Facebook Friends- 06/03/15
©ordinarypen
-EMMA'S POV
We were facebook friends, yun nga lang, iba ang pagkaka-kilala mo sa akin. Iba ang pangalan, iba ang mukhang ipinapakita.
Sobrang close tayo 'nun, magdamag na magkausap sa chat, text, at tawag.
Tunay nga na walang sikretong hindi naibubunyag, dumating na lang ang araw na nalaman mong hindi ako ang nasa litrato na ginagamit ko.
Humingi ako ng tawad, tinext at tinawagan kita, hindi na ako makapagchat sa'yo dahil blinock mo na ako. Ni-isang sagot, wala akong natanggap.
Kinalimutan ko na lang muna ang nasira nating pagkakaibigan at inayos ko ang aking pag-aaral, ako'y nakapag- graduate ng salutatorian sa high school, ikaw kaya? Kamusta ka na, kaibigan?
Ang aking summer vacation ay hindi masyado masaya, magulo, dahil puro sigawan sa bahay ang aking naririnig. Naalala mo pa ba ang araw na umiyak ako habang nag-uusap tayo sa telepono? Sabi mo, magiging maayos rin ang lahat, magkakabati rin ang aking mga magulang. Nagkamali ka.
Naging abala ako sa pag-aasikaso ko sa paaralan na aking papasukan sa kolehiyo. Di ko akalain na makikita kita sa araw na 'yun, di ko alam ang dapat kong maramdaman. Buti na lang at kasama ko ang dalawa kong kaibigan, nakikisama na lang ako sa kanilang usapan kahit may halong nerbyos at takot ang aking boses.
Pumunta ako sa eskwela ngayon dahil may kailangan pa akong bayaran sa cashier, pag minamalas nga naman, ikaw pa ang nasa pinaka-huling linya ng Window 8, payments.
Umakto akong walang pakealam, pero sa kaloob-looban, gusto ko ng sumabog nang marinig ko ang iyong boses. Tinanong mo ako kung anong kurso ang aking kukunin, na para bang tayo'y magkaibigan, baka nga naman nililibang mo lang ang iyong sarili, sa haba nga naman ng pila, baka mapanis ka na pag wala kang kinausap. Sinagot ko ang iyong tanong, hindi ko aakalain na papahabain mo pa ang usapan, parang dati lang, nung nag-uusap lang tayo sa likod ng screen ng kompyuter at cellphone.
Kaibigan, naalala mo pa ba ako? Sino nga ba ang niloloko ko, ni-sarili ko ngang tunay na litrato di mo pa nakikita, pano mo nga ba ako makikilala?
ANDREW'S POV
Nagalit ako nang nalaman ko na ikaw ay gumagamit ng ibang pangalan at litrato. Para bang kasinungalingan lang ang ating mga usapan at aking pagkakakilala sa'yo.
Humingi ka ng tawad, pero nagawa kong hindi tingnan ang bawat mensahe at tawag na nanggagaling sa'yo. Hanggang dumating na lang sa araw na napagod ka, na ni-isang mensahe, wala na.
Alam mo kung bakit galit na galit ako sa'yo? Nung araw na nalaman ko na niloloko mo ako yun din ang araw na nalaman namin ang panloloko samin ni Daddy. Naalala mo si Daddy? Ang pinaka ipinagmamalaki kong ama? Matagal niya na pala kaming niloloko, may ibang babae siya. Iyak ng iyak si Mommy nung iniwan kami ni Daddy, kahit ako, sobrang lungkot ko, kakausapin sana kita 'nun, hihingi ako ng pag-suporta ng isang kaibigan, pati ikaw pala, niloloko ako.
Nakagraduate naman ako ng highschool, hindi nga lang nakatanggap ng award, maraming nagtataka bakit biglang bumaba ang mga grades ko, masyado ata akong naapektuhan sa mga bagay-bagay.
Naisipan kong pagbutihin na lang ang aking pag-aaral sa kolehiyo, pumunta ako sa paaralan na aking papasukan nang nakita kita, hindi kita kilala sa iyong mukha, pero alam kong ikaw yun dahil sa boses mo. Nakikipag-usap ka kasama ang iyong dalawang kaibigan, hindi mo ba ako maalala? Ako nga pala yung dati mong kaibigan.
Nang pagkauwi ko galing sa eskwela, binuksan ko ang aking facebook account, alam mo bang nag-deactivate ako ng account? Minsan ko lang 'to buksan, kapag gusto ko basahin ang convo natin. Nakaka-miss pala. Sana magkaibigan na lang tayo ulit.
Kinabukasan, ako'y pumunta sa paaralan, may kailangan pa kasi akong bayaran. Sana makita kita, dasal ko. Pag siniswerte nga naman, nakita kita, magkasunod pa tayo sa pila, humugot na ako ng lakas ng loob upang kausapin kita, gusto kong magsimula muli. Pinapahaba ko ang usapan kahit alam kong ika'y naiilang na sa akin. Gusto ko lang ipaalala ang sarili ko sa'yo.
EMMA'S POV
Dumating ang unang araw ng klase, tadhana nga ba ang may gawa nito? Bakit magkatabi ang building natin? Hindi naman sa ayaw ko, gustong-gusto ko nga eh, kaso nahihiya ako sa'yo, paano kung malaman mong ako ang dati mong kaibigan? Kaibigan na nagawa kang lokohin.
Ewan ko ba, nagtataka na ako sa mga kilos mo, mas lumalapit ka, parang gusto mo talaga akong kausapin. Hindi lang yan isang araw nangyari, araw-araw na tayong nag-uusap, mas nahuhulog tuloy ang loob ko sa'yo.
Hindi ko akalain na darating ang araw na magiging magkaibigan tayo ulit, ang saya ko, alam kong pansamantala lang ang kasiyahang ito, lalayo ka rin oras na malaman mo ang katotohanan.
Isang araw, habang nag-uusap tayo, para bang nakakuha ako ng lakas ng loob upang sabihin sa'yo ang totoo.
Magsasalita na sana ako nang inunahan mo ako, binanggit mo ang dati mong kaibigan na nakilala mo sa facebook, na sobra ang pagtitiwala mo sa kanya, kinwento mo rin kung bakit sobra kang nagalit sa simple niyang kasinungalingan.
Sana sinabi mo dati, sana di ako sumuko sa paghingi ng tawad nung mga araw na yun, ganun pala kalaki ang nagawa kong kasalanan. Kailangan mo ako nung mga araw na malungkot ka, pero hindi ko nagawang kausapin ka, napagod ako, pasensya.
Hindi ka nagtaka nung ako'y biglang umiyak, puro paghingi lang ng tawad ang lumalabas sa aking bibig. Niyakap mo ako, pinatahan.
Nang nagkaroon na ulit ako ng lakas, nakayanan ko na ring sabihin, "Andrew, ako si Trish, ako yung dati mong kaibigan..."
Hindi ko alam kung bakit ngumiti ka lang, at sinabing "Alam ko, naalala mo nung una tayong nagkita dito? Di mo nga ako pinansin e, snob ka talaga, o nakalimutan mo na ako agad. Haha, pero alam ko talagang ikaw yun, araw-araw ba naman tayo magkausap sa telepono? Memorize ko na boses mo Trish-este Emma."
"Hindi kita nakalimutan Andrew, hindi lang kita kayang kausapin dahil sa ako'y nahihiya sa pagkukunwari ko dati. Salamat dahil kinausap mo pa rin ako...." may hikbi pa rin sa bawat pagsalita ko, tila ako'y batang inagawan ng laruan.
"Emma, nagsinungaling rin ako sa'yo." sabi mo sa'kin.
Hindi ko alam ano ang aking susunod na sasabihin, kaya hinayaan na lang kita magsalita.
"Sorry dahil akala mo kaibigan lang ang turing ko sa'yo, nahulog na ako, pasensya."
"Pareho lang tayo Andrew...pasensya, nahulog rin ako."
END
BINABASA MO ANG
One-Shot Stories
Short StoryCompilation ng stories na nagpapatunay na ako'y parating bored. Vote if you want to. Okay, bye. xx