Chapter LXXXV: New Order's Goal
Tanging ang New Order lamang ang nakakuha ng ganito kataas na respeto sa lahat ng mga kalahok, at para sa mga panauhin, karapat-dapat lamang ang New Order sa ganitong pagkilala. Nagawa nilang mapahingi ng paumanhin ang pamunuan ng Creation Palace dahil sa naging husga ng mga ito noong una, subalit hindi rin sila masisisi dahil sino nga ba talaga ang mag-aakala na ang isang hindi gaanong kilalang pangkat na pinamumunuan ng isang animo'y walang pakialam na pinuno ay isa palang pangkat ng mahuhusay na propesyonal?
Walang nag-akala na ganito kahuhusay ang propesyonal sa New Order, at hindi nila inakala na ang pinuno nitong walang pakialam ay isa palang napakagaling na propesyonal sa apat na larangan. Kilala lang ng karamihan ang New Order dahil kay Auberon, pero ngayon, ang New Order ay hindi lang makikilala dahil sa iisang tao, bagkus, makikilala na sila bilang isang grupo na binubuo ng pinunong hindi mapapantayan ninoman at mga talentadong indibidwal na may napakagandang hinaharap.
“Isang karangalan na masaksihan ang iyong kadakilaan, Finn Silva. Hindi ka mapagmataas o mayabang, at sa kabila ng pagtataglay mo ng mga kakayahan at katangian na wala ang isang pangkaraniwang indibidwal, nananatili kang mapagkumbaba at mabuti,” pahayag ni Adlaros. “Kung noong una ay hindi ako naniniwala sa sinasabi ng iyong mga mata, ngayon ay hindi na ako nagdududa--isa kang indibidwal na punong-puno ng karunungan at diwa. Masuwerte kami dahil nagkaroon kami ng pagkakataon na makilala ang isang kagaya mo sa henerasyong ito,” dagdag niya pa.
Labis na pagpapakumbaba ang ipinapakita ngayon ni Adlaros, at ang mas nakamamangha pa, wala ni isa sa apat pang pinuno ang pumipigil sa kaniya. Lahat ng pinuno ng Creation Palace ay nasa Saint Rank at kilala ang apat sa kanila na pinakamahuhusay sa apat na larangan. Ganoon man, tinuturing nila na para bang mas mataas sa kanila si Finn. Ito ang ikinamangha at ikinaiinggit ng ibang panauhin dahil ngayon, saksi silang lahat kung paano magkamit ng paggalang at pagkilala si Finn dahil sa kaniyang ipinamalas na talento at kakayahan.
Sa kabilang banda, para kay Finn, masyadong sobra ang papuri sa kaniya ni Adlaros. Sobrang taas ng tingin sa kaniya ng mga ito, pero hindi ganoon ang tingin niya sa sarili niya dahil ang mga bagay at talento na mayroon siya ay hindi dahil natural ito sa kaniya. Hindi niya kaalaman ang ginagamit niya dahil ang lahat ng ito ay galing sa system.
‘System ng isang laro ang dahilan kung bakit ganito ako kahusay at katalino sa iba't ibang bagay. Hindi ako gano'n ka-talentado kagaya ng iniisip ng iba dahil wala na akong maipagmamalaki bukod sa sipag at pagpupursigi,’ sa isip ni Finn. ‘Hindi ako lumikha ng kahit ano dahil ang system ang nagbigay sa akin ng lahat ng ginagamit ko sa kasalukuyan. Tungkol sa aking kakayahan bilang Water Celestial King, ito lang marahil ang natural sa akin. Hindi ako mahusay na propesyonal, talaga lang ipinagkaloob sa akin ang ganito kalaking oportunidad para magamit ko sa makabuluhang mga bagay.’
‘Ganoon man, hindi ko maaaring ibunyag ang tungkol dito sa iba. At walang dahilan para ipaalam ko pa sa iba ang tungkol sa system.’
Taimtim ang ekspresyon ni Finn, at nang makakuha siya ng tiyempo, huminga siya at bahagya siyang ngumiti. Ibinuka niya ang kaniyang kamay at sinabing, “Maraming salamat.”
Ito na lang ang masasabi niya sa lahat ng sinabi ni Adlaros. Ayaw niya nang pahabain pa ang tungkol sa bagay na ito dahil sa isip niya, hindi siya karapat-dapat na purihin nang sobra.
Nakaramdam ng pagkailang si Adlaros dahil sa simpleng pagtugon ni Finn. Ganoon man, hindi na niya pinagpatuloy pa ang pagsasalita ng mabubulaklak na salita. Sa tingin niya ay hindi na kailangan iyon kaya ngayon, ang sunod niyang gagawin ay ang ipinakiusap sa kanila ni Finn.
Muli niyang pinukaw ang atensyon ng mga panauhin at nang makita niyang nasa kaniya na muli ang tingin ng mga ito, ibinuka niya ang kaniyang bibig at nagpatuloy na sa pagsasalita, “Bilang pagpupugay sa pagkapanalo ng New Order, nais naming bigyan ng karapatan si Finn Silva na magsalita upang maipahayag ang kaniyang nais sabihin.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]
FantasySynopsis Sa pagpapakita ng Land of Origins o ang tinatawag ding mundo ng pinagmulan ng lahat bagay, si Finn at ang New Order ay naghahanda na para sa isang mapanganib na pakikipagsapalaran sa mundong ito. Tutuklasin nila ang misteryong bumabalot lup...