Chapter 1

18.9K 1K 544
                                    

Chapter1: Dugo

Nanaginip ako. May babaeng tumawag sa akin sa kagubatan na nagpakilalang isang bampira. Ang malala ay sinabi niya rin na isa akong bampira. Natatawa na lang ako sa tuwing naalala 'yon.

Maganda ang gising ko. Pasipol-sipol pa ako nung lumabas ng paliguan. Nakabalot ang buhok ko ng tuwalya. Pumunta ako sa kusina para mag-agahan. Naroon si Mags na nagbabasa ng libro.

"Gusto mo ng kape?" tanong ko saka dumiretso sa lababo. Kumuha ako ng dalawang tasa. "Grabe. Ang aga kong nakatulog kagabi."

"Lumabas ka ba kagabi?" tanong niya.

Natigilan ako sa pagsalin ng mainit na tubig, pero nagpatuloy rin ako. Hinalo ko ang mga kape namin. Pinatong ko ang isa sa tabi niya saka ako umupo sa upuan ko. Humigop ako ng kape at naglagay na ng pagkain sa plato.

"Mukhang kailangan na nating mamili ng pagkain, ah?" Marahan kong nginuya ang pagkain habang nakatingin kay Mags na nakakunot ang noo.

"Naalimpungatan ako dahil narinig kong bumukas ang pinto—"

"Hindi ko na maalala. Mahimbing ang tulog ko," patay-malisya kong sambit. "Baka nananaginip ka lang?"

Maging siya ay tila naguluhan. Natawa ako saka napailing na lang.

"Kumain ka na lang, Mags. Kung anu-ano ang iniisip mo."

Naubos ko ang kape ko nang 'di nalalasahan ang pait nito. Malamang na may problema ako sa panlasa ngayon. Nauuhaw ako pero hindi ako uminom ng tubig. Mukhang nananaginip pa rin ako.

Sabay kami ni Mags na pumasok. Nakangiti ako habang tinatanaw ang mga puno. Biglang pumasok sa isipan ko ang panaginip kaya mabilis ko 'yong winaglit.

"Kailangan mong magpasuri sa manggagamot," biglang sabi ni Mags. Malungkot ang boses niya. "Masakit man na malaman na may anak na kayo ni Sir Dominique—"

"Nagbibiro lang ako, Mags," bulong ko. Nakatungo akong naglakad. "Masama lang talaga ang pakiramdam ko kahapon."

Napasinghap ako nung bigla akong niyakap ni Mags. Napangiti na lang ako.

"Huwag kang mag-alala. Ayos na ang pakiramdam ko—"

"Tinakot mo ako!" mahina niyang hinampas ang braso ko. "Ang buong akala ko talaga ay magkakaroon na kayo ng anak ni Sir Dominique."

"Hindi mo ako niyakap dahil masama ang pakiramdam ko kahapon?" bigo kong tanong.

"Sabi mo mabuti na ang kalagayan mo!" Gumuhit ang malapad na ngiti sa kanyang labi. "Ayos lang naman na maging magkasintahan kayo. Pero huwag muna magkaanak, ha?"

Napaismid na lang ako. Napatingin ako sa isang sanga ng puno. Mahuhulog ito kay Mags kaya dali-dali ko siyang hinila sa tabi ko.

"Hala!" Maging si Mags ay nagulantang habang nakatingin sa akin.

"Malaki rin ang sanga na 'yon," sabi ko.

Kinusot niya ang kanyang mga mata.

"Ayos ka lang, Mags?"

"H-hindi yata?" Pilit siyang ngumiti. "P-para kasing..."

"Ano?" Maging ako ay kinabahan na rin sa biglang pagbabago ng kilos niya. Tila nakakita siya ng multo. "Bakit, Mags?"

"Wala..." Tumalikod na siya. "Namalik-mata lang ako. Akala ko kasi naging pula ang mga mata mo. Mukhang ako na naman ang magkakasakit."

Nauna na siyang naglakad habang ako ay napako sa kinatatayuan. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa katawan at hindi nakalagaw. Hindi maaari. Namalik-mata lang si Mags.

Taste of Blood (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon