Ikalabing-limang Kabanata

3.5K 137 3
                                    

AKALA ko'y wala na akong poproblemahin maliban na lang sa mga alagad ni Lucifer, pero may iba pa pala. Isang hapon, pagkauwi ko mula sa school ay nadatnan kong gulo-gulo ang gamit namin sa loob ng bahay. Hindi kami mayaman kaya imposibleng manakawan kami, hanggang isang sulat na nakadikit sa dingding ang aking nakita. Nang basahin ko ang nakasulat ay dito na ako kinabahan.

"Kung gusto mo pang makitang humihinga ang iyong ina! Pumunta ka sa lumang bodegang malapit sa Pier ng San Joaquin. Wala kang isasama kundi ang iyong sarili, dahil kung hindi... alam mo nang pwedeng mangyari. Pumunta ka kaagad bago pa dumilim!"

"J-jupiter..." Nasunog ang sulat nang mabasa ko ang pangalang iyon. Hindi ko yata sila mapapatawad 'pag may nangyari sa nanay ko. Ang nakakainis ay kung bakit tila bulag ang aming mga kapit-bahay sa nangyaring ito. Hindi man lang sila tumawag sa mga pulis...

PANSIN kong bihirang may pumupunta sa lumang bodega ng Customs dito sa kalapit ng pier. Sa mga narinig ko nga'y dahil daw pinagtatambayan ito ng mga sira-ulong kalalakihan at mukhang sina Jupiter ang mga iyon.

Nang marating ko ang harapan ng pintuan nito ay agad akong sinalubong ng nasa dalawampung kalalakihang nakasuot ng itim na tuxedo. Naka-porma at parang miyembro ng mafia kung titingnan. Pagkatapos noon ay tila VIP ako na inihatid nila sa isang silid. Napapa-isip lang ako kung bakit parang ang ingay sa likod ng dingding na pinagdalhan nila sa akin. Sa loob ng silid ay may isa pang pinto na tila daan patungo sa ingay na naririnig ko. Maya-maya pa'y isang cellphone ang iniabot nila sa akin dahil may gusto raw kumausap sa akin.

"Hello!" bungad ko.

"Marcelo Falcon..." isang nakakapangilabot na boses naman ang aking narinig mula sa kabilang linya. Dito lumakas ang kutob kong si Jupiter ito, ang tarantadong dumukot sa aking nanay.

"Nasaan ang nanay ko?!" pasigaw kong tanong habang pinipigilan ang aking sariling mapalabas ang aking apoy dahil sa inis. Tinawanan naman niya ako at pagkatapos ay isa pamilyar na boses ang aking narinig mula sa kabilang linya.

"M-marcelo, a-anak... Umalis ka na! Iwana---" Pero biglang naputol ang sinasabi ng aking nanay nang muling magsalita si Jupiter.

"Marcelo... Ibabalik ko nang ligtas ang iyong ina kung matatalo mo ang kampeon sa basag-ulo kong mga alagad at ako. 'Pag natalo mo sila ay ako mismo ang haharap sa 'yo para labanan ka!" sabi niya sa akin at narinig ko pa siyang tumawa nang mahina.

"'Yon lang pala! Ihanda mo na agad ang iyong sarili dahil mamadaliin ko ang mga laban!" walang pag-aalinlangan kong sinabi sa kanyang naging dahilan para titigan ako ng masama ng kanyang mga alipores.

"Hah! Hah! Hah! Sige! Malalaman ko kung hanggang saan ang tapang mong iyan mamaya!" Pagkasabi niya nito ay kanya nang pinutol ang tawag at ibinalik ko naman sa alipores niya ang ipinagamit nilang cellphone sa 'kin.

"A-ang init!" bulalas ng pinag-abutan ko ng cellphone. Nabitawan pa niya ito at biglang sumabog na ipinagtaka nila. Matapos iyon ay binuksan na nila ang pintuang pinagmumulan ng ingay na kanina ko pang naririnig.

Bumungad sa akin ang isang boxing ring na napapalibutan ng napakaraming tao. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Sa loob pala ng maruming bodegang ito ay nakukubli ito. Napansin ko ring may mga kilalang tao ang naka-upo malapit sa ring, may mga opisyal din ng gobyerno... ito marahil ang dahilan kaya 'di ito pinupuntahan ng mga pulis. Napakarami ring mga nakaitim na tila guwardiya ng buong lugar. Sinalubong na rin agad ako ng katyaw at bato ng mga masasakit na salita mula sa mga manunuod. Isa raw akong hangal, mali raw ako ng binangga pero nginisian ko lamang sila. Wala kasi akong pakialam sa kanila dahil ang aking nanay lang naman ang ipinunta ko rito... kasama na rin ang pagtapos sa kahibangan ng Jupiter na may pakana nito.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon