Chapter XXX

4.7K 960 46
                                    

Chapter XXX: They Are Done For

Madilim ang ekspresyon ni Raseous habang ang kaniyang mga kamaong mahigpit na nakakuyom ay nanginginig. Nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin at ang kakila-kilabot niyang aura ay kumalat sa buong silid. Dahil sa tindi ng kaniyang inilalabas na aura ay nagkakaroon ng mahinang pagyanig sa silid. Natatakot ang mga alipin na nasa loob. Halos hindi na sila makahinga dahil sa bigat ng tensyon sa silid. Lahat sila ay nakayukod lamang at hindi nila ma-i-angat ang kanilang ulo dahil natatakot sila na baka sila ang mapagbalingan ng galit ni Raseous.

“Paanong nangyari ang lahat ng ito?! Paano?! Ipaliwanag ninyong lahat sa akin kung paano nakawala ang mga kaibigan ni Finn Doria gayong mahigpit ko silang pinababantayan at nasa ilalim pa sila ng kapangyarihan ng gamot nina Victorio?!!” Pasigaw na tanong ni Raseous.

Nanginig ang buong katawan ng personal na kawal ni Raseous. Hindi niya alam kung paano niya ipaliliwanag ang kaniyang nalaman. Maging siya ay naguguluhan din sa nangyayari, subalit wala siyang pagpipilian kung hindi sabihin kung ano ang sinabi sa kaniya ng mga nakasaksi sa mga nangyari kanina sa kulungan.

“S-Sinabi ng mga saksi.. Sinabi nila na si Komandante Janos ang nagtungo sa kulungan kani-kanina lamang para sunduin ang mga kaibigan ni Finn Doria ganoon din ang limang kawal na bantay! Ayon sa kanila ay sinabi raw ni Komandante Janos na ang kailangan nang idispatya ang grupong Dark Crow at ang utos daw ay nagmula sa iyo, Panginoong Raseous!” Nakapikit na tugon ng kawal.

Nagulantang si Raseous. Bumakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kaniyang mukha. Labis siyang naguluhan sa pahayag ng personal niyang kawal. Hindi niya maunawaan kung paanong nangyari ang sinasabi nito.

“Imposible! Si Janos?! Kanina ko pa kapulong si Janos, at hindi ako nagbababa ng utos tungkol sa pagdidispatya sa mga kaibigan ni Finn! Isang malaking kalokohan! Ipatawag mo ngayon din ang saksing sinasabi mo at kapag napag-alaman kong nagsisinungaling siya, ako mismo ang papaslang sa kaniya at isasabit ko ang bangkay niya sa tarangkahan ng aking kastilyo!” Galit na galit na sabi ni Raseous.

Sa isip niya, napaka-imposible na mangyaring si Janos ang tumangay sa Dark Crow at sa mga kawal na bantay. Kanina pa sila nagpupulong tungkol sa mahahalagang bagay sa Darkeous Clan. Hindi rin basta-basta nililisan nito ang kaniyang silid, at higit sa lahat, malinaw niyang sinabi na hindi pa niya ipinapa-dispatya ang mga miyembro ng Dark Crow.

Napakagulo ng mga pangyayari, pero ang mas ikinagagalit niya, natakasan sila ni Finn at walang kasiguraduhan kung mahuhuli pa ito ni Janos at ng mga miyembro ng Darkeous Clan. Kitang-kita niya ang mataas nitong kumpyansa kanina kaya hindi niya mapigilan na makaramdam ng pangamba. Hindi na siya mapakali. Hindi niya alintana ang takot ng kaniyang mga alipin at personal na kawal dahil nakatuon lang ang kaniyang isip sa pag-iisip kung paano sila umabot sa puntong ito.

Makaraan ang ilang saglit, iniharap sa kaniya ng personal niyang kawal ang mga nakasaksi sa pagtangay sa grupong Dark Crow. Pare-pareho ang sinabi ng mga ito. Ang ilan sa mga kawal ay personal na narinig ang sinabi ni ‘Janos’ habang ang iba ay nakasalubong lang ang ito habang dumadaan sila sa likod ng kastilyo.

Nagdilim pa lalo ang ekspresyon ni Raseous dahil sa kaniyang na-kumpirma. Naging komplikado ang mga pangyayari, pero mayroon na siyang ideya kung ano ang nangyayari. Hindi imposible na mangyari iyon, pero ang ipinagtataka niya ay kung paano nakalusot sa kanila ang ganoong taktika.

Nakabalik si Janos sa silid ni Raseous. Kalmado pa rin ito sa kabila ng nangyayaring kaguluhan. Yumukod kaagad ito sa harapan ni Raseous at taimtim na ekspresyong sinabing, “Hindi ko nahabol si Finn Doria, Panginoong Raseous. Bigla na lamang siyang nawala at sa tingin ko... nakalayo na siya sa ating teritoryo.”

“ARGH!!!” Sumigaw si Raseous at nagsimula siyang magwala.

Nanatiling nakayukod si Janos at ang mga naroroon sa silid. Takot na takot ang karamihan sa kanila. Ngayon lang nila nasaksihan na ganito katindi ang galit ni Raseous. Nahihirapan na silang huminga dahil sa bigat ng tensyon, at natatakot sila na baka sila ang mapagbalingan ng matindi nitong galit.

Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon