KABANATA 2

12 9 1
                                    

Nagising ka nang alas cinco ng hapon. Ang idlip mo ay naging mahabang pagtulog. Mula Cubao hanggang Olongapo nasa apat hanggang limang oras ang byahe kaya naisip mo na napagod ka lang siguro.

Bumangon ka at inayos mo ang kumot. Inayos mo rin ang sapin sa kama. Sobrang tahimik ng paligid. Para kang walang kapitbahay. Naisip mo na nakakalungkot din pala ang mag-isa.

Naligo ka muna at nagbihis bago ka bumaba sa kusina. Nagsaing ka sa ricecooker. Nagbukas ka ng dala mong delatang cornbeef. Ginisa mo ito sa sibuyas habang naghihintay kang maluto ang kanin. Habang ginagawa mo ang lahat ng ito, hindi mo namalayan ang oras. Pagkatapos mong magluto at maglapag ng pagkain sa dining table, saka mo lamang napansin na madilim na pala sa labas.

Malapit nang mag-ala-seis. Pumunta ka sa sala at napukaw ang atensyon mo ng babala na nakadikit sa dingding. Gabi na, kailangan mo nang magsara ng bahay. Hindi mo man maintindihan kung bakit pero mas mabuti nang sumunod sa rules kaysa mapagalitan pa ng may-ari.

Isinara mo ang pinto. Ikinandado mo pa iyon.

Isinara mo ang dalawang bintana at ikinawit nang maayos.

Umakyat ka sa itaas at nagsara ka rin ng pinto ng terrace.

Bumaba ka muli para kumain. Papunta ka na sana sa dining table nang may makita ka sa gilid ng mata mo.

Nahinto ka sa paglalakad. Para kang naestatwa. Nabigla ka lang sa biglang namataan. Unti-unti kang lumingon at napatitig nang diretso sa glass window. Napanganga ka nang may makita ka roong anino.

Kahit may window film sticker, maaaninag pa rin sa labas ng bintana ang isang anino ng lalaki na nakatayo. At nagtaka ka, kanina ay wala namang tao roon.

Pinikit-pikit mo ang mga mata dahil naisip mo na namamalikmata ka lang. Kinusot mo pa iyon pero nang titigan mo ulit ang bintana, nandoon pa rin ang lalaki.

Saka mo lamang naalala ang bilin ng landlady na huwag papapasukin ang taong iyon. Halos magsalubong ang kilay mo sa pagtataka. Hindi mo talaga maintindihan ang nangyayari.

Unti-unti kang lumapit sa may bintana at sumigaw, "Hello? Kuya ba't ka nandyan!"

Pero walang tugon sa 'yo ang misteryosong lalaki. Nakatayo lamang siya sa labas. Mistulang bato na hindi gumagalaw.

"Hello po? Kuya, may kailangan ka ba?"

Hindi pa rin siya sumagot sa 'yo.

"Bingi yata 'to," nabulong mo pa.

Lumapit ka pa sa bintana. Naisipan mong iangat ang mga kamay at kumatok sa glass window. "Kuya? Hoy, kinakausap po kita."

Ngunit hindi ka talaga pinapansin ng lalaking nakatayo sa labas. Sa puntong ito, kinutuban ka na. Gusto mong buksan ang glass window para makita kung sino ang nakatayo sa labas. Pero naalala mo ang bilin ni Manang. Huwag mo raw bubuksan ang bintana at pinto. Huwag mo raw siyang papapasukin.

"Bawal papasukin pero baka pwedeng sumilip?" wika mo.

"Hoy! Kuya, umalis ka na d'yan. Ano bang kailangan mo?"

Naisipan mong buksan nang kaunti ang bintana para silipin kung anong ginagawa ng lalaki roon. Hinawakan mo ang handle ng bintana. Nag-click pa iyon nang tanggalin mo ang kawit. Gusto mo lamang sumilip nang kaunti...

Unti-unti mong inangat ang strips ng bintana. Yumuko ka para makasilip nang maayos. Malapit mo na sanang maiangat ngunit nagulantang ka nang mag-ring ang selepono mo.

Napakislot ka pa sa gulat at napalingon sa side table na katabi ng sofa. Nawala ang pokus mo sa gagawin. Napabuntong-hininga ka na lamang na kinuha iyon at tiningnan kung sino ang tumatawag. Nabasa mo ang pangalan ng bestfriend mo.

SECOND POV: Voila NatividadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon