Kabanata 8

92 12 0
                                    

BRIDGIT

Wala akong magawa. Pwedeng-pwede kong bawiin ang tulog ko ngayong Undas Break pero hindi ako makatulog. Parang ang dami kong energy. Parang gusto kong lumabas o gumala.

Hindi ko naman maaya yung mga kaibigan ko dahil may kanya-kanya silang out-of-town trip ng mga pamilya nila. Karamihan pa sa kanila, umuwi ng probinsya. E ako, wala naman akong probinsya.

Si George kaya? Sana hindi siya busy. Sana pwede ko siyang puntahan ngayon. Buryong-buryo na ako dito sa bahay. E bukas pa yung off nina Mama at Papa.

Bridgit:
George, tara bilyar tayo
Ayain na rin natin yung friends mo pag gusto nila

George:
Nako sorry brij
Hindi ako pwede
Binabantayan ko si lola ngayon e
Kung gusto mo, sabihan ko sina Isaac at Tanya
G naman mga yon e

Bridgit:
Ay nako wag na lang
Nakakahiyaaaa
Saan ka ba ngayon?

George:
Sa bahay HAHAHAHAHAHAHA
Bakit

Bridgit:
Pwede bang dyan na lang ako?
Samahan kitang mag-alaga sa lola mo

George:
Hala sure ka ba dyan?

Bridgit:
Kung ayos lang sa lola mo hehe

George:
Nako baka matuwa pa nga dahil may bagong bisita HAHAHAHAHAHAHA

Bridgit:
Yaaaaay sige see you!

───────────────

Mabilis akong naligo saka nag-ayos. Kaswal lang ang pananamit na sinuot ko—simpleng crochet halter top at maong shorts. Hindi na ako nagtali ng buhok kasi palagi na akong nakatali dahil required sa amin.

Dumaan ako saglit sa tindahan para bumili ng buko pie. May nagtitindang malapit dito sa bahay namin ng masarap na buko pie e. Sana magustuhan ng lola ni George.

Nang makarating ako sa address na pinadala ni George, tanaw ko na siya agad sa may gate nila. Sinalubong niya ako ng yakap. "Hindi ka naman naligaw?" tanong niya.

"Grabe ka naman sa akin. Marunong naman ako sa direksyon," sabi ko sa kanya. Inabot ko sa kanya ang buko pie. "O, para sa inyo 'to."

"Hala, si Bridgit, nag-abala pa!"

Pagkapasok ko sa gate nila, bumungad sa akin ang simpleng two-storey house na may asul at puting pinta. "Wala yung nanay mo?" tanong ko habang naglalakad kami papasok sa bahay nila.

"Wala, buong linggo ang duty niya kaya hindi rin ako masyadong nakakalabas ngayong undas," kwento niya.

"E anong ginagawa niyo ng lola mo?"

Nagkibit-balikat siya. "Nanonood ng mga teleserye niya." Natawa ako kasi na-i-imagine ko siyang nakaupo lang habang nasa tabi niya ang lola niya. Tipong wala sa kanya ang kapangyarihang baguhin yung channel kaya makikinood na lang siya. "Nakakaaliw din naman yung mga pinapanood niya kaya ayos lang. Minsan, nagbabasa na lang din ako ng mga libro natin sa nursing school."

"Weh? Hala, nahiya naman ako do'n!" Samantalang ako, puro gala lang ang iniisip kong gawin. E masisisi niyo ba ako? Puro aral naman talaga ang ginagawa ko kapag may pasok. Ngayon lang ako magliliwaliw kasi ngayon lang ako walang pasok.

Pagkapasok namin sa bahay, tanaw ko sa rocking chair ang lola ni George. Dumiretso kami sa kanya saka ako nagmano. "Lola, si Bridgit nga pala. Kaibigan ko tsaka schoolmate ko. Nursing din po ang kinukuha niya," pakilala niya sa akin. "Brij, si Lola Trudis pala pero mas gusto niyang tinatawag siyang Lola True."

"Nice to meet you po, Lola True!" bati ko.

"Ikaw rin, hija," sabi niya saka niya ako nginitian. Hala, na-miss ko tuloy ang lola ko! "H'wag niyo na akong intindihin masyado, ha? Kahit magkwentuhan lang kayo d'yan kung gusto niyo. May teleserye naman ako dito."

"Nagluluto kasi ako. Gusto mo ba akong samahan muna o si Lola True na lang?" Napaisip ako kasi medyo nahihiya pa ako ng kaunti kay Lola True. Kaso sinabi ko rin naman kay George na gusto ko siyang tulungan na magbantay kay Lola True.

"Dito na lang ako kay Lola True. Sasamahan ko muna siya," masigla kong sabi. "Kung ayos lang po sa inyo," sabi ko pa kay Lola True.

Bahagya siyang tumawa. Hala, ang cute niya! "Sige na, apo. Ako nang bahala rito sa bisita mo."

"Sus, Lola. Bisita mo kaya 'yan," biro pa ni George. Medyo totoo naman?

Tuluyan nang bumalik sa kusina si George samantalang naiwan kaming dalawa ni Lola True sa salas. "Gusto niyo po ba ng buko pie? Para sa inyo po 'yan!" alok ko.

Tumango naman siya kaya mabilis ko siyang binigyan ng isang slice saka isang baso ng tubig. Pagkabigay ko sa kanya ng plato, tinanong niya ako, "Paano mo nakilala ang apo ko?"

Hindi pa ako nagsisimula sa kwento ko, natatawa na ako agad. Hinding-hindi ko makakalimutan 'yon. "Nakatabi ko po siya sa bus pauwi. E kinulang po ako sa pamasahe kaya umutang po muna ako sa kanya. Magmula po noon, palagi na po kaming nagsasabay umuwi kasi parehas din po pala kaming taga-Fairview," kwento ko.

"Bakit pala Nursing ang kinuha mo, hija?" tanong niya bago sumubo ng buko pie.

Hindi ko mapigilang mapangiti sa kadaldalan ni Lola True. Naka-on pa rin kasi yung TV pero hindi na niya 'yon pinapansin. Nakatuon lang ang atensyon niya sa akin habang nagkukwentuhan kami.

"Ito po yung pangarap ko nung bata pa lang po ako e," sagot ko. "Tsaka po pangarap ko rin po dati ang mag-abroad. E palagi ko po kasing napapanood dati sa balita na maraming pinapadalang Filipino nurses sa abroad. Kaya yun na po yung pinili kong course."

Tumango-tango siya. "Hindi ka na ba magdodoktor?"

Natigilan ako kasi minsan, pumapasok sa utak ko ang tanong na 'yon. Hindi ko masyadong ine-entertain ang ideya na magme-med school ako kasi ngayon pa nga lang na college ako, gipit na gipit na kami sa tuition fee ko. Hirap na hirap na yung mga magulang kong sustentuhan ang pag-aaral ko sa Nursing. Paano pa kaya kung dumiretso ako sa med school 'di ba?

"Baka hindi na po," matamlay kong sagot kay Lola True.

Halatang napansin niya ang pagbabago ng tono sa boses ko. "Bakit naman hindi?"

"Hindi ko naman po gustong maging doktor," pagsisinungaling ko.

Kaya gulat ko nang bigla niyang sabihin na, "False." Napakunot ang noo ko. "Ano ang totoo, hija?"

Napakamot ako sa batok ko. Grabe naman 'tong si Lola True. Ang lakas din makapang-real talk! Tumawa ako na may halong kaba. "Ano po kasi... Panigurado pong hindi kakayanin ng mga magulang ko yung tuition fee kung sakali."

Tumango-tango naman siya, katulad ng ginagawa ni George tuwing nagkukwentuhan kami sa bus. Ang cute nila! "E 'di mag-ipon ka na lang muna ngayon hanggang sa may trabaho ka na. Para kapag sapat na yung ipon mo, pwede mo na sustentuhan ang sarili mo sa pagdodoktor mo, 'di ba?" May point naman si Lola True. "Kung gusto mo naman talaga ang isang bagay, gagawin mo ang lahat para mapasaiyo 'yon, tama?"

"True po."

Buong araw tuloy 'yon lang ang nasa isip ko kahit na nagbago na kami ng topic ni Lola True. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko. Kakayanin ko pa kayang mag-aral ng Medicine? Para sa akin ba talaga ang pagdodoktor? Paano kung hindi ko pala kayanin?

Pero siguro mas maganda na yung subukan ko kaysa habambuhay kong iisipin ang mga sagot sa tanong na 'to.

Crush Hour (Manila Commuters Club, #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon