Kabanata 4

135 15 2
                                    

BRIDGIT

"Hello, babycakes!" bati ko kay Ace. "Napatawag ka?"

"Let's go on a date again," sabi niya sa kabilang linya.

Bumuntong-hininga ako kasi hindi na pwede ngayon. "Sorry, babycakes, pero hindi pwede."

"We almost have don't time for each other anymore." Narinig kong may halong pagtatampo ang boses niya.

"Alam ko, pero intindihin mo naman ako, please?"

"Mamaya na tayo mag-usap," pagalit na sabi niya saka binaba ang tawag.

Parang gusto kong umiyak pero nakakahiya sa mga tao kaya pinigilan ko ito. Akala ba niya hindi ako nahihirapan sa set-up namin ngayon? Akala ba niya hindi ko siya gustong makasama araw-araw? Kung pwede ko lang siyang puntahan araw-araw pagkatapos ng klase ko, gagawin ko.

Ang kaso... kabisado na nina Mama at Papa ang oras ng uwi ko. Kung wala pa rin ako sa bahay ng dating kinagawian ko, paniguradong tatawag sila agad sa akin para malaman kung nasaan na ako at kung ligtas ba ako.

Naglakad ako sa sakayan ng mabigat ang loob. Dati pa naman akong pagod habang nagko-commute pero ibang klase yung pagod ko ngayon. Pakiramdam ko talaga iiyak ako habang nasa biyahe.

Di kalayuan ay nakita kong tumawid mula sa kabilang kanto si George. Parang awtomatiko akong ngumiti saka siya kinawayan. Kumaway din naman siya pabalik. "Pauwi ka na rin?" tanong niya.

"Oo, ikaw rin ba?" Tumango siya. "Sabay na tayo?"

Lumiwanag ang mukha niya bigla. "Tara, ayun oh! Fairview!" Pinara niya yung bus. Mabilis kaming tumakbo palapit sa bus. Pinauna pa niya akong umakyat. Agad akong naghanap ng dalawang bakanteng upuan para tabi kami.

Papaunahin ko sana siya sa window seat pero tinanggihan din niya. "Hindi na. Ikaw na d'yan para iwas manyak."

Hindi ko inaasahan ang sinabi niya kaya napatingin ako sa kanya habang umuupo kami. Grabe. May ganito pa palang lalaki sa mundong ibabaw?

"Bakit ganyan ka makatingin?" tanong niya kaya napakurap ako ng ilang beses.

"Ah!" Mabilis kong kinapa ang wallet sa bulsa ko. "Ito na yung utang kong tatlong piso," sabi ko saka inabot sa kanya ang barya.

"Sabing h'wag na e. Tatlong piso lang naman 'yon."

"Hindi pwede." Hindi ako matatahimik hangga't hindi bayad ang utang ko. Hinuli ko ang kamay niya saka binuksan ang palad niya. Hindi naman siya nagmatigas pa. Mukhang nanghina pa nga siya. "Ang utang, dapat lang na binabayaran. Hindi dapat kinakalimutan."

Wala na siyang nasabi pa kaya tinanggap niya na lang ito. Sakto namang dumating na sa amin yung kundoktor. Agad kaming nagbayad ng pamasahe.

Pagkatapos no'n ay naalala ko na naman ang problema ko. Mabilis na nahalata ni George 'yong pagbabago ng mukha ko. "May problema ka ba?"

Napabuntong-hininga ako habang nakatingin sa labas. "Okay lang ba mag-rant sa 'yo? Promise, ngayon lang."

"Basta ikaw, handa akong makinig," sabi niya kaya ginanahan akong magkwento.

Hindi ko rin kasi makwento 'to sa mga kaibigan ko dahil hindi ko sila madalas makasama. Kapag nasa klase naman kami, puro lang kami review dahil halos araw-araw din kaming may quiz. Ayaw ko na ring dumagdag sa mga problema nila. Mukhang wala naman kasing ibang solusyon sa problema ko kung hindi ang magtiis e.

Sa ngayon, hindi ko naman kailangan ng solusyon. Gusto ko lang ng taong makikinig sa mga problema at hinanakit ko sa buhay kasi parang lahat ng tao sa paligid ko, ayaw makinig sa akin.

Nagulat kami sa malakas na busina sa labas. Kanina pa hindi umuusad ang traffic. "Mukhang may dalawang oras ka para ikwento 'yan." Natawa ako dahil baka maging tatlong oras pa nga dahil sa matinding traffic.

"Rush hour na nga pala. Buti nakasakay tayo agad," sabi ko sa kanya.

"Hmm, umiiwas pa sa topic e. Ikwento mo na 'yan, Bridgit." Napakamot ako sa batok ko.

Isa na namang buntong-hininga ang kumawala sa bibig ko. "Wow, ang lalim nung hugot no'n, a?" pansin niya.

Sabay kaming tumawa. "E kasi... ramdam mo ba yung pagod sa buntong-hininga ko?" Tumango siya saka kami natawa. "Nakakapagod kasi yung araw-araw kang magko-commute mula sa Fairview hanggang dito tapos pabalik ulit pag-uwi. Alam mo 'yon?"

"Alam na alam," sang-ayon niya habang tumatango-tango.

"Alam mo bang nakiusap na ako sa mga magulang ko kung pwede ba akong tumira sa dorm dito? Pakiramdam ko kasi mas makakapag-aral ako kapag may inuuwian ako rito. Para mabawasan din yung pagod ko. Gumawa pa ako ng PowerPoint presentation, a!" pagyayabang ko sa kanya.

"Hulaan ko: ayaw pa rin nila."

Bumagsak ang balikat ko saka napatingin sa taas. Inulit ko ang sinabi niya habang nagpipigil ng iyak, "Ayaw pa rin nila."

"Bakit ayaw nila?"

Napapairap talaga ako tuwing naaalala ko yung mga dahilan nila. "Marami silang nasabi pero alam kong isa lang talaga yung dahilan kung bakit ayaw nila." Nanatili siyang tahimik, hinihintay ang magiging sagot ko. "Ayaw lang naman talaga nilang mag-dorm ako kasi natatakot silang mabuntis ako ng boyfriend ko."

"Sus. Nag-aalala lang ang mga 'yon." Magrereklamo na sana ako kaso naunahan niya ako, "Pero gets. Bilang Nursing student, nakakapagod din talaga ang commute," pagsang-ayon niya. "Mag-aaral ka pa pag-uwi mo."

Napapalakpak ako sa sinabi niya. "Di ba? Isa pa, mukhang wala silang tiwala sa akin n'yan e. Anong akala nila, magpapabuntis ako sa jowa ko?"

"E baka naman wala lang talaga silang tiwala sa boyfriend mo," depensa niya. Aawayin ko sana siya kaso may point naman siya. Dahil doon, naalala ko na naman yung tawag namin kanina ni Ace. "O, bakit naiiyak ka na d'yan?"

Mabilis niya akong inabutan ng tissue paper, yung magaspang na tissue na ginagamit namin tuwing laboratory. Hindi ko na tuloy napigilan ang luha ko! "Nakakainis ka kasi e! Bakit may pag-abot ng tissue? Tapos ito pang magaspang ang ibibigay mo sa akin," reklamo ko.

Natawa siya sa pagdadabog ko. "E 'yan lang ang meron ako. Kasalanan ko pang naiyak ka? May nasabi ba ako?" Napakamot na lang siya sa ulo niya. Halatang litong-lito na siya sa akin.

"E kasi nag-abot ka ng tissue! Na-trigger tuloy yung mga luha ko." Pinahid ko agad ang luhang tumulo sa mata ko.

Sinandal niya ang ulo niya sa headrest ng upuan niya. "Gusto mo rin bang ikwento ang totoong dahilan n'yan?" Nakakainis. Bakit niya alam na may hugot yung iyak ko bukod sa mga sinabi ko?

Bahagya kaming natahimik. Tanging ingay ng mga sasakyan at busina ang nangibabaw. Pati na rin ang kadaldalan ng ibang mga pasahero. Kahit na tahimik lang kami, hindi ako nakaramdam ng pressure na magkwento kay George. Pero sinabi ko pa rin. "Nag-away kami ng jowa ko."

"Anong pinag-awayan niyo?"

"Hindi ko kasi siya napagbigyan ngayon na mag-date kami e," sagot ko habang pinupunasan ang luha ko. "E wala na kasi akong budget for another date sa labas. Isa pa, may exam ako bukas. Kailangan ko pang mag-aral."

Napansin kong tahimik lang si George, hindi tulad nung kanina na marami siyang binabalik na dahilan. "Wala kang pangontra ngayon?"

Umiling siya.

"Wala kang sasabihin?"

"Wala rin naman akong sasabihing maganda kaya h'wag na lang."

"Pero meron ka ngang gustong sabihin?" Pansin kong nakukulitan na siya sa akin kasi napangiwi ang mukha niya. "Ano nga 'yon?"

"Promise, hindi ka magagalit sa akin?"

"Hindi nga." Napakakulit din ng isang 'to. Mas lalo tuloy akong naku-curious sa ginagawa niya!

"Gago 'yang jowa mo kasi hindi ka niya iniintindi. Dapat siya ang unang umiintindi sa sitwasyon mo, hindi yung siya ang unang nagagalit sa 'yo kapag hindi mo siya napagbibigyan." Halata sa mukha niya ang pagka-irita niya.

Akala ko ba hindi maganda ang sasabihin niya? Then why did he just tell all the right words to comfort me?

Crush Hour (Manila Commuters Club, #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon