Chapter XLVIII: Group of Skillful Formation Masters
Lampas na sa kalahati ang buhanging bumagsak sa babang bahagi ng orasa. Ibig sabihin, humigit kumulang na apat na raang oras na ang nakararaan magmula nang magsimula ang paligsahan. May ilan na nasa huling bahagi na habang marami pa rin ang nakakakalahati pa lamang sa kanilang ginagawa. Mayroon pang ilan na nagkamali kaya wala silang nagawa kung hindi ang umulit.
Mahaba pa ang oras, kayang-kaya pa rin nilang makatapos kahit na uulit sila. Hindi malaking formation ang kanilang gagawin, gagawa lang sila ng formation na ang sakop ay ilang metrong kuwadrado kaya hindi iyon kokonsumo ng mahabang panahon, pero kahit na ganoon, kailangan pa rin nilang magmadali lalo na sa mga sandaling ito.
Kung bubuo sila ng formation na ang sakop ay ekta-ektarya, kulang ang pitong daan at limampung oras. Hindi lang basta isa o dalawang buwan ang kanilang kailangan dahil kokonsumo sila ng kalahati o isang taon para makabuo ng isang formation. Ganoon man, kung marami silang nakilos at lahat sila ay mahuhusay, marahil kayanin nilang makapagtatag ng formation--pero ng isang hindi sobrang taas na kalidad ng formation.
--
Taimtim ang ekspresyon ni Finn habang pinagmamasdan niya ang natapos nina Augustus sa apat na disko. Lampas na sa kalahati ang nagawa ng lima, at malapit na silang matapos sa paglalagay ng mga kombinasyon ng padron at simbolo. Unti-unti nang nagkakamukha ang mga disko, ganoon man, hindi pa panatag si Finn dahil ang totoong kalbaryo sa pagbuo ng Four Guardians Killing Formation ay nagsisimula pa lamang.
Kasalukuyang nagninilay-nilay sina Augustus, Caesar, Demi, Kage, at Niox. Pinahinto muna ni Finn ang mga ito sa paggawa dahil halata na kailangan ng mga ito na magpahinga. Hindi lang enerhiya nila ang nakokonsumo sa paglalagay ng mga simbolo dahil mas kailangan ang lakas ng kaisipan sa ganitong gawain. Kailangan nilang magpahinga dahil pansin ni Finn kanina na bumabakat na ang mga ugat sa noo ng lima. Sigurado siya na nananakit na ang mga ulo ng mga ito kaya pinahinto niya muna sina Augustus para makaiwas ang kanilang pangkat sa mas malaking problema.
Mas marami ang natapos nina Kage at Niox sa disko na nagtataglay ng elemento ng kahoy. Lamang sila ng bahagya kay Augustus na naglalagay ng mga padron at simbolo sa disko na nagtataglay ng elemento ng apoy. Hindi na ito kataka-taka dahil magkatulong sina Kage at Niox kaya mas mabilis sila kaysa sa tatlo. Sa kabilang banda, halos pantay lamang ang natapos nina Demi at Caesar.
At kahit na nakararamdam siya ng kaunting pag-aalala para sa magiging resulta, hindi pa rin naaalis sa kaniya ang tuwa habang pinagmamasdan ang apat na disko.
“Pino at mahusay ang pagkakalilok nila sa mga simbolo. Perpektong-perpekto pa ang kondisyon ng bawat disko. Sana lang ay hindi magkaroon ng problema dahil hindi maaaring umulit ang aming grupo. Kapag nagkaroon ng pagkakamali, mahirap nang magpatuloy pa sa paligsahan lalo na't imposible nang makagawa ng mataas na uri ng formation sa nalalabing oras,” pabulong na hayag ni Finn. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy, “Pero, naniniwala akong kakayanin ng grupong ito na magwagi. Matatapos na sila sa paglilok sa mga disko, at kapag natapos silang lima, dadako na kami sa huling bahagi kung saan doon na malalaman kung tagumpay ba kami sa pagbuo sa Four Guardians Killing Formation.”
“Kung hindi tayo magbabakasakali, hindi natin malalaman kung hanggang saan ang kakayanin nating gawin,” hayag niya.
Bumaling siya kina Augustus, Caesar, Demi, Kage, at Niox na nagninilay-nilay sa sahig. Napakasaya na niya dahil umabot ang mga ito sa puntong ito. Kakaunting panahon pa lamang ang ginugugol nila bilang formation master, iilang dekada pa lang silang nag-aaral, pero nakikita ni Finn na hindi lang binalewala ng mga ito ang kaniyang ipinamahaging kaalaman na mula sa system ng Rise of Gods.
Muli niyang ibinaling ang kaniyang tingin sa mga disko, at ilang sandali pa, naramdaman niya ang pagtayo ng lima mula sa kanilang pagkakaupo sa sahig. Sinulyapan niya ang mga ito na kasalukuyang papalapit sa lamesa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]
FantasiSynopsis Sa pagpapakita ng Land of Origins o ang tinatawag ding mundo ng pinagmulan ng lahat bagay, si Finn at ang New Order ay naghahanda na para sa isang mapanganib na pakikipagsapalaran sa mundong ito. Tutuklasin nila ang misteryong bumabalot lup...