Chapter 2: Pangalan
"Gumising ka na, Hezira."
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. Mula sa mga binti ay umangat ang tingin ko sa mukha ni Sylvia. Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin.
Nasa loob pa rin kami ng kakahuyan. Wala ako gaanong matandaan sa mga nangyari kagabi pero hindi gaya ng madalas ay sobrang gaan ng pakiramdam ko ngayon.
"May kakaiba ka bang nararamdaman?" tanong niya.
Napakurap ako. "A-ano'ng oras na?"
Nataranta ako at agad na tumayo. Saka ko lang napagtanto na hindi pala ako nakahigang natulog. Nakasandal lang ako sa puno. Gano'n pa man ay hindi ako nakaramdam ng pangangawit.
Natulog? Hindi ko matandaan na natulog ako.
"Saan ka pupunta?" tanong niya.
Natigilan ako sa paglalakad nang 'di alam kung saan tutungo. Hindi ko alam kung nasaan akong parte ng kakahuyan.
Humarap ako kay Sylvia. Nakakunot ang noo niya at gaya ko ay tila naguguluhan din siya.
"Uuwi na ako," sabi ko.
Mula sa pagkalito ay bigla siyang natawa.
"Hindi mo ba matandaan ang sinabi mo sa akin kagabi? Ang ginawa mo?" usisa pa niya. "Kung bakit nasa kakahuyan ka pa rin at kasama ako?"
Umiling ako. "Wala akong matandaan. Basta kailangan ko nang bumalik, Sylvia. Baka mag-alala si Mags kapag hindi pa ako nakauwi."
"Hezira." Bumuntong hininga siya. "Wala ka na sa mundo niyo."
"A-ano ang ibig mong sabihin?"
"Nakiusap ka kagabi na ibalik na kita." Lumapad ang labi niya sa isang ngiti. "Maligayang pagbabalik sa mundo ng mga bampira, Hezira. Ang mundo natin."
Nagimbal ako sa sinabi niya at bahagyang napaatras. Naging mabilis ang mga mata ko para suriin ang paligid. Mga nagtataasang-puno, talahib, malakas na hangin, at huni ng mga ibon.
"Gusto mo bang ipaalala ko sa 'yo ang nangyari kagabi?" nakangisi niyang tanong.
Hindi ako nakasagot. Gulat pa rin ako at hindi pa nakababawi sa siniwalat niya. Mundo ng mga bampira? Andito na ako?
"Hindi ba may usapan kayo ng punong-guro na magkikita sa kakahuyan?" pag-uumpisa niya.
Napalunok ako at nanginig ang mga labi. Tila alam ko ang tinuran niya ngunit ayokong intindihin. Ayokong isipin kung ano man 'yon.
"Hindi pagkasabik sa dugo ang naging dahilan kung bakit mo nagawa 'yon. Ito ay dahil sa labis na pagkamuhi sa pagtatangka niyang—"
"P-puwede bang ibalik mo na ako?"
Nangilid na ang mga luha sa mata ko. Wala na akong pakialam kung kailangan kong pagbayaran ang ginawa ko sa mundo ng mga tao. Basta makauwi lang ako.
"Nagbago na ang pasya ko, Sylvia. Ibalik mo na ako. Pakiusap."
"Hindi na maaari ang nais mo, Hezira. Hindi ko 'yon maaaring pahintulutan. Gaya ng sinabi ko sa 'yo, ikaw na lang ang natitirang dahilan kung bakit nanatili pa rin ako roon. Ngayon na kasama na kita, wala na akong dahilan para bumalik. Saka, gusto ko na ring makalaya sa responsibilidad na ito."
Hinawi ko ang mga luha sa mata ko. Muli kong ginala ang tingin sa paligid. Parang nasa isang panaginip lang ako. Sana nga ay gano'n na lang.
"Tutungo tayo kay Ginoong Osman. Siya ang magpapasya kung ano ang gagawin sa 'yo."
Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Paano ako napunta rito?
"Gaano ako katagal na walang malay?" tanong ko.