Ika-animnapu't Anim na Kabanata

51 6 0
                                    


SA pagbigay ni Jupiter ng panghuling suntok sa duguang si Izu ay bigla na lamang umangat sa kanyang harapan ang isang makapal at napakatigas na bloke ng lupa. Umalingawngaw tuloy sa buong paligid ang isang napakalakas na salpukan. Tumalsik sa hangin ang napakaraming itim na enerhiya at ang bumulwak ang isang napakalakas na hangin dahil sa impact ng kamao niya. Nagawa rin niyong yanigin ang buong paligid.

Sa likuran ng makapal at mataas na bloke ng lupa, isang boses ang biglang narinig.

"Ilayo ninyo rito si Prinsipe Izu. Magmadali kayo at pagalingin n'yo kaagad siya!"

Napatingin si Jupiter sa itaas at may sampung kakaibang nilalang ang kanyang nakita. Karamihan doon ay may ulo ng sa hayop. Nababalot ang katawan ng mga baluting yari sa metal at may dala lahat na sandata. Dahil doon ay agad siyang umatras nang ilang metro. Agad siyang lumikha ng itim na bola ng enerhiya sa kanyang kanang palad. Pagkatapos, agad niya iyong ibinato sa mga nilalang na kanyang nakita.

Isang malakas na pagsabog ang muling umalingawngaw at nagpayanig sa buong paligid. Sa itaas ng mataas na bloke ng lupa, isang nilalang ang walang takot na sinalo ang atakeng iyon.

"Ang lakas noon... Rarara!" sambit pa ng lalaki habang magka-ekis ang mga braso nito. Umuusok pa iyon dahil sa ginawa nito.

Bigla ring nagliwanag ang aura ng lalaki. Isang kulay kayumanggi na liwanag. Dumaloy iyon papunta sa lupa. Unti-unting nayanig ang paligid. Kasunod noon ay isang pa-kuwadradong pader na lupa ang umangat. Nasa gitna noon sina Prinsipe Izu, at nagsilbi iyong harang mula kay Jupiter.

"Magmadali kayo... bigyan ninyo siya ng paunang lunas at pagkatapos, pumunta muna kayo sa malayong lugar..."

"Maiiwan ako rito...may kailangan muna akong labanan..." Napangisi ang lalaking iyon. Nakasuot ito ng kumikislap na kulay kayumanggi na baluti. Nakatirik ang itim nitong buhok at may dalawang kulay gintong bilog na hikaw ang tainga. Ang Prinsipe ng mga Terranian... si Terrance!

Ilang saglit pa ay lumipad mula sa tila kulungang pader na lupa ang mga kawal na kasama ni Terrance. Akay-akay ng mga iyon si Izu na nababalot ng puting tela ang buong katawan.

Agad nga ring nakita ni Jupiter iyon. Bigla kaagad siyang naglaho. Mukhang balak talaga niyang patayin ang kapatid ni Venus. Ngunit isang binata ang biglang humarang sa kanyang harapan. Si Terrance! Nabalot ng makapal na lupa ang kaliwa at kanang kamao nito.

Naalerto kaagad si Jupiter. Nabalot din ng itim na aura ang kanyang dalawang kamao. Naisip niyang atakehin ang pangahas na humadlang sa kanya. Isang malakas na suntok ang kanyang ginawa pero biglang naglaho ang kanyang target. Mabilis iyon at hindi niya nakita. Mabilis din siyang napalingon sa kanyang likuran at doon ay nakita niya si Terrance ngunit bigla uli iyong naglaho. Mabilis uli siyang bumalik ng tingin sa kanyang harapan ngunit bago pa man iyon ay isang napakatigas na bagay ang biglang bumangga sa buo niyang mukha.

Tumalsik mula sa mukha ni Jupiter ang ilang butil ng dugo mula sa kanyang bibig. Tila nayanig ang ulo niya. Naramdaman ng kanyang katawan ang impact noon. Unti-unti siyang umangat sa lupa at pagkatapos ay biglang bumulusok palayo dahil sa lakas ng suntok na tumama sa kanya. Padipang bumaon ang kanyang katawan sa malaking tipak ng lupa na kanina'y umangat. Lumikha rin iyon ng malakas na tunog at nagawa rin niyong yanigin ang lupa.

"Alam kong hindi ka basta matatalo ng suntok kong iyon... dahil may dugo ka rin ng isang Terranian..." sambit naman ni Terrance na unti-unting nadurog ang lupa na bumabalot kanina sa kaliwang kamao nito. Nadurog iyon matapos ang pagsuntok sa mukha ni Jupiter.

*****

NAPATINGIN si Terrance sandali sa kalangitan. Nababalot ng makapal at maitim na ulap ang langit. Natatanaw niya rin ang bulkan na patuloy na bumubuga ng maraming lava. Natatanaw na rin niya ang mga sunog mula sa iba't ibang lugar na dulot ng mga malalaking bahagi ng lava na tumalsik mula sa bulkan. Napailing siya, hindi niya akalaing mangyayari ito sa mundo ng mga tao.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon