Ika-dalawampu't Isang Kabanata (Huling Bahagi)

2.8K 133 3
                                    

LAKING-GULAT namin ni Venus nang tumambad sa aming harapan ang isang matabang tao na nakasuot ng tuxedo. Nakikita ko rin ang aura na nakapalibot sa kaniyang katawan at masasabi kong malakas iyon kumpara nang huli kaming magkaharap. Ang akala ko nga'y tinupok na siya ng apoy nang masunog ang bodegang aming pinaglabanan pero heto siya at buhay na buhay pa. Mukhang isa rin siyang problema para sa aming dalawa ni Venus.

"Mukhang nagulat ka, Marcelo Falcon?" Lumingon siya sa amin ni Venus at nginisian kami.

"Mukhang hindi mo kayang talunin ang kalaban niyo ngayon. Hah! Hah!"

"P-paano ka nakaligtas?" tanong ko sa kaniya na papalapit na sa amin.

"Hah! Hah! Mahabang kwento, pero..." Seryoso niya kaming tiningnan at pagkatapos noon ay hinarap naman niya ang aming kalaban. Hindi ko maintindihan pero mukhang tutulungan niya yata kami ni Venus.

"Talunin muna natin ang isang ito..."

Yumanig ang buong paligid nang magpakawala si Jupiter nang napakalakas na kapangyarihan. Hindi talaga kami makapaniwala ni Venus sa mga nangyayari. Ang dati naming kalaban, heto at makakasama naming makipaglaban.

"Marcelo Falcon..." sabi niya bigla.

"Pagkatapos natin sa isang ito... Tayo naman ang maghaharap! Hah! Hah!"

Napangisi ako sa sinabi niyang iyon at pagkatapos noon ay pinakawalan ko na rin ang natitira kong kapangyarihan. Ganoon din si Venus dahilan para mas yumanig ang buong paligid. Nagdidiklapan ang kapangyarihan naming tatlo sa tuwing mapapadikit sa itim na kapangyarihan ng aming kalaban. Unti-unti ring umaangat ang malalaking tipak ng lupa sa paligid dahil dito. Ang puti kong apoy, ang tubig ni Venus at ang kulay kayumangging liwanag na bumabalot sa katawan ni Jupiter kontra sa itim na apoy ng aming kalaban.

Nagkatinginan pa kaming tatlo at tila nagkaintindihan.

"Sugod na!" sigaw ni Venus at iyon na rin ang naging hudyat namin para atakehin ang aming kalaban.

ISANG napakalakas na pagsabog ang yumanig sa buong paligid. Nabalutan din kami nang napakakapal na usok. Matapos kasi ang ginawa naming pag-atake ay heto't kami ang tumilapon palayo. Sabay-sabay kaming bumagsak at kasabay rin noon ay ang paghina ng aming mga aura. Tatlo na kami pero wala pa rin kaming nagawa. Napakalakas talaga ng kalaban naming ito. Kung kaya ko lang sanang tapatan ang kapangyarihan niya, e de sana'y kanina pang tapos ang labang ito. Tapos may isa pang problema ang dumagdag, si Jupiter na hindi ko alam kung kakampi o kalaban.

Nagawa rin naman naming tumayo pero mukhang hindi na kami tatagal dahil parang nanghihina na kami. Naging kulay pula na rin ang kulay ng apoy ko, ibig sabihin lang nito ay hindi na ganoon kainit ang apoy ko. Si Venus nga ay pinapagaling ang sarili pero mukhang matatagalan pa. Si Jupiter naman na kanina'y napakalakas ng aura ay ngayon ay hinihingal na kaagad. Siya kasi ang napinsala nang sobra sa ginawa naming pag-atake sa kalaban. Mukhang mautak din ang kalaban namin kasi inuna niyang gamitan ng malakas niyang kapangyarihan ang pinakamalakas pa sa amin.

"A-ano na'ng balak natin?" tanong ni Venus.

"H-hindi ko pa alam..." sagot ko naman habang tinitingnang lumalapit ang kalabam sa amin. Nakasunod din sa likuran niya ang itim niyang dragon.

"Asar! Nasaan na ba ang matandang iyon?" mahina namang sinabi ni Jupiter pero narinig pa namin iyon.

"Matanda?" pagtataka tuloy ni Venus.

"Sinong matanda?" dagdag ko pa.

"Basta!" pagalit nga lang na sagot ni Jupiter sa amin.

"Ang isipin na lang natin ay kung paanong matatalo ang isang ito!" Pagkasabi nga niya noon ay bigla na lamang niyang inatake ang aming kalaban. Pinaulanan niya ito ng mabibilis at malalakas na suntok pero tanging sa hangin lamang tumama ang lahat ng iyon. Parang nababasa nito ang kilos niya at mukhang pinaglalaruan lamang siya.

"Umatake na rin tayo Mars!" utos ni Venus sa akin at pinagtulungan naming tatlo ang kalaban. Pero kahit tatlo na kami ay hindi namin siya matamaan. Ang bilis niya at para lamang siyang sumasayaw sa hangin habang ginagawa iyon.

"Mga mahihina! Shi! Shi!" Isang mabilis at malakas na suntok ang biglang tumama kay Jupiter. Sa lakas noon ay nakita ko pang parang lumampas sa likod niya ang apoy na itim ng aming kalaban. Pagkatapos noon ay tumilapon siya palayo at hindi pa roon natatapos ang aming kalaban... lumikha pa ito ng bolang apoy sa kamay nito ibinato niya ito patungo kay Jupiter. Lumikha iyon ng pagsabog at bumulusok si Jupiter na sira-sira ang damit habang umuusok ang katawan.

Ang akala ko nga'y kay Jupiter lamang nakatuon ang atensyon niya kaya mabilis ko siyang nilapitan at sinuntok ko siya gamit ang nagliliyab kong kamao subalit bigla na lamang siyang nawala. Sa hangin lamang tumama ang ginawa ko. Mabilis ko rin siyang hinanap pero wala siya. Napakabilis niya hanggang sa bigla kong narinig ang sigaw ni Venus. Paglingon ko ay nakita ko na lamang siyang umuusok ang katawan habang pabagsak sa lupa.

"V-venusss..." Napatakbo ako para agad siyang puntahan pero biglang lumitaw sa harapan ko ang aming kalaban. Nakangisi pa siya kaya naman pinaulanan ko siya ng mga malalakas na suntok pero hindi ko man lamang siya natamaan. Napa-ubo na lamang ako nang matindi nang isang napakalakas na suntok ang tumama sa tiyan ko. Napakainit noon at napakasakit sa pakiramdam. Nakaramdam ako ng panghihina at sa muli kong pag-ubo ay nakita kong dugo na ang lumabas mula sa bibig ko. Nanlambot na rin ang tuhod ko at unti-unti akong napaluhod.

"Hindi mo pa ako kaya! Shi! Shi! Shi! Shi!" pagmamalaki pa niya sa akin. Isang bagay rin ang biglang pumasok sa isip ko nang oras na iyon... gusto kong maging malakas!

" G-gusto k-kong... maging malakas..."

"G-gusto kong lumakas! Gu-gusto kong lumakas para maprotektahan sila..." Dahan-dahan din akong nakatayo. Hindi ko alam kung paano pero kusang sumunod ang katawan ko.

"Magiging ma-malakasss... ako..."

"At tatalunin kita!" Pagkasabi ko noon ay biglang lumiwamag ang paligid. Bigla rin siyang napaatras at para bang natakot. Subalit biglang nagdilim ang paningin ko at para akong nanlambot hanggang sa wala na akong maalalang nangyari pa pagkatapos noon. Nang imulat ko ang aking mga mata ay nasa loob na ako ng isang sasakyan.

NAPATINGIN ako sa loob ng sinasakyan ko. Pumasok agad sa isip ko kung nasaan ako at paano ako napunta rito. Napakinggan ko rin kaagad ang tumutugtog na sinaunang kanta sa stereo ng sinasakyan ko. Napatingin din ako sa tabi ko at nakita ko si Venus. Katabi ko at nakasandal ang ulo sa balikat ko habang natutulog. Napaisip din tuloy ako kung panaginip ba ang lahat ng nangyari pero nang mapatingin ako sa unahan, sa upuang nasa tabi ng nagmamaneho ng sasakyan ay nakita ko si Jupiter. Tulog din ito at humihilik na parang baboy. Pilit ko tuloy inalala ang nangyari pero hindi ko maalala kung paano kami napunta rito.

Hindi ko pa rin gaanong maigalaw ang katawan ko at napatingin ako sa salaming nasa unahan ng sinasakyan namin. Nakita ko ang mata ng nagmamaneho ng sasakyan, isang matanda. Nagkataon pa ngang nakita niya rin ako.

"Gising ka na pala..." bigla niyang sinabi at pinatay niya ang tumutugtog niyang stereo. Napaisip din ako dahil pamilyar ang boses niya.

"Kumusta ka na? Yohohoho!" Natigilan ako nang marinig ko ang kakaibang tawang iyon.

"K-kayo?" sambit ko bigla.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon