Chapter LIII

5.2K 982 69
                                    

Chapter LIII: The Formation that Everyone Wants to Get

Tatapikin ang potensyal?

Katahimikan ang nangibabaw dahil sa paliwanag ni Augustus. Karamihan ay mababakasan ng pagkagulat habang ang iba ay nagsalubong ang kilay. Hindi na bago sa kanilang pandinig ang salitang ito, subalit hindi sila sigurado kung ano ang eksaktong ibig sabihin ni Augustus.

Pansamantalang patataasin ang antas at ranggo ng maraming beses? Gaano karami? Makatotohanan ba ang tungkol sa bagay na ito?

Ito ang mga tanong ng mga manonood sa kanilang sarili habang iniisip ang mga sinabi ni Augustus.

Pero, hindi lang ito ang pinagtuunan ng pansin ng mga manonood. Namangha sila nang malaman nila na magtataglay ng katangi-tanging kakayahan ng apat na divinve beast ang sinomang gagamit sa formation; ang bilis ng Azure Dragon; ang lakas ng White Tiger; ang depensa ng Black Tortoise; at ang bilis ng pagpapagaling ng Vermilion Bird. Sa kakayahang ito pa lamang ng Four Guardians Killing Formation ay namamangha na sila, lalo na siguro kung totoo na nakakaya nito na pataasin ang antas at ranggo ng isang nilalang ng maraming beses.

“Hindi ko lubusang naunawaan ang ipinaliwanag mo. Ano'ng ibig mong sabihin na pansamantalang patataasin ng maraming beses ang iyong antas at ranggo?” Tanong ni Adlaros dahil maging siya ay medyo naguguluhan at gustong magkaroon ng kalinawan tungkol sa Four Guardians Killing Formation.

Inaasahan na ni Augustus na hindi kaagad makukuha ng iba kung ano ang ibig niyang sabihin dahil maging siya ay hindi niya masasagot ang tanong na ilang beses ang itataas ng antas at ranggo. Pinag-isipan niya na lang ng mabuti kung paano niya tutugunan ang tanong ni Adlaros. Nag-isip siya ng mga angkop na salita na madaling mauunawaan ng mga tagapakinig.

“Hindi ko eksaktong masasagot ang tanong mo, at sa tingin ko, wala sa aming pangkat ang makasasagot sa iyo,” hayag ni Augustus. “Pero, ipaliliwanag ko na lang sa abot ng aking makakaya.”

Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, “Ang pansamantalang pagtaas ng antas at ranggo ay nakadepende sa potensyal ng gagamit sa formation. Maaaring tumaas ang antas at ranggo mo, pero maaari rin namang hindi dahil hanggang doon na lang talaga ang potensyal mo. Sinusukat ng Four Guardians Killing Formation ang potensyal ng isang nilalang kaya kapag malaki ang potensyal mo, maaari mong maabot ang mataas na antas at ranggo sa loob ng ilang sandali. Pansamantala lang ang bisa nito--marahil hindi tatagal ng isang minuto, pero posible rin namang tumagal ng oras kapag talagang napakataas ng potensyal mo.”

“Paumanhin kung hindi ko maipaliwanag nang maayos ang kakayahan ng Four Guardians Killing Formation. Bumase lang ako sa manwal nito, at sa totoo lang, ito ang unang beses na binuo namin ang formation na ito,” walang pag-aalinlangang pagbubunyag ni Augustus.

Natigilan si Adlaros at ang mga elder na nasa kaniyang likuran. Napakunot ang noo ng mga hari at reyna na nanonood at nakikinig sa usapan habang ang mga nasa paligid ay nagulat at hindi makapaniwala.

“Unang beses? Paanong posible iyon?” Natatawang tanong ni Adlaros. “Nagawa ninyong matapos ang isang top-tier ancestor grade formation sa loob lamang ng maikling panahon. Nasaksihan namin na para bang alam na alam ninyo ang inyong ginagawa kaya paano kami mapapaniwala na iyon ang unang beses na--”

Hindi naituloy ni Adlaros ang kaniyang sasabihin dahil napansin niya na hindi man lamang nagbago ang ekspresyon ni Augustus. Seryoso lang itong nakatingin sa kaniya. Kitang-kita niya ang sinseridad sa mga mata nito, at napahinga siya ng malalim dahil napagtango niyang hindi ito nagsisinungaling.

Sa tagal niyang namumuhay sa mundong ito, marunong na siyang bumasa ng ekspresyon at tingin ng iba. Natutukoy niya kapag nagsisinungaling ang isang nilalang base sa mga mata nito. Hindi siya sigurado kung mahusay magsinungaling si Augustus o talagang totoo ang sinasabi nito, pero lahat ng mga kasama nito ay pare-pareho ang sinasabi ng mga mata.

Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon