Unti-unting nagbabago ang kulay ng kalangitan habang paunti-unting lumulubog ang araw. Ang kulay asul na kalangitan ay unti-unting nagiging pula at sa di kalayuan ay bahagyang binabalot na ng kadiliman. Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa mukha ko na dahilan ng pagkakagulo ng aking buhok.
Isang mainit na dampi ng kamay ang naramdaman ko sa aking tenga. Kamay na humahawi sa bawat hibla ng buhok na tumatakip sa aking mukha. At sa takdang oras ng aking paglingon sa kaniya, unti-unting nanlamig ang kaniyang mga kamay at agad niya itong binawi. Sa pagtatagpo ng aming mga mata, naramdaman ko ang pagmamahal na ngayon ko lamang natagpuan, isang bagay na hinding-hindi ko makukuha gamit ang hawak kong kamera. Ang namumutawing pagmamahal sa kaniyang mga mata kapag ako'y nakatingin sa kaniya.
Kung maituturing kong pagkain ang aking mga nakikita. Ang kaniyang mga mata ang nagsisilbing ulam habang ang paglubog ng araw sa aking harapan ang aking kanin. Dalawang bagay na masarap pagsamahin, ngunit ang kaniyang mga tingin ang aking nais, sapag naririto ang tamis na ipapares sa matabang na kanin. Ang mainit na kape para sa matigas na tinapay. Ang kulay sa langit kapag dapit-hapon. Ang tahanang uuwian sa pagsapit ng takip-silim.
Rinig ko ang bawat paghampas ng alon at bawat malalim na paghinga niya. Tila ba'y gumagawa ito ng sariling ritmo na nagtutunog musika sa aking pandinig. Musikang nakabibighani at di na nangangailangan ng mga liriko. Mga bagay na hindi na kailangan ng salita dahil sa bawat pakiramdam ay nagsasalita na ito.
Malamig ang simo'y ng hangin na nagdadala ng amoy ng asin na nagmumula sa tubig dagat. Dahan-dahan niyang nilapat ang kaniyang dyaket sa aking mga balikat at naramdaman ko ang init na ibinigay nito sa aking katawan. Mahalimuyak na amoy ng pabango ang nagmula sa piraso ng telang nilapat niya sa aking balikat. Parang kakaibigang pabango ang aking naaamoy mula sa asin ng dagat at halimuyak ng kaniyang damit. Halimuyak na hindi maipaliwanag ngunit nanunuot sa aking isipan. Isang hindi ko maipaliwanag na bagay ngunit nagbibigay sa akin ng katiyakan.
"Ampangit naman."
"Nag-aamok ka na naman diyan. Ang ganda kaya niyan."
"Ewan, bakit parang kulang yung kulay? Siguro konting orange, o kaya mas dark pa?"
"Wala namang pinagkaiba pag ganun yung kulay, tsaka anong mas dark pa? Sunset 'to, hindi gabi."
Naramdaman ko ang unti-unting pagtulo ng aking mga luha. Kahit saan ko itutok ang hawak kong kamera ay hindi ko makuha ang magandang angulo na ninanais ko. Kahit anong adjust ko ng mga kulay hindi ko pa rin makuha yung timpla na gusto ko. Bumibigat ang loob ko sa bawat kuha ng litrato. Naiinis, nababalisa, at parang mababaliw na ako sa kaiisip kung ano ba ang kulang sa mga larawang kinuha ko.
"Oh umiiyak ka na naman, akala ko ba pupunta tayo dito para maging better yung nararamdaman mo?" Tanong ni Klitz, kaibigan ko.
"Oo nga, edi sana dun nalang tayo tumambay sa bahay," dagdag pa ni Jay.
"Hindi ah, napuwing lang ako." Agad kong pinunasan ang mga luha sa pisngi ko at inayos ang aking mukha. "Cute ko naman mapuwing."
"Mangarap ka lang, maganda yan." Hinampas ko ang balikat ni Klitz dahil sa sinabi niya. Alam kong alam nila ang nangyayari pero di na nila masyadong pinansin. Huminga ako ng malalim at ngumiti habang tinititigan ang paglubog ng araw.
Isang malalim na paghinga ang binitawan ko. Sa harap ng araw na tuluyan nang kinakain ng guhit-tagpuan.
"Gabi na pala, uuwi ka na ba?"
"No, gusto ko muna dito. Sa tabi mo," sambit ko.
Isang oo, isang oo, Carol. Kaya mo 'to. Kung hindi ngayon, kailan pa? Huwag mo nang hayaang mawala pa.
Isang oo lang.
BINABASA MO ANG
The First Time the Sunset Didn't Look Pretty
Short StoryA girl from a small town who was fond of taking pictures of the sunset pondered upon the memories had with the photos on her gallery. As she reminisce the vivid memories of every moment she had on the pictures, she suddenly felt like each photo is h...