Chapter 3: Minaggen
Sa Minaggen ko lang pala matatagpuan ang hiwaga na hinahanap ko. Ito ang nagpatunay na wala na nga talaga ako sa mundo ng mga tao. Tila nasa loob ako ng isang aklat.
"Ito ang Minaggen, Erissa. Maliit na komunidad man kung tingnan, ngunit sagana naman sa pagkain, alak, dugo, at katahimikan," sambit ni Ginang Enna habang nililibot niya ako.
Nasa kalagitnaan na ng gabi ngunit buhay na buhay ang paligid. May malaking siga sa gitna na patuloy na pinapaliyan ng mga lalaking naka paligid doon. May mga nagsasayaw rin sa saliw ng musika mula sa mga tambol. May mga batang tumatakbo para habulin ang mga alitaptap.
Totoo ba ang lugar na ito?
"Maaari kang manatili rito hanggang sa gusto mo," sabi pa ni Ginang Enna. "Hanggang sa handa ka nang umalis para balikan ang mga nasa labas."
Gusto kong malaman ang nakaraan ko. Ngunit kung kapalit no'n ay kailangan kong lisanin ang lugar na ito, parang mas mabuting hayaan ko na lang itong mabaon sa likod ng utak ko.
"Pinuno!" Lumapit sa amin ang tatlong bata. May hawak silang sariwang karne. Sa gilid ng labi nila ay may naiwan pang dugo. "Sino siya?"
Saka ko lang napagtanto na halos nakabahag silang lahat dito. Maging ang mga babae. Sa tingin ko naman ay hindi kailangan no'n dahil may mga nakabihis din naman na balot ang katawan.
"Siya si Ate Erissa," pagpapakilala sa akin ni Ginang Enna sa mga bata. "Simula ngayon ay kasapi na natin siya."
"Puwede ba namin siyang isali sa laro?" nagagalak na tanong nung batang babae. Kulay kayumanggi ang kulot nitong buhok.
"Sige na, Ate Erissa!" Humawak sa kamay ko ang isa pang batang lalaki na kasama nila. "Ayaw kasi ni Kuya Noel dahil may ginagawa siya. Ikaw na lang!"
"S-Sige..." Napapayag nila ako.
Muntik na akong masubsob nung hinawakan nilang tatlo ang magkabila kong kamay saka ako hinila. Muntik ko nang makalimutan na hindi normal na mga bata ang mga ito.
"Ako si Leah," sabi nung batang babaeng kulot ang buhok. "Siya naman si Polo," tukoy niya sa lalaki. "Si Dena naman ay hindi palasalita," aniya sa babaeng nakahawak din sa braso ko ngunit hindi nagsasalita.
"Ako naman si Erissa," pagpapakilala ko.
"Oo nga. Nagpakilala ka na, hindi ba?" Humagikgik si Polo.
"Hulihin mo kami!"
Sa isang iglap ay binitiwan nila ako at tumakbo sa iba't ibang direksyon. Naiwan akong tulala at hindi alam kung sino ang uunahin sa kanila. Bukod sa tatlo sila ay maliliksi pa.
Si Dena ang pinakamalapit sa akin kaya siya muna ang tinangka kong habulin. Sa tingin ko ay siya rin ang pinakamahinang tumakbo kaya agad ko siyang nahuli.
"Huli ka!" Tumawa ako.
Lumukot ang mukha niya at biglang umiyak.
"Hala. Sige na. Tumakbo ka na ulit!" Binitiwan ko na siya kaya tumakbo na siya. Napakamot ako sa batok.
"Kaya pala hindi nila ako ginugulo ay may nahanap na silang ibang kalaro," dinig kong may nagsalita sa likod ko.
Humarap ako sa kanya. Isang lalaki ang nasa harapan ko. Kulot ang buhok niya at gaya ng iba ay nakabahag din siya. Tanging ang saplot lang sa ibaba ang suot niya. Natulala ako sa katawan niyang makisig.
"Ako nga pala si Noel." Nag-abot siya ng kamay. "Ikaw si Erissa, hindi ba?"
Inabot ko ang kamay niya. Hinigpitan niya ang kapit sa kamay ko. Medyo matigas ang palad niya, malamang na dahil sa bigat ng kanyang mga trabaho.