Simula

27K 1.1K 894
                                    

Simula

"Hanggang kailan natin itatago ito?"

Natigilan ako sa pagsubo ng ubas dahil sa tanong ni Sir Dominique. Hindi gaya ko na nakaupo sa kulay asul na tela sa tabi ng mga pagkain na dinala niya, siya naman ay nakaupo sa ugat ng malaking puno habang kumakain ng mansanas.

"Hindi ka pa rin ba sigurado sa akin, Hezira?"

Napaiwas ako ng tingin. Mabait si Sir Dominique. Guwapo. Hinog mag-isip. At higit sa lahat, responsableng ama sa kanyang anak. Alam kong may nararamdaman ako sa kanya. Hindi ko alam kung malalim ba o isang paghanga lang.

"Kung natatakot ka na baka pag-initan ka ng mga kapwa-guro mo, hindi ba dapat mas matakot sila? Kasi kapag binangga ka nila, parang binangga na rin nila ako."

Minsan ay may kayabangan din. Gamitin ba naman ang posisyon niya bilang punong-guro para takutin ang iba? Pero alam ko naman na nagbibiro lang siya.

"O dahil may anak na ako?" usisa pa niya.

"Hindi iyon..." pagtanggi ko. "Wala sa mga nabanggit mo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay palihim pa rin ang pagkikita natin. Tuwing uwian sa hapon."

"Nababagot ako sa ganito," sambit pa niya saka bumuntonghininga. "Ayokong nagtatago tayo na parang may ginagawa tayong kasalanan."

Parang gano'n na nga ang nangyayari sa amin. Maging ang kaibigan kong si Mags ay walang ideya sa patago naming pagkikita ni Sir Dominique. Kahit na alam kong botong-boto siya sa kanya.

"Nagbibiro lang ako..." Tumawa si Sir Dominique saka lumapit sa akin. Tumabi siya sa akin saka hinawakan ang mukha ko. "Kung gusto mong ganito muna tayo, ayos lang sa akin."

Napangiti ako sa sinabi niya. Sobrang maintindihin talaga niya.

"Pero..." Sumeryoso ang kanyang mukha. "Gusto kong maging tapat ka sa akin, Hezira. Kahit na kaunti ba... sa tingin mo ba... may pag-asang mahulog ka rin sa akin?"

Wala sa sariling tumango ako. Kahit na ang totoo ay hindi pa rin buo ang loob ko.

Napangiti siya sa sinagot ko. "Ayos na ako sa ganito, Hezira. Magsimula ngayon dito na ang tagpuan natin."

Nalula ako sa kanyang mga mata. Habang nakatingin sa mga 'yon ay biglang sumakit ang ulo ko. Napapikit ako at napayuko. Bigla kong narinig ang sariling tinig sa loob ng aking ulo.

"Kapag hindi na ako mahagilap ng mga mata mo at nawawalan ka na ng pag-asang masilayan akong muli... andito lang ako."

"Hezira!" Naramdaman kong niyakap ako ni Sir Dominique. Naramdaman kong pumatak ang luha mula sa mga mata ko. "May nararamdaman ka ba?"

Meron. Ang dibdib ko... parang pinupunit. Tila may puwang na habang tumatagal ay palaki nang palaki. Ang mga tinig sa utak ko ay palakas nang palakas.

"Gabi na. Kailangan ko nang umuwi," sabi ko saka mabilis na kinuha ang bag ko. Tumayo na ako at handa nang umalis nung hinawakan ni Sir Dominique ang aking kamay.

"Mag-iingat ka," paalala niya.

Tumango lang ako saka na binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Halos tumakbo na ako palayo roon. Patuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha sa mata ko.

Hindi ako nababaliw dahil hindi ito ang unang beses na may narinig akong tinig sa utak ko. Ngunit ito ang unang pagkakataon na tinig ko ang narinig ko.

Nung malapit na ako sa dorm ay tumigil muna ako para pakalmahin ang sarili. Malamang na nagdududa na si Mags na lagi akong ginagabi ng uwi. Hindi makakatulong na makita niya ako sa ganitong kalagayan.

Taste of Blood (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon