KABANATA 4

4 1 0
                                    

Nagising ang iyong diwa at bigla kang bumangon mula sa pagkakahiga. Hinahabol mo ang hininga na tila ba galing ka sa pagkakalunod. Napasapo ka sa dibdib at nanlalaki ang mga mata mong tumingin sa paligid.

Saktong dumating ang matalik mong kaibigan sa pinto ng kuwarto. May dala itong basang bimpo na nakalublob sa maliit na palanggana.

"Oh gising ka na pala!" Sa wari mo'y kinagulat pa nito ang iyong pagbangon. "Ano bang nangyari sa 'yo? Nakita na lang kitang nakahandusay sa sahig." Tuluyan na itong pumasok sa loob ng silid.

Nang tanungin nito ang nangyari, nanumbalik sa 'yo ang mga nakakahindik na naganap. Natarantang inilibot mo ang paningin sa inuupahang kuwarto.

Pinalis mo ang kumot na tumatakip sa binti at nagmamadaling hinanap ang sapatos.

"Bakit?" nagtatakang tanong ng kaibigan. Hindi mo siya pinansin at nagpatuloy ka lamang sa pagsusuot ng sapatos.

"Ano ba talagang nangyayari?" Ibinaba nito ang hawak sa mesa.

Habang inaayos mo ang sintas ng rubber shoes ay lumingon ka sa kasama at sumagot. "Kailangan na nating umalis dito."

"Ha? Pero kararating ko pa lang saka may sugat at bukol ka, oh!" Akma niyang hahawakan ang iyong ulo ngunit hinawi mo paalis ang kamay niya.

"Umalis na tayo rito!" sambit mo lamang. Alam mong kahit ano pang klaseng pagpapaliwanag ay hindi maiintidihan ng kaibigan ang tunay na nangyari.

Nakita mo ang mga bagaheng nakatabi sa gilid ng pinto. Tumayo ka. Isa-isa mo itong kinuha at isinukbit sa balikat.

Hindi man maunawaan ng kaibigan, iniwan nito ang palanggana sa side table, kinuha ang gamit at sumunod sa 'yong likod.

Bahagya kang natigilan sa paglalakad nang marating ang bungad ng sala. Lumingon ang linya ng iyong mga mata sa gawi ng bintana. Muling nagsitayuan ang mga balahibo mo nang maalala ang malignong nakita.

Pinihit mo ang busol ng pinto at dire-diretsong lumabas. Humabol naman ang iyong kaibigan sa likod. Wala kang sinabing paliwanag kahit pa sunod-sunod ang reklamo at tanong nito. Basta ay mabilis ang iyong lakad at tahimik kang nakatingin sa dinadaanan. Ang buong kaisipan mo ay nasa kinakatakutan.

Ayaw mo nang manatili pa kahit isang segundo. Tuluyan ka nang umalis sa bahay na iyon na walang paalam sa may-ari.

***

Sa kalagitnaan ng gabi ay naisipan ninyong maghanap muna ng pansamantalang matutulugan. May nadaanan kayong hotel habang naglalakad sa kalsada. Pumasok kayong dalawa sa loob at nagbayad sa counter para sa isang gabing pananatili.

Habang binabaybay ang pasilyo patungo sa elevator ay panay pa rin ang usisa sa iyo ng kaibigan mo.

"Hindi mo pa rin ako sinasagot. Bakit bigla na lang tayong umalis doon? Ano bang nangyari sa 'yo?"

"Mahabang kuwento! Basta sumunod ka na lang sa akin. Para din sa safety natin 'to," ani mo.

Nang mapagtanto ng kaibigan na wala ka talagang balak na magkuwento ay napagpasyahan na nitong manahimik.

Ilang minuto pa ay nakapanhik na kayo sa ikatlong palapag. Tuloy-tuloy lamang ang lakad ninyo sa pasilidad hanggang mahanap ang dulong kuwarto.

Pumasok kayong dalawa sa unit at ibinaba ang mga gamit sa sahig. Ikinando mo ang pinto bago mo binuksan ang ilaw.

Nang lumiwanag ay nakita mo ang maayos na paligid. Nakahinga ka nang maluwag dahil sa wakas ay nakalayo ka na sa bahay ng maligno. Makakapagpahinga ka na rin nang maayos.

Hinubad mo ang sapatos ngunit hindi ka na nakapagbihis. Pabagsak kang humiga sa malambot na kama at ipinikit ang mga mata. Tumabi sa iyo ang kasama at pareho na kayong nakatulog.

***

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 13, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SECOND POV: Voila NatividadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon