Kabanata 1

286 14 5
                                    

BRIDGIT

Sana pumayag na sila. Nasa harap ko ang mga magulang ko ngayon para mag-present ng mga dahilan kung bakit nila ako kailangang payagan na mag-dorm. Isang taon na akong nagtitiis sa mahabang commute pero pakiramdam ko hindi ko na kakayaning tumagal kapag buong college life ko, ganito kahabang commute ang kailangan kong tiisin araw-araw.

May hinanda pa akong PowerPoint presentation dahil seryoso ako sa request kong dorm. Kaya sana pumayag na sila.

Bahagya akong umubo para bumwelo ng lakas ng boses. "Magandang umaga, Mr. and Mrs. Adriano! Ako po si Bridgit Adriano, ang katangi-tangi niyong anak at narito ako upang kumbinsihin kayo na mag-dorm na ako. Maaari lamang na ireserba ang inyong mga katanungan sa dulo ng presentation. Maraming salamat!" Nilawakan ko ang ngiti ko para hindi halatang kinakabahan ako.

Alam ko namang informal 'to at wala akong grade sa presentation na ito pero pakiramdam ko buhay ko ang nakasalalay dito.

Narinig ko ang bulong ni Mama, "Kung ano-ano na naman 'tong pakulo mo, Bridgit."

"Hayaan mo muna 'yan. Pakinggan natin kung anong sasabihin," sabi ni Papa kaya mas ginanahan ako dahil willing naman pala silang makinig.

Nang tumahimik sila parehas ay pinindot ko ang right arrow button para ilipat ang slide. "Reason number one: Masipag akong estudyante." Buhat-bangko ito pero alam ng mga magulang ko 'to. Minsan, hindi sapat na talino lang ang panlaban ko kaya sinasamahan ko ng sipag. Kaya consistent ako sa honor roll simula nung bata pa lang ako.

"Mas makakapagsipag ako kapag may sarili akong titirhan na malapit sa campus. Mas marami rin akong magagawa bilang estudyante kung sakali." Just imagine how productive I could be! Minsan kasi may mga break time kami na mahaba, lalo na kung wala yung prof namin. Pwede namang tumambay sa library pero ewan ko ba! Mas nakakapag-aral ako kapag nasa bahay.

Mas dumadalas na rin kasi ang mga groupworks sa school ngayon. E minsan, mas convenient kapag magkita-kita kaming lahat para matapos agad yung gagawin. Tuwing walang klase pa naman sila nagmi-meeting. Kung online naman ang meeting, kailangan pa nila akong antayin na makauwi. Kaya madalas kapag online meeting, sa group chat na lang kami e. Tapos sa bus na lang ako nagre-reply.

Sa sumunod na slide, naglagay ako ng magagandang pictures ng campus ko. "Pangalawa, nakapasa ako sa isa sa mga pinakamagandang unibersidad dito sa Pilipinas. Kaya deserve ko po ang mag-dorm kasi hindi lahat ng tao nakakapasok dito," niyabangan ko na kasi totoo naman. Isa pa, mga magulang ko naman 'to. Hindi naman nila ako huhusgahan sa kayabangan ko.

Ang totoo n'yan, hindi naman nila ako sinabihang dito ako mag-aral e. Ako pa nga ang nagpumilit. Sabi pa nga ni Mama, dito na lang daw ako mag-aral sa malapit na university sa amin pero ayaw ko. Dream school ko kasi 'tong campus ko ngayon. Pinaghirapan kong maging mataas ang grades ko para hindi ako masyadong mahirapan na pumasok dito. Lalo ko pang ginalingan sa entrance exam para siguradong makapasok ako. Nagbunga naman yung paghihirap ko kaso yung layo nito mula sa bahay ko ang panibagong paghihirap sa buhay ko.

"Pangatlo, sobrang tagal ng commute mula Fairview hanggang U-belt at vice versa." Tuwing inaalala ko yung tagal ng biyahe ko, para akong nanghihina. "Iyong oras na ginugugol ko sa biyahe, gagamitin ko na lang po sana sa pag-aaral. Dagdag pagod din kasi yung biyahe palagi."

Pinigilan ko ang pag-iyak ko. Hindi ako pwedeng umiyak sa harap ng mga magulang ko ngayon. Baka mas lalo nilang isipin na mahina ako. Minsan, ganito ako habang nasa biyahe. Tuwing naiisip ko na nakakapagod ang biyahe at ang pagiging estudyante, gusto ko na lang umiyak. Pero lagi ko pa rin itong pinipigilan kasi nakakahiya sa mga pasahero. Baka kung anong isipin nila sa akin n'yan.

"Pang-apat, hindi niyo na ako kailangang alalahanin pa dahil marunong na akong magluto, maglaba, at maglinis ng bahay!" siniglahan ko ulit para makabawi ako sa tamlay ko kanina.

Sinikap kong matutunan ang mga ito nung high school pa lang ako. Palagi kong tinutulungan si Mama sa paglalaba tuwing weekend basta tapos na ako sa mga kailangan kong aralin. Minsan nakiki-usisa ako sa mga niluluto ni Papa. Amoy pa lang kasi, ang sarap na! Iyon ang naging bonding naming dalawa. At bata pa lang ako, tinuruan na ako ni Mama kung paano maglinis. Kaya nga simula nung high school, ako na palagi ang naglilinis ng kwarto ko. Mas nakakapag-aral din ako ng maayos kapag maayos yung kwarto ko.

Pagkatapos no'n, nilipat ko na sa susunod na slide. Bumuntong-hininga ako bago magsalita. "At higit sa lahat, anak niyo ako. Dahil anak niyo ako, ayaw niyo akong mahirapan at gusto niyong makapag-aral ako ng mas mabuti." Ginamitan ko pa ng puppy eyes para mas effective.

Pinindot ko ulit ang next saka lumabas ang last slide ko na may nakasulat na, "Thank you for listening!" Pabiro akong yumuko na parang totoong presentation talaga iyon. "So anong say niyo, parentals? Is it a yes or a yes?"

"Hindi."

Para akong nabingi sa narinig kong sagot mula sa nanay ko. Pati si Papa napatingin sa kanya.

"Ano po ulit?"

"Hindi pwede, Bridgit."

"Pero bakit, Ma?" Hindi pa ba sapat yung mga sinabi kong rason para payagan nila ako?

"Unang-una, nakayanan mo naman maging Dean's Lister kahit na nagko-commute ka rito pauwi." Pero pagod na pagod na ako. Hindi malabong mawala ako sa Dean's List kapag pinagpatuloy ko pa 'tong mahabang commute na 'to.

"Pangalawa, ginusto mong pumasok d'yan sa unibersidad na 'yan kaya panindigan mo 'yan." Mas lalo akong nadismaya sa sinabi ni Mama. Alam ko naman 'yon kaya nga mas lalo kong ginagalingan kasi ako naman ang may gusto nito. Kahit na mahal ang tuition, sinuportahan pa rin nila ako kasi ito ang pangarap kong unibersidad. Pero... hay, ang sakit pala kapag ganito, ano?

"Pangatlo, pwede ka namang mag-aral habang nasa biyahe ka, 'di ba? Dagdag gastos lang 'yang dorm na 'yan, Bridgit. Mas makakatipid tayo kapag dito ka sa bahay nakatira." Tanggap ko namang hindi kami mayaman e. Alam na alam ko 'yon pero akala ko willing din sila maglaan ng budget para sa mga gastusin ko ngayong college. Ako lang naman ang anak nila. Bakit parang ang damot pa rin nila sa akin?

"Pang-apat, hindi mo sigurado kung ligtas doon. Paano kung mapa'no ka? E di mas lalo lang kaming nag-alala sa 'yo," dagdag ni Mama. "At panghuli, paano kung mabuntis ka nung magaling mong jowa, ha?"

Ah, lumabas din ang totoong dahilan.

Hindi na nila ako tinigilan magmula noong nalaman nilang may boyfriend na ako. Hindi ko pa siya napapakilala sa kanila dahil nga sobrang layo ng bahay namin. Doon pa lang, alam kong hindi na boto ang mga magulang ko sa kanya kaya hirap din akong dalhin siya rito sa bahay.

Sobrang nalungkot ako sa sinabi ni Mama. Matamlay kong pinatay ang laptop ko saka niligpit ito. "Hindi ko naman po inasahang wala po pala kayong tiwala sa akin bilang anak niyo," nanghihinang bulong ko saka ako umakyat sa kwarto ko para iiyak lahat ng sakit na naramdaman ko.

Crush Hour (Manila Commuters Club, #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon