Chapter 4: Pagbabasa
Binilang ko ang araw sa pamamagitan ng pagsibol ng buwan at pagdilim ng kalangitan. Kung tama ang aking bilang, ngayon ang aking ikatatlumpung araw ko sa Minaggen. Hindi ako kailanman nabagot sa lugar na ito. Sa dami nga ng magagawa ko ay halos hindi ko napansin ang paglipas ng oras.
Hawak ang isang libro ay umakyat sa itaas ng isang puno. Sumandal ako habang hinihintay ang pagsikat ng araw. Ganito ko lagi sinasalubong ang araw.
Isa pa ring hiwaga sa akin ang lugar na ito. Lahat ng kailangan ng katawan ko ay narito— dugo, pagkain, at maging ang kapayapaan. Iyon naman lang naman dapat ang kailangan ko.
Napahawak ako sa dibdib ko nung manikip ito. Saka ko lang napansin na unti-unti na namang sumisikat ang araw.
Ngunit tila may hinahanap ang puso ko. At sa tuwing hindi ito maalala ng utak ko ay sumisikip ito. Tila nasasaktan. Oo nga pala. May nakaraan akong hindi maalala.
Gano'n ba ito kaimportante sa akin? Hindi ba puwedeng mamuhay na lang ako nang walang binabalikan sa nakaraan? Hindi ko alam kung saan magsisimula.
"Teacher Erissa!"
Tumingin ako sa ibaba. Nakangiti habang nakatingala sa akin si Dena. May hawak siyang buslong naglalaman ng mga prutas at tinapay. Masaya akong kahit papaano ay nagiging palasalita na siya. Nung una kong dating dito ay hindi siya kumikibo.
Bumaba na ako para harapin siya. Tinulungan ko siyang maglatag ng tela para doon kami maupo. Napansin kong may isa pang tela siyang dala na nilatag din niya.
"Nasaan sina Polo at Leah?" tanong ko sa dalawa pa niyang kaibigan.
"Andito na kami!"
Tumatakbong lumapit sa amin sina Polo at Leah. May mga kasama silang ibang bata na ngayon ko lang nakita.
"Mga kaibigan namin sila mula sa labas," humahagikgik na sambit ni Leah. "Inimbitahan namin sila para matuto rin silang magbasa."
Isa sa mga sinikap kong gawin sa isang buwan kong pananatili rito ay matulungang magbasa ang mga bata. Gusto kong kahit walang paaralan dito ay matutunan pa rin nila ito.
"Talaga po, Ate? Marunong kang magbasa?" tanong ng isa.
"Hindi lang magbasa. Pati gumamit ng Ingles!" pagmamayabang ni Polo. "Pero hindi pa namin natatalakay iyon. Nasa pagbabasa pa lang kami!"
"Oh, sige na. Maupo na kayo nang makapag-umpisa na tayo," nakangiti kong sabi. "Maaari kayong kumain habang nakikinig sa akin."
Nagpakitang gilas sina Polo at Leah sa pagbabasa. Si Dena naman ay taimtim lang na nakikinig gaya ng madalas. Pero masasabi kong siya ang pinakamabilis na matuto. Nakatulala lang ang mga kaibigan nila at tila hindi makapaniwala.
"Galing ka ba sa pangkat ng Maharlika?" biglang tanong ng isa sa mga kaibigan nila. Siya ang pinakamatanggad at kung tama ang hinala ko, siya rin ang pinakamatanda.
"Oo," sagot ni Polo.
"Hindi," mabilis kong pagtanggi. "Minsan lang akong nakitira sa kanila, pero hindi ako kabilang nila. Magpatuloy na tayo sa pag-aaral?"
"Kung gano'n ay nakapasok ka na rin sa palasyo?" tanong pa niya. "Nakita mo ba roon si Papa? Ang sabi kasi ni Mama ay hinuli siya ng mga kawal."
"Bakit naman nila huhulihin ang Papa mo?" tanong ko.
"Kailangan ba nila ng dahilan?" nagtataka niyang tanong. "Sapat ba ang dahilan na kulang ang buwis na naibigay niya dahil maging ang kanyang kita ay kulang pa sa amin?"
"Magbasa na tayo!" Sumimangot si Dena.
"Paumanhin." Yumuko ang batang lalaki. "Kailangan ko na palang umalis. Baka hinahanap na ako ni Mama." Tumayo na siya at tumakbo palayo.