Kabanata 5

932 49 0
                                    

Kabanata 5

Maligayang-maligaya si Mama nang sinalubong ko sila ni Papa. Gusto ko'ng maging masaya pero nasa puso ko ang takot dahil may ginagawa akong hindi maganda, at alam ko na kapag nalaman nila ay hindi sila matutuwa.

Alam ko na hindi nila magugustuhan na may namamagitan sa aming dalawa ni Rafael.
We are two people who can never be together. Magkapatid kami sa batas at sa mata nila Mama at Papa, inampon nila ako para doon, para bigyan ng kapatid si Rafael.

"Kamusta po ang trip niyo, 'ma?" tanong ko kay Mama habang pumapasok sila ng bahay ni Papa.

"Naku! Nakakapagod, anak. Mabuti na lang at nakuha namin ng Papa mo ang deal sa Singapore! Kaya by next month, pupunta kami roon," aniya at padarang na naupo sa couch. Si Papa ay lumapit sa akin at hinalikan ang aking noo.

"Namiss ko ang anak ko. Hindi pa nakaka uwi ang kuya mo? Lumabas tayo ngayong gabi. Mag-dinner tayo sa labas nang makapag-bonding naman tayo. Isang buwan tayo'ng hindi nagkita-kita," suhestiyon niya na sinang-ayunan naman ni Mama.

Sabado ngayon at wala si Rafael. Tuwing Sabado kasi ay pumupunta siya sa opisina ni Papa para ayusin ang naiwang trabaho nila ni Mama. Siguro, ngayong nandito na ulit ang mga magulang namin ay hindi na niya kailangan pa na mamalagi roon. Kailangan din niyang mag-focus sa pag-aaral dahil graduating na siya.

Nang umuwi kami ni Rafael galing sa Bohol, mas naging sweet siya sa akin. Lalo na sa school, lagi na kaming namamataan ng mga kaklase ko na magkasama.

Naiinggit sila dahil close raw kaming magkapatid. Gusto rin daw nilang maging kapatid si Rafael dahil sobrang sweet nito sa akin. Kung alam lang nila, may konting pagsisisi ako na nararamdaman ngayon dahil naging kapatid ko siya. Sobrang hirap ng sitwasyon ko ngayon, naming dalawa, actually. Paano namin paplanuhin na maging kami sa huli? Paano namin kakayanin na saktan sila Mama at Papa? Paano ba ulit maging suwail na anak?

Ginawa ko na 'yon noon at hindi naging maganda ang kinahantungan. Natatakot ako.. Nabuo ko na ulit ang buhay ko, at nagkaroon na ako ng buong pamilya; utang ko 'yon kina Mama at Papa. Kaya ko nga bang sirain ang nabuo kong pagkatao para sa pagmamahal kay Rafael?

Umakyat ako sa taas at naligo. Naghanda na ako para sa dinner namin sa labas nila Mama. Kanina pa ako bihis, pero natatakot akong lumabas ng kwarto, nakaupo lang ako sa aking kama. Pinipilit kong pakalmahin ang sarili at sanayin ang tamang ekspresyon ko sa mga mata nila.

Ayokong mahalata nila na kinakabahan ako, dahil kung magtatanong sila kung may problema, hindi ko alam ang isasagot ko. Natatakot akong umamin agad. Hindi pa ako handa para sabihin sa kanila na mahal ko ang unico hijo nila.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kama at humarap sa salamin. Tiningnan ko ang repleksyon ko at huminga nang malalim bago nagpasyang lumabas. Kakayanin ko 'to! Kakayanin kong itago ang lahat! Kung kaya kong mahalin ng lihim si Rafael, gagawin ko. Hindi pa ako handang masaktan at magulo ang pamilyang ito.

Ang desidido kong puso kanina ay nabulabog nang matanaw si Rafael sa sala habang bumababa ako ng hagdanan. Nanginig ang aking tuhod, kaya mabilis akong napahawak sa railings nito.

Napansin 'yon ni Rafael, kaya napatayo siya bigla sa pagkakaupo sa couch. Naka-igting ang kaniyang panga habang pinapanood akong bumaba. Inayos ko ang aking sarili habang lumalapit sa kanila. Napatingin na rin sa akin si Mama at ngumiti.

Tapos ay kunot-noong binalingan niya si Rafael na seryosong pinanonood ang bawat galaw ko. Gusto ko siyang pagbawalan dahil sa pagtitig niya ay baka mahalata kami. Sinamaan ko siya ng tingin at mukhang nakuha naman niya ang gusto kong mangyari; mabilis siyang umiwas sa akin ng tingin.

"Oh? May alitan na naman ba kayong magkapatid? Hindi pa rin ba kayo nagkaka-ayos kahit kayo lang dalawa ang naiwan dito sa bahay?" tanong ni Mama habang umiiling-iling pa. Nagulat ako roon. Mas mabuti nga yatang 'yon ang iniisip niya kaysa sa malaman niya ang totoo; mas katanggap-tanggap pa 'yon.

STAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon