Chapter LXXXIII

5.2K 1.1K 233
                                    

Chapter LXXXIII: You Asked For It

“Mga kawal!!” Sigaw ni Deronia matapos siyang makaramdam ng matinding panganib. Lumingon siya sa mga kawal at natigilan siya nang makita niyang nakaluhod ang mga ito sa sahig habang nilalabanan ang hindi nakikitang mabigat na presyur. Doon nanlaki ng sobra ang kaniyang mga mata. Nakaramdam siya ng takot. Alam niya sa sarili niya kung ano ang nagawa niyang pagkakamali at ngayon, tila ba nararamdaman niya ang papalapit na kamatayan.

Subalit, wala siyang balak na umatras. Hindi siya papayag na pangalawa lamang siya dahil para sa kaniya, siya ang dapat manalo. Ipaglalaban niya ang kaniyang posisyon, ganoon man, magtitimpi siya upang makaligtas siya mula sa kamatayan. Hindi siya naniniwalang dito magwawakas ang kaniyang buhay. Hindi siya papayag na mamatay rito, at hindi rin siya papayag na madungisan ang kaniyang reputasyon bilang tauhan ng alchemy god.

Kahit papaano, mayroon siyang mga alas kapag nagkagipitan. Isa pa, ang ipinasamang kawal sa kaniya ng kaniyang panginoon ay hindi basta-basta. Ang responsibilidad ng mga ito ay protektahan siya kaya kampante siya na paraan ang mga ito kung sakaling malagay sa panganib ang kaniyang buhay.

Ganoon man, hindi makakilos ang mga ito ngayon dahil sa napakabigat na puwersa. Kailangan niya munang pakalmahin ang mabigat na tensyon para maging matiwasay ang kaniyang binabalak na pagrereklamo.

At bago pa siya makapagpaliwanag, isang galit na boses ang kaniyang narinig.

“Tapos na ako sa kahangalang ito, Reyna Iseranni! Tiniis ko ang kaniyang kalapastanganan noong ikalawang yugto, subalit sobra-sobra na ang kaniyang mga paratang ngayon! Napakalinaw ng kaniyang pahayag! Pinaparatangan niya tayo bilang mandaraya at hindi patas! Sinasabi niyang mayroon tayong pinapanigan at bukod pa roon, tinawag niyang walang kuwenta ang pinagpaguran nating kompetisyon!” Nanggagalaiting sigaw ni Eshi. Galit na galit ang kaniyang ekspresyon, nanlilisik ang kaniyang mga mata at para bang gusto niya nang sugurin si Deronia. “Kailangan ko ang permiso mo, Reyna Iseranni. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko natuturuan ng leksyon ang babaeng iyan! Para tawagin tayo bilang mandaraya't hindi patas, sumusobra na siya!”

Sumimangot si Deronia sa loob-loob niya dahil kay Eshi. Gusto siya nitong turuan ng leksyon at ipahiya sa mga manonood. Alam niya na malaki ang posibilidad na magkasundo-sundo si Iseranni at ang tatlo pang hurado, subalit bago iyon, kailangan niya munang makapagpaliwanag. Hinarap niya muli si Iseranni. Palihim niyang ikinuyom ang kaniyang kamao. Pilit siyang ngumiti rito at sinabing, “I-Isang hindi pagkakaunawaan. Hindi ko intensyon na kayo ay paratangan... nadala lang ako ng aking emosyon dahil hindi malinaw sa akin kung ano ang nangyari at bakit nagkamit ang grupong iyon ng perpektong puntos habang ako ay nakakuha lamang ng siyamnapu't dalawang puntos.”

Naging seryoso ang kaniyang ekspresyon. Nagpakita siya ng tapang at hindi niya ininda ang nakakakilabot na aura ni Iseranni. “Siguro naman ay may karapatan akong malaman kung paano nangyari iyon, hindi ba? Marahil wala sa inyo ang problema, pero sigurado ako na may mali sa nangyayari. Tauhan ako ng alchemy god. Mayaman ako sa kaalaman at karanasan kaya papaano akong matatalo ng isang alchemist na nagtataglay lamang ng orange alchemy flame at higit sa lahat, kabilang pa sa nakababatang henerasyon? Makabuluhan ang aking hinihinging paliwanag. Kailangan kong magkaroon ng kaliwanagan dahil hindi ako makapapayag na matalo ng isang walang malawak na karanasan na alchemist.”

“Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mayurakan ang aking dignidad bilang alchemist,” dagdag niya pa.

Suminghal si Pasquier. Ipinaramdam niya ang kakila-kilabot niyang aura kay Deronia dahilan para mapaatras ito ng bahagya at mahirapan na tumayo nang maayos.

“Kailangan pa bang pakinggan ang paliwanag niya? Hindi mababago ng nauna mong sinabi ang iyong paliwanag ngayon. Wala kaming pakialam kung nadala ka lang ng iyong emosyon o kung ano man. Malinaw sa amin ang iyong paratang at bilang kami ang mga hurado, hindi kami papayag na dungisan mo ang aming reputasyon,” mariing sambit ni Pasquier. “Reyna Iseranni, humihingi kami ng pahintulot na siya ay ikulong at maparusahan kasama ang kaniyang mga kawal.”

Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon