Matamlay akong nakatingin sa kawalan. Nasa ilalim ako ng punong mangga nagtatago dahil nag-aaway na naman sina mama at dada. Laging ganito nalang ang eksena araw-araw. Napapagod na ako.
Nakarinig ako ng ingay sa bandang likuran ko. Nagliwanag ang mukha ko at napangiti ng mabungisngis. May mga batang naglalaro doon kaya tumayo ako at pinagpag ang damit ko para matanggal ang dumi na dumikit dito. Patakbo akong pumunta sa kanila, masigla ko silang binati.
"Pasali sa laro nyo!" Napatingin sila sa direksyon ko at nawala bigla ang mga ngiti sa kanilang mukha.
"Andyan na naman sya. Nakakairita." rinig kong bulong ng isang bata pero hindi ko nalang pinansin.
"Hayaan nyo na. Palibhasa hindi inaalagaan ng mga magulang dahil puro away at sugal lang naman 'yung ginagawa."
Napakuyom ang kamao ko sa sinabi nila. Totoo naman 'yun pero masakit pa rin talaga marinig galing sa ibang bibig. Pilit kong pinigilan na maluha sa kanilang harapan. Ayokong makita nila na mahina ako.
"Ano ba gusto mong laruin?" Napawi bigla ang lungkot sa'king mukha sa tanong nila.
"Tagu-taguan!" Mabilis kong sagot.
"Sige, ikaw taya." Walang gana nilang sabi at nagtatakbo sa iba't ibang direksyon. Eksayted naman akong tumalikod at nagbilang hanggang one hundred.
98!
99!
100! GAME?!!
Hinanap ko sila agad pagkabilang ko ng isang daan. Ilang minuto na 'yung lumilipas pero hindi ko pa rin sila mahanap. Pero hindi ako sumuko.
—————
Sumuko ako. Malungkot akong napaupo sa damuhan. Halos maiyak na ako sa sakit. Lagi nalang ganito. Kapag nakikipaglaro ako sa kanila ng tagu-taguan, uuwi sila. Aabotan ako ng gabi sa paghahanap 'yun pala nasa kani-kanilang bahay na sila.
Napahiga nalang ako at tiningnan ang mga bituin. Ang ganda nilang pagmasdan. Itinaas ko ang malilit kong mga kamay na tila inaabot ang mga bituin. Gusto ko maging katulad rin nila balang araw. Kumikinang, maganda at higit sa lahat hindi nag-iisa.
"Rachel!"
Bigla akong napatigil sa paghinga at nanlamig ang buo kong katawan. Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa malamig na boses na 'yun. Gusto kong tumayo pero hindi ko maigalaw ang katawan ko sa takot. Sobrang lakas ng pintig ng puso ko na parang kabayong naghahabulan.
"Rachel! Nasan kang bata ka!!"
Naiiyak akong tumayo kahit nanghihina ang katawan ko sa takot. Tumakbo ako papalayo sa boses ni dada. Mabilis ang agos ng luha ko at mas lalong lumamig ang hangin na dumadampi sa aking katawan dulot na rin sa mga luha ko.
Gusto ko nang makatakas sa kamao nila.
****
Napangiti nalang ako nang maalala ang karanasan ko nang bata pa ako. Mga ala-alang gusto ko ng makalimutan at ibaon sa hukay.
Nabalik naman sa reyalidad ang sarili ko sa mga sigawan ng tao. Nagkukumpol-kumpol sila na para bang may masamang nangyari. Nanaig naman ang pagiging chismosa ko at lumapit doon.
Napasinghap ako sa gulat. S-si Raya!
Hiyaw ng hiyaw si Aling Marta sa sakit ng makita ang anak nyang walang buhay at nawawala ang kanang kamay.
Napahawak nalang ako sa aking bibig na parang nasusuka. Pumunta ako sa malapit na puno at isinandal ang ulo ko. Nahihilo ata ako. Kinalkal ko 'yung bag ko para kunin ang gamot pero isang malamig na bagay ang nahawakan ng mga kamay ko.
Huminga ako ng malalim.
Sobrang kabobohan ang nagawa ko kagabi. Akala ko kaliwang kamay ang pinutol ko pero kanang kamay pala. Madilim na rin kasi kagabi at medyo nakainom ako kaya hindi ko na namalayan kung nasaan ang kaliwa at kanan. Kaliwang kamay kasi 'yung ginagamit nya sa pang-aabuso sakin nung bata pa ako kaya pinutol ko na. Binawian ko na rin sya ng buhay baka kasi umuwi na naman sa kanilang bahay kahit nakikipaglaro pa ako ng tagu-taguan.
Kung dati, ang pangarap ko maging isang bituin para maging maganda at hindi nag-iisa pero habang lumalaki na ako naisipan kong bakit hindi na lang sila ang gawin kong bituin?