Ika-isandaan at Labing-isang Kabanata

65 5 0
                                    


FH62

NANG maramdaman ni Hikin ang palad ni Seb na dumampi sa kanyang pisngi ay agad niya itong tinugunan ng isang mabilis na pagtanggal dito gamit ang kanyang isang kamay. Kasama ng pagdilim ng paningin ng bata ay ang pagtunghay niya sa lalaking nasa kanyang harapan.

Ang Espiritu ng Ikalimang Elemento!

Si Seb! Ang taga-pangalaga ng Kapangyarihang Dilim.

Ikinuyom ni Hikin ang kanyang mga kamay at nang marinig niya ang mga sinabi ni Seb ay doon na siya nagalit. Napailing siya at iwinaglit ang isang masamang alaala ng mga panahong iyon. Isang bagay na labis niyang pinagsisisihan kahit napakaraming milenyo na ang nagdaan.

"Isang bagay na pinagsisisihan ko noon..."

"Iyon ay ang mahalin ang tulad mo!" sigaw ni Hikin sa kanyang sarili at isang malakas na pagtawa naman ang narinig niya mula kay Seb na nakatingin sa kanya habang ipinapakita ang maamo nitong itsura. Isang pagpapanggap sa likod ng masama niyang pagnanais.

"Hikin... Siguro oras na para ikaw ay maging kasama ko. Sa itsura mo ngayon ay nakikita kong isa ka ng walang-silbi. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa iyo, pero isang bagay lang ang naiisip kong dahilan niyan."

"Isinakripisyo mo ang iyong kapangyarihan upang iligtas ang iyong taga-pangalaga. Hindi ba?" tanong ni Seb na bigla na lamang lumitaw sa harapan ng bata. Mabilis niyang kinuha ang ilang nakalugay na gintong buhok ni Hikin sa may tainga nito. Ang gintong buhok na hindi nawaglit sa kanyang isipan.

Nang una niyang makita si Hikin ay ang buhok nito ang una niyang naalala. Ang natatangi na buhok ng babaeng nagligtas sa kanya noon mula sa kamatayan.

Hindi nagsalita si Hikin at mabilis siyang umatras dahil batid niyang wala siyang laban dito. Kaso, mabilis siyang nahawakan ni Seb at mahigpit iyon. Masakit din iyon at may gigil kaya napasigaw nang bahagya si Hikin dahil sa sakit na dala noon.

"Kailangan na kitang dalhin sa kuta ko Hikin. At pagkatapos ay babalik tayo sa Dakoroso sa oras na bumalik ang buong-lakas na mayroon ako," nakangising winika ni Seb at nakaramdam siya ng panganib mula sa kanyang tabi.

Si Haring Meynard, biglang nagpakawala ng isang malakas na atakeng elemental papunta kay Seb. Isang malakas na hanging kayang humiwa ng kahit ano iyon. Kaso, dahil sa maagap si Seb ay mabilis niya iyong winasak gamit ang kanyang malakas na presensya.

"Bitawan mo si Hikin Seb!" bulalas ni Haring Meynard na makikitang may paghingal dahil isang napakalakas na atake ang kanyang ginawang iyon. Subalit wala iyong nagawa kay Seb at inaasahan na rin naman niya ito.

Napangiti na lamang si Seb nang makitang may malay pa ang Litlo. Ang paggalaw sa paligid ay tila bumagal at dahan-dahan niyang pinagmasdan ang munting matanda. Habang nakatingin siya rito ay dahan-dahang gumuhit sa mga mata at labi nito ang isang tila natutuwang demonyo.

Isang marahang paggalaw ang kanyang ginawa at ang kaliwa niyang kamay ay nasa harapan na ni Haring Meynard na nakatulala sa pagtitig kay Seb dahil nilalamon na siya ng kapangyarihan nito. Napakalakas noon, at kahit wala pa ito sa totoong lakas ay higit na mas malakas pa rin ito.

"Buhay ka pa pala Meynard... Saan na ba kayo nagtatago, ng lahi mong mga ipis?" tanong ni Seb dito.

Sa pagtitig niya kay Meynard ay agad niya itong pinitik na tila isang insekto. Tila hindi iyon malakas ngunit nang bumulusok ito mula sa ere ay isang malalim na pagbaon ng katawan nito sa lupa ang nangyari. Isang mahinang pagsabog pa ang kumawala sa ibaba at makikitang wala ng malay ang matandang Litlo at mula sa bibig nito ay makikitang may dugong lumabas doon. Humihinga pa ang hari, ngunit sa pinsalang natamo niya sa isang pitik na iyon ay may posibilidad na ito ay mamatay kung hindi kaagad magagamot.

"Ngayon Hikin, oras na para tayo ay umalis..." panunod na winika ni Seb at sa pagtingin niya kay Hikin ay nabigla na lamang siya sa sumunod na nangyari.

Nasa likuran na ni Seb ang isang binatang may hawak ng espada. Naroon na si Mars na kasalukuyang nagdidilim ang mga mata na kasalukuyang natatabunan ng bumagsak na mga buhok nito sa may noo. Dahan-dahang inilalagay ng binata ang talim ng kanyang espada sa lalagyan nito, at sa pagdadaop ng hawakan nito at ng bagay na iyon ay isang mahinang pagkawala ng hangin ang naramdaman sa paligid.

Ang pagkabigla na makikita sa mukha ni Seb ay napalitan ng isang dahan-dahang pagngisi. Kasunod noon ay ang pagsasalita nito habang pinagmamasdan ang batang si Hikin na nagpupumiglas pa rin dahil sa mahigpit niyang paghawak sa braso nito.

"Sero... Ikaw pala iyan..." mahinang winika ni Seb at makikitang nahati sa dalawa ang katawan nito nang hindi inaasahan.

"Dati, gusto lang kitang makuha... Pero habang nasa loob ako ng Dakoroso ay isang pangitain sa libro ng Propesiya ang aking nakita rito."

Ang katawan ni Seb ay unti-unting nagiging itim, at ang nahati na bahagi nito ay unti-unting napapayid sa hangin.

"Alam ko rin na hindi nila ako mapapatay ng mga nagkulong sa akin noon. Sa totoo lang, ang espadang hawak mo ang dahilan ng pagkahuli nila sa akin nang mga panahong iyon..."

"Pero Sero... Walang kakayahan ang espadang iyan na patayin ako. Dahil nga pinapahanga mo ako sa ginawa mo..." Hindi niya napabagsak ang binata kahit na gumamit siya ng napakalakas na Will Power kanina. Hindi rin niya ito nagawang sindakin gamit ang kanyang nakakatakot na presensya. Isa na iyong malaking patunay na hindi basta-basta ang Sero na ito.

"Bitawan mo si Hikin!" seryosong winika ni Mars at mabilis niyang hinarap ang isang lalaking may napakalakas na itim na kapangyarihan. Kaso sa kanyang pagharap dito ay isang naglahong usok na itim na lamang ang tumambad sa kanya. Wala na ang kalaban at si Hikin ay ganoon din.

Nanlaki ang kanyang mata at napaikot ng tingin sa paligid. Sinubukan niyang pakiramdaman ang kalabang iyon, kaso nabigo lamang siya. Hindi niya akalaing makukuha nito si Hikin nang ganoon kabilis. Akala nga niya ay natamaan niya ito kanina, ngunit tila hindi iyon ang nangyari.

"Kailangan kong makita si Hikin! Ilabas mo siya! Labanan mo ako! Huwag kang duwag!" sigaw ni Mars at isang nakakapangilabot na tawa ang umalingawngaw mula sa itaas. Hindi mabatid ang pinanggagalingan noon, pero alam niyang nandito pa rin ang malakas na kalabang iyon.

"Sero... Hindi kita lalabanan... Pero sasabihin ko sa iyo kung nasaan ako. Sa pinakamataas na buntok sa dulong-silangan ng Enomenos, sa lugar kung saan ang ulap ay labis ang itim, doon mo ako tunguhin. Hihintayin kita at doon ko ikaw lalabanan. Pero bibigyan kita ng oras bago marating iyon."

"Sa oras na hindi ka makarating doon sa loob ng isang araw... Ang batang may gintong buhok na hawak ko ay walang-awa kong papaslangin."

Nang marinig iyon ni Mars ay napakuyom siya ng kamao. Kumawala rin ang napakalakas niyang aura, kaso sa kabila noon... Ang malakas na pagtawa ni Seb sa itaas ay dahan-dahang humina at naglaho. Ilang beses na tinawag ni Mars ang kalabang iyon na hindi niya batid ang pangalan. Kaso wala na siyang sagot na narinig mula roon.

"I-isang araw..." bulalas ni Mars at parang nakaramdam siya ng pagkataranta dahil nakuha ng kalaban si Hikin. Wala rin siyang nagawa para pigilan ito. Napaupo na nga lang siya sa lupa at nakaramdam ng panghihina dahil naglaho na ang kalaban nang tuluyan.

"Kaya ko!" Muling tumayo si Mars at napaseryoso. Nasa panganib si Hikin at hindi siya dapat panghinaan ng loob. Iwinaksi niya ang biglaang paghina ng kanyang loob kanina. Hindi raw siya ganoon. Kung magmumukmok siya ay wala siyang magagawa para sa batang iyon... Sa batang itinuturing niyang pamilya.

Mabilis nga niyang pinuntahan sina Meynard at ang kanyang mga kasama. Kailangang manumbalik ang lakas ng mga ito at kakailanganin niya ito sa kanyang paglalakbay papunta sa lugar na binanggit ng kumuha kay Hikin. Subalit sa paglapit niya sa mga ito ay nakaramdam siya ng mga aura na nagmumula sa itaas, sa likuran niya, sa ibabaw ng lawang may bulkan sa gitna.

Isang grupo iyon ng mga nilalang na may itim na aura at makikitang pinamumunuan ito ng isang pamilyar na mukha para kay Mars. Si Rhion!

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon