Chapter LXXXVII: Building Bridges (Part 2)
“Dederetsahin na kita Finn Silva. Kailangan ka naming tanggihan dahil ang gusto mo ay imposibleng mangyari. Maganda ang inyong layunin na puksain ang mga diyablo para mapanitili ang balanse at para maiwasan ang pagkawasak ng inyong mundo, ganoon man, magiging totoo ako na ang laban ninyo ay hindi namin laban,” sabi ni Caesia. Bahagya siyang ngumiti kay Finn at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Mayroon din kaming sariling layunin, at sa mundong ito, hindi namin kailangang mamroblema o matakot sa mga diyablo dahil kailanman ay hindi sila makatatapak sa mundong ito. Makasarili ang aming desisyon, pero pinapangalagaan lang namin ang buhay ng mga miyembro ng Creation Palace, ganoon din ang mga pinaghirapan ng aming mga ninuno.”
“Sa puwersang ito kami namulat, at sa puwersang ito rin kami mamamatay. Ang Creation Palace ay mananatili sa mundong ito dahil naririto ang ugat namin,” aniya pa.
Nadismaya ang karamihan sa naging tugon ni Caesia. Umasa ang mga miyembro ng New Order na mayroong pag-asa na magsanib-puwersa ang kanilang puwersa at ang Creation Palace, subalit mariing hindi sinang-ayunan ni Caesia ang gustong mangyari ni Finn. Siguradong pare-pareho lang ng opinyon ang mga hari at reyna ng palasyo dahil hindi man hayagang nagsalita ang mga ito, hayagan namang nagpakita ng pagsang-ayon ang mga ito sa sinasabi ni Caesia.
Inakala nilang may posibilidad dahil lubos silang hinangaan ng pamunuan ng palasyo dahil sa ipinamalas nilang talento at kaalaman sa iba't ibang larangan. Pero, mukhang hindi ganoon kalaki ang pagpapahalaga ng mga ito sa ganoong bagay kumpara sa paninindigan nila bilang bahagi ng Creation Palace.
Sa kabilang banda, ang ngiti sa labi ni Finn ay hindi nawala. Hindi man lang siya nagkaroon ng negatibong reaksyon na para bang inaasahan niya na ang magiging sagot ng mga hari at reyna ng Creation Palace sa kaniyang inaalok.
“Magkaiba ang pananaw ng ating mga puwersa. Nirerespeto ninyo ang desisyon ko na hindi pagsali sa inyo ng New Order habang nirerespeto ko ang desisyon ninyong hindi pagsali sa amin,” sabi ni Finn. “Magiging mas malakas sana kami kung kasama namin kayo, subalit hindi bale na lang. Gagawin pa rin namin ang aming layunin ano man ang mangyari dahil ito ang aming daan na piniling tahakin,” nakangiting hayag niya.
“Maraming salamat sa iyong pag-unawa. Ganoon man, umaasa pa rin kami na magpapatuloy ang negosasyon kahit na hindi kami pumayag sa inaalok mo,” sambit ni Caesia.
Tumawa si Finn. Muli nang naging kaswal ang kaniyang pag-upo at masigla siyang tumugon, “Siyempre naman! Magkaiba ang mga iyon. Personal ang pag-aalok ko sa inyo habang ang negosasyon ay kailangang mangyari sa ikabebenepisyo ng ating mga puwersa.”
Umismid si Iseranni. Napagdesisyunan niya nang sumingit sa usapan dahil nakita niya itong oportunidad para buksan ang paksa patungkol sa isang bagay.
“Hindi man namin matatanggap ang iyong alok, hangad namin na bumuo ng relasyon sa inyo kagaya ng ginawa ng tribo ng mga arkous. Kagaya ng aking ipinangako... gusto kong ibigay rin sa iyo at sa buong New Order ang palatandaan ng pakikipagkaibigan namin, Finn Silva,” sabi ni Iseranni. Naglabas siya ng isang ginintuang barya at inihagis niya ito kay Finn.
“Saluhin mo,” aniya pa.
Sinalo ni Finn ang barya at bumakas ang matinding tuwa sa kaniyang mukha habang nakatingin kay Iseranni. Masayang-masaya siya dahil kusang-loob nang nag-alok ang isa sa mga pinuno ng Creation Palace ng pagkakakaibigan, at ang mas ikinatuwa niya pa ay wala ni isang tumutol kina Adlaros, Nesialora, Lelin, at Caesia. Ngumiti pa ang mga ito sa kaniya at para bang suportadong-suportado ng mga ito ang desisyon ni Iseranni.
Pinagmasdan ni Finn ang gintong barya sa kaniyang palad. Nakita niyang nakaukit ang simbolo ng Creation Palace sa isang bahagi ng barya, at kagaya ng baryang ibinigay sa kaniya ni Eranore, mayroon din siyang naramdamang kakaiba sa baryang ito. Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam na iyon, pero sigurado siya na mayroong kakaiba sa baryang ito kumpara sa mga pangkaraniwang tsapa o medalyon.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]
FantasySynopsis Sa pagpapakita ng Land of Origins o ang tinatawag ding mundo ng pinagmulan ng lahat bagay, si Finn at ang New Order ay naghahanda na para sa isang mapanganib na pakikipagsapalaran sa mundong ito. Tutuklasin nila ang misteryong bumabalot lup...