, planado na ang magiging hinaharap namin.
Ilang saglit pa ay nakumbinsi na rin ako ng aking kaibigan na lisanin ang simbahan.
"Sigurado ka bang ayos ka lang?"
Nakangiti sa akin si Nancy mula sa unahan ng kanyang kotse. Hindi ko siya nililingon at pinipilit kong itago ang aking mga hikbi.
"Ayos lang ako. Masyado na kitang inabala."
"Sana sa susunod ibang lalaki na ang hihintayin mo sa simbahan."
"Malabo sigurong mangyari iyon. Si Lance ang mahal ko."
"Hindi na pagmamahal ang tawag diyan."
Hindi na niya itinuloy. Pareho naman naming alam kung ano ang tawag doon. Pero nagpanggap akong hindi ko siya narinig. Nakatitig lang siya sa akin mula sa rearview mirror na tila may kasamang inis dahil sa mga pinaggagagawa ko.
Napadaan ang aming sasakyan sa tabing dagat. Dapit-hapon na at kahel na ang kulay ng buong paligid. Walang gaanong tao at kalat-kalat ang mga ulap. Nakiusap ako kay Nancy na roon na lamang ibaba at kailangan kong mapag-isa.
Iniwan niya ako sa tabing dagat. Sa aking harapan ay ang araw na ilang dipa na lamang ang layo sa guhit-tagpuan. Inalis ko agad ang sapatos ko. Naglakad ako patungo sa buhangin at tinungo ang mababatong bahagi. Mga batong matatutulis na paniguradong susugat sa paa ko.
Ngunit hindi ako nakaramdam ng sakit. Tila wala na sa akin ang talim ng mga bato dahil mas mahapdi pa ang kirot sa aking dibdib.
Umupo ako sa batuhan. Nakapako ang aking tingin sa malayo. Ang puso ko ay nagdurugo higit pa sa araw na nasa harapan ko.
"Ang lalim ng problema natin, a?"
Hindi ko napansin ang matandang lalaki na tumabi sa akin. Masangsang ang amoy at magulo ang damit. Balbas-sarado at may bitbit na sako sa kanyang likod.
"Pasensya na po, wala akong dalang pera."
Natawa siya sa sinabi ko. Ibinaba niya ang mga dala niya, naglatag ng makapal na karton sa ibabaw ng mga bato bago inupuan.
"Mukhang malalim nga ang problema mo," dagdag pa niya. Marahan ko siyang nilingon. Iniwas niya ang kanyang tingin at tinitigan ang araw sa malayo. "Pero mabait ka."
"Ako po mabait? Paano ninyo nasabi?"
"Kadalasan kasi sa mga nilalapitan ko, lumalayo agad dahil sa amoy at itsura ko. Pero ikaw, walang pandidiri riyan sa mukha mo."
Kumunot ang aking noo. Tinaasan ko siya ng kilay bago muling tumingin sa mga alon.
"Siguro nga po."
"Pero alam mo, dapat may hangganan ang kabutihan ng isang tao."
May kung ano sa mga sinabi niya na tila tumatagos sa dibdib ko. Mas malalim pa kaysa sa dagat na nasa aming harapan.
"Hindi naman po ako sobrang bait. Malay ninyo, pumayag lang akong magtabi tayo para hindi lang ako ang titigan ng mga tao."
Agad na humalakhak ang katabi ko. Bahagya rin akong napangiti dahil sa kanyang reaksyon.
"Ayan, ganyan," saad niya. "Marunong ka naman palang ngumiti. Ako si Dante, anong pangalan mo?"
"Beth po."
Lumipas ang oras. Ang araw ay unti-unti nang nilulunok ng sakim na dagat. Hindi ko namalayang sunud-sunod na ang kuwentuhan namin ni Mang Dante. Kung ano ang mga nangyari sa amin ni Lance at kung paano ako napadpad sa dalampasigan. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin na magkuwento sa isang estranghero. Naroon lamang siya sa aking tabi habang pinapakinggan ang mga himutok ko tungkol sa aking nobyo.
"Hanggang kailan mo ba siya kayang patawarin, Beth?" biglang tanong ni Mang Dante.
"Hindi ko ho alam," tulala kong sagot. "Hindi ba dapat ay ganoon naman ang mga magkasintahan, nagpapaubaya?"
"Pero hanggang kailan?"
"Hanggang kaya ko po."
"Hindi na ata pagmamahal ang tawag niyan, Beth."
"Alam ko po— katangahan."
Wala na akong reaksyon. Sanay na akong tawaging tanga. Ito na ang tawag sa akin maging ng aking mga kaibigan at kamag-anak dahil patuloy pa rin akong bumabalik sa taong ilang beses na akong niloko.
"Hindi naman iyan katangahan," singit ni Mang Dante.
Bigla akong napalingon sa kanya.
"E, ano po ang tawag dito?"
"Kawalan."
"Ha?"
"Kawalan ka, Beth. Bihira lang ang ganyang tao na wagas kung magmahal."
Sa mga sinabi niyang iyon ay tuluyan na akong humagulgol. Itinupi ko ang aking mga tuhod. Muling lumapat sa mga bato ang aking mga paa.
Naalala ko ang mga bagay na sinakripisyo ko para sa maling pag-ibig. Mga bagay na kinalimutan ko para sa maling tao.
Hindi ko sigurado ngunit parang muli kong naramdaman ang hapdi sa mga paa ko. Hapdi na sanhi ng matatalas na bato.
BINABASA MO ANG
TABULARASA
Short StoryTabularasa: Inosente, dalisay, busilak, at walang bahid. Gaya ng mga taong nagpapanggap na malinis.