Kabanata 7

103 14 6
                                    

BRIDGIT

Pagkatapos pumayag ng nanay ni George, agad niya akong hinigit papunta sa sinasabi niyang bilyaran. Sa sobrang ligalig ni George, napilitan akong pantayan ang energy niya. Ngayon lang siguro siya makakapaglaro ng bilyar ulit, ano?

Pagpasok namin sa bilyaran, nakita ko ang iba't ibang estudyante mula sa iba't ibang campuses na naglalaro. Samu't saring estudyante ang nakikita ko pero karamihan ay galing sa campus namin.

Binati ni George ang isang matangkad na masungit na lalaki. "Uy! Buti pinayagan ka ni Tita?"

"Katatapos lang ng prelims e. Pwede raw ako magliwaliw muna."

Ganun din ang ginawa niya sa isa pang lalaking payat at mukhang puyat. "Uy, Tep! Buti g ka ngayon?"

"Wala akong duty mamaya e," sagot nito.

Biglang sumulpot sa kung saan ang isang babae na niyakap yung lalaking payat. Yung Tep ba 'yon? "Ano, hindi mo ba kami ipapakilala d'yan sa kasama mo? Litong-lito na siya o," pansin niya.

Doon lang na-realize ni George na hindi pa niya ako napapakilala sa mga kaibigan niya. "Ay, ito nga pala si Bridgit, kaibigan ko." Kumaway ako sa kanila.

"Ito naman si Tanya..." Ito yung babaeng mushroom kasi bigla-bigla na lang sumusulpot. "Tep..." Ito naman yung lalaking hindi uso ang tulog sa kanya. "Isaac..." Ah, yung mukhang masungit. "Si Clara, hindi mo kasama?" Napakunot ang noo ko. Sino na naman 'yon?

"Baka humabol na lang. Hindi pa tapos exam niya e," sagot nito.

Pagkatapos no'n, inabot sa akin ni George ang isang mahabang stick. Hindi ko alam kung anong tawag dito. "Marunong ka bang maglaro ng bilyar?"

Mabilis akong umiling.

"Ang tawag d'yan sa hawak mo, cue stick. 'Yan ang gagamitin mo para tumira ng bola," sabi niya saka itinuro ang mga bolang inaayos ni Isaac. "May dalawang klase ng bola: solids at stripes. Yung solids, isang kulay lang 'yon. Yung stripes naman, may puti sa taas at baba. Gano'n madalas ang ginagawa naming hatian sa laro. Kunwari, puro solids ang kailangan nating maipasok sa mga butas. Kapag stripes ang nahulog, mapupunta ang puntos sa kabilang team."

Napakasimple ng pagkakapaliwanag ni George kaya parang ang dali lang ng bilyar para sa akin. Dahil lima lang kami, hindi naging pantay ang grupo. Nasa kabilang kampo sina Tanya at Tep, samantalang napunta sa amin si Isaac. Naisip nila na gano'n ang magiging patas na hatian dahil first time ko naman daw ang maglaro.

"Solids kami," sabi ni Tanya. Mabilis namang pumayag sina Isaac at George. Mukhang sanay na talaga silang maglaro.

Si Isaac ang nag-break ng eight-ball triangle. Sobrang swabe nung paggalaw niya, pati na rin ang pagkalat ng mga bola. "Hala ang gwapo," bulong ko na narinig ni George.

Napatingin siya sa akin kaya napatingin din ako sa kanya. Napakunot ang noo niya kaya natawa ako. "Ang bilis mo naman maka-move on? Parang kanina umiiyak ka, a?"

Mas lalo lang akong natawa sa sinabi niya. "E totoo naman! Nakita mo ba yung paggalaw niya?"

Nirolyohan niya lang ako ng mata. Siguro sanay na siyang mapanood si Isaac na maglaro. Mas lalo siyang gumwapo sa paningin ko kasi may isang bolang nakapasok agad sa pocket. Ang galing!

Sumunod na naglaro si George. Halata kong nagpapakitang-gilas siya sa akin kasi nagawa niyang magpasok ng dalawang bola sa magkaibang butas. Ngumisi siya sa akin pagkatapos. "Aba, napakayabang mo!" pang-aasar ko sa kanya.

"Grabe. Kapag si Isaac, gwapo. Kapag ako, mayabang. Sige, sino ba naman ako 'di ba?" kunwaring pagtatampo nito.

Mas lalo lang akong natawa sa inasta ni George. Kumapit ako sa kamay niya habang pinipigilan ang tawa ko. "Hindi na. Sige na, turuan mo na ako paano tumira."

"Hindi. Doon ka na kay Isaac magpaturo," sabi pa niya.

Akmang pupuntahan ko na si Isaac para magpaturo nang higitin niya ang kamay ko kaya napalingon ako sa kanya. Hindi ko naman inaasahan na magkakalapit kaming dalawa ni George ng ganito. Sa sobrang lapit niya, ramdam ko ang pagtigil ng hininga niya. Amoy na amoy ko rin ang pabango niya.

Ngayon ko lang din siguro nakita ang kagwapuhan niya. Mapungay ang mga mata niya. Parang ang sarap malunod sa tingin niya. Medyo matangos din ang ilong niya. Parang ang sarap padaanin ang daliri ko roon. Napangiti ako kasi medyo dry ang mga labi niya. Halatang hindi gumagamit ng lip balm o kahit Vaseline man lang. Pero kahit na gano'n, parang ang gwapo pa rin niya?

Naputol ang titigan namin nang marinig naming umubo ang mga kasama namin. Mabilis akong tinuruan ni George kung paano tumira.

───────────────

"Salamat pala dahil dinala mo ako rito," sabi ko kay George.

Tumango siya. "Wala 'yon. Nag-enjoy ka ba?"

"Oo naman. Even just for a moment, nakalimutan kong iniyakan ko yung mokong na 'yon." Masakit pa rin naman pero hindi na siguro gaanong kasakit kumpara kanina.

Imbes na dinadamdam ko ang breakup namin, mas mabuti na yung nakikipaglaro ako sa mga kaibigan ni George. May nakilala pa akong bagong mga kaibigan. Baka nga may bago na rin akong happy crush e.

Happy crush lang naman. Wala naman akong balak lumandi habang hindi pa ako nakaka-move on nang tuluyan kay Ace. At least, hindi na magiging masyadong masakit, 'di ba?

Crush Hour (Manila Commuters Club, #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon