KABANATA 3

14 6 1
                                    

Nagliwaliw ka buong magdamag. Nais mong sulitin ang pagpunta rito kaya isinantabi mo muna ang mga suliranin. Nagpakasawa kang lumangoy sa dagat. Nang matapos ang pamamasyal mo, napagdesisyunan mo nang umuwi sa Voila Natividad.

Habang naglalakad pabalik, nanumbalik sa 'yo ang pangamba. "Hindi na dapat ako mag-stay roon, lalo na't pagabi. Sasabihin ko kay Manang na uuwi na ako."

Nang makarating ka sa tapat ng pinto ng unit mo, napansin mo na wala na ang mga tao na umuupa sa kabilang silid. Mukhang nauna na silang umalis at ikaw na lamang ang natitirang nangungupahan dito. "Well, another reason to go home." Iyon ang sinabi mo sa sarili.

Pumasok ka sa kwarto at binuksan mo ang ilaw. Wala namang pinagbago, kung anong dinatnan mo rito noon ay ganoon pa rin ngayon. Pero sa pagkakataon na ito, alam mong may kakaiba sa lugar na ito. Ayaw mo nang manatili. Ayaw mo na rin abutan ng gabi rito kaya naisipan mong umakyat sa itaas para ayusin na ang mga gamit mo.

Habang nagtutupi ka ng damit at binabalik iyon sa loob ng bag mo, napaisip ka. "Dapat siguro hindi ako pumili ng mura. Dapat naisip ko na may kakaiba, kapag mura ang offer nila sa renta."

Pero naudlot ang pag-iisip mo nang nag-ring ang phone mo. Inabot mo iyon sa side table at sinagot ang tawag. Napanganga ka nang marinig mo ang boses ng kaibigan mo.

"Malapit na ako. Nakababa na ako sa Olongapo."

"Pauwi na ako!" sagot mo.

"Hintayin mo na lang ako d'yan."

"Bakit ka pa sumunod?"

"Hindi ba sabi ko hahabol ako."

Napasapo ka sa ulo dahil hindi makaintindi ang kaibigan mo. Pero wala ka nang magagawa dahil namasahe pa talaga ang loko-loko para habulin ka.

"Kainis!" nasambit mo. "Bilisan mo."

Pinatay mo na ang linya. Nangangamba kang napatingin sa labas ng terrace. Malapit nang lumubog ang araw, ngayon pa talaga naisipan na pumunta ng buysit mong kaibigan. Naudlot ang pag-alis mo pero wala ka nang balak na ibalik ang mga gamit sa bag.

Pagdating ng kaibigan mo, aalis kayo rito at hahanap ng ibang bahay na mauupahan.

Humilata ka sa kama at nanood sa cellphone para malibang ang isip mo. Hinintay mong dumating ang kaibigan mo dahil sabi niyang malapit na siya. Pero malapit na ring dumilim. "Nasaan na ba 'yon?!" Nag-aalala ka at tinignan ang messenger mo. Sinubukan mo siyang tawagan pero walang sumasagot.

"Sh*t!" Napamura ka at napabangon sa pagkakahiga sa kama nang may makita ka sa terrace. Nakasara ang glass door ng terrace at may sheer curtain na nakalagay roon. Pero kitang kita mo ang isang anino ng tao na nakatayo sa labas nito.

Kinilabutan ka at nahintakutan. "Paano ka nakapunta diyan?!" Naisigaw mo at nataranta kang lumabas ng kwarto. Para kang baliw na tinakbo ang hagdan. Wala kang problema sa bintana dahil hindi mo na ulit binuksan iyon mula pa kahapon, pero nakalimutan mong isara ang pinto ng sala nang pumasok ka kanina. Dire-diretso ka sa pinto at isinara mo iyon.

Hinihingal kang napahawak sa dibdib. Instinct mo lang ang pinagana mo. Pero hindi mo maintindihan kung paano siya nakaakyat doon. Hindi mo rin maunawaan kung bakit ang aga niyang magparamdam ngayon. Ni hindi mo nga alam kung sino o ano ba talaga ang anino na 'yon.

Napasigaw ka sa gulat at halos matumba ka dahil pagtingin mo sa bintana, nandoon din ang anino ng lalaki. Katulad nang kahapon, nakatayo lamang ito roon at hindi kumikilos.

Alam mong hindi tao ang nasa labas ng bahay. Hindi makakaakyat at makakababa agad sa terrace ang isang ordinaryong tao na para bang nag-teleport ito. Grabe ang takot at kaba mo.

"Aalis din s'ya! Aalis din s'ya!" sinabi mo sa sarili. "Basta, walang bubuksan, siguradong aalis din siya." Napasapo ka sa bibig dahil pakiramdam mo ay maduduwal ka na sa takot.

Pero nagulantang ka nang biglang may kumatok sa pinto. Tumingin ka sa bintana, nandoon pa rin naman ang anino. At napagtanto mong hindi ang anino ang kumakatok doon.

Narinig mo ang boses ng kaibigan mo sa labas. Tinatawag ka niya at hinahanap.

"Huwag ka munang pumasok! Ako ang lalabas d'yan!" sagot mo.

"Ha?" Nagtaka naman ang kaibigan mong nasa labas.

"Basta, huwag ka munang pumasok! Diyan ka muna. Hintayin mo ako!" sigaw mo pa rin.

"Sh*t! Anong gagawin ko?" Napasapo ka sa ulo dahil sa pamomoblema. Bubuksan mo ba ang pinto para papasukin ang kaibigan mo? Kung gagawin mo iyon, makakapasok din ang halimaw na nandoon sa labas. Pero kung ikaw naman ang lalabas, anong mangyayari?

Pero ang bilin ni Manang huwag kang magbubukas!

Paano ka makakalabas kung hindi ka magbubukas ng pinto? Anong gagawin mo ngayon?

Tumingin ka sa bintana, nandoon pa rin ang anino ng lalaki. Nakatayo lang pero ang pakiramdam mo, pinapanood ka niya.

Tinawag mo ang pangalan ng kaibigan mo. "Pumunta ka sa tapat ng bintana!" Inutusan mo siya na pumunta roon dahil may gusto kang makumpirma.

"Ha? Ano?" Lalo lang nagtaka ang kaibigan mo.

"Basta, sumunod ka na lang!" sigaw mo sa kanya.

Naguguluhan man ang kaibigan mo, ginawa niya ang gusto mo. Pumunta siya sa bintana at nakita mo ang anino ng kaibigan mo na tumabi sa anino ng maligno.

Nanlalaki ang mga mata mo sa kilabot at tinanong mo siya. "M-May nakikita ka bang lalaki na nakatayo d'yan?"

"Lalaki?" Litong-lito na siya sa mga nangyayari at pinagsasabi mo. Gumagalaw-galaw ang anino niya sa bintana na para bang hinahanap niya ang sinasabi mong lalaki. "Para kang buang! Ako lang ang nakatayo rito. Ano bang ginagawa mo d'yan sa loob?"

Nanatili kang nakatitig sa bintana. Sunod-sunod ang tibok ng puso mo. Kung walang nakikita sa labas ang kaibigan mo, ibig-sabihin ay wala talagang nakatayo roon.

May sinasabi ang kaibigan mo pero hindi mo na iniintindi. Nakapokus ka ngayon sa misteryosong anino na nakatayo at hindi gumagalaw. Nanlalaki ang mga mata mo habang unti-unti kang lumalapit. Kung wala siya sa labas...

Kung wala siya sa labas...

Kung wala siya sa labas...

Nandito siya sa loob...

Tumigil ang tibok ng puso mo nang biglang may dalawang matang bumukas sa ulo ng anino. Mga mata na nakatitig sa 'yo. Napagtanto mong nasa harap mo na pala ang halimaw at matagal na itong nakapasok sa loob. Sa labis mong takot, napaurong ka at nadulas ka sa sahig. Hindi maganda ang bagsak mo. Tumama ang ulo mo sa semento at parang nauga ang utak mo dahil sa lakas ng impact.

Nang marinig ang sigaw mo at pagbagsak, natakot ang kaibigan mo na nasa labas. Nagmamadaling binuksan nito ang pinto at pumasok.

"P*tang ina!" Napamura pa ito habang natatarantang lumalapit sa 'yo. "Anong nangyari sa 'yo?!"

Hindi ka makapagsalita at nanlalabo na ang paningin mo. Ang huli mong nasilayan ay ang paghawak sa 'yo ng kaibigan mo habang nakabukas ang pinto.

***

SECOND POV: Voila NatividadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon