KABANATA 4
BUHAT NG ISANG BATA ang sako na naglalaman ng mabibigat at malalaking tipak ng kahoy. Sa mukha niya ay bakas ang hirap, ang mga mata niyang nais nang pumikit ngunit pinipigilan niya. Ang mga labi niyang nanginginig na dahil sa pagbibigay niya ng buong lakas sa binubuhat. Halos wala na siyang ligo at punit-punit na rin ang kaniyang damit. Walang oras siyang hindi nagtrabaho upang makaipon lamang ng pera na siyang gagamitin niyang pang piyansa sa pagkakakulong ng kaniyang mga magulang.
Ang batang kagaya niya na labing pitong taong gulang pa lamang ay hindi dapat nakakaranas ng ganito. Naghihirap umulan man o umaraw, umaga man o gabi. Ngunit wala siyang magagawa. Kasalanan niya ang lahat.
Wala akong magagawa, kasalanan ko kung bakit sila nakulong.
Parang kailan lamang ay masaya pa sila, parang kailan lamang ay masaya silang kumakain sa hapag-kainan, natutulog sa higaan. At nakangiting nagkukuwentuhan. Ngunit ngayon, ang tingin niya sa sarili niya'y walang kuwenta, walang silibi, malas at hindi na karapat-dapat pang nabuhay pa.
Bakit ‘di nalamang ako mamatay?
Napailing siya nang pumasok ‘yan sa kaniyang isipan. Hindi siya puwedeng mamatay. Hindi ako puwedeng mamatay nang hindi pa nakakalaya si amang at inang.
Seryoso niyang tinignan ang daan. Ang mga kahoy na panggatong ay dadalhin niya sa simbahan sa loob ng Intramuros, gagamitin ito ng mga pari at madre sa pagluluto. Sa simbahan ring ito dati siyang naninilbihan sa Diyos. Itinigil niya lamang nang makulong ang kaniyang magulang upang kumayod at kumita ng pera.
Bagama't sa pagpunta niya sa simbahan ay madadaanan niya muna ang Fuerta de Santiago, kung saan nakakulong ang kaniyang magulang. Napag-isipan niyang tumuloy muna doon upang bisitahin ang kaniyang ama't ina. Alam niyang nahihirapan na ang mga ito dahil sa tagal na nang pagkakakulong. Marahil ay pinahihirapan na rin ang mga ito ng mga guwardiya civil.
Habang naglalakad ay nagbibilang ang kaniyang utak kung ilan na ba ang naipon niya. Limang sako ng kahoy ay katumbas ng isang sentimo. Noon ay sinubukan niyang buhatin ang dalawang sako ng kahoy upang mapadali ang trabaho niya, ngunit ‘di niya kaya ang bigat nito. Kaya't binawasan niya. Nang makita ng mga Prayle na kaunti lamang ay hindi siya binigyan ng sahod. Gayunpaman, ang limang sako ng kahoy ay siya ring pabalikbalik niyang pagpunta sa napakalayong kakahuyan. Mag-iisang taon na siyang ganito ang tinatrabaho ngunit, limang piso pa lamang ang naiipon niya.
Napakahina kong tao! Walang kuwenta!
Nang makarating siya sa Fuerza de Santiago ay agad niyang ibinagsak sa harapan ng malawak na lagusan ang kaniyang buhat na sako. Napansin naman siya ng mga guwardiya civil kung kaya’t agad lumapit ang mga ito sa kaniya at talian ang kaniyang kamay. Lagi na siyang bumibisita rito ngunit bakit 'di na nasanay ang mga ito sa kaniya, lagi nalang tinatalian ang kamay at binubugbog siya. Hindi na ba nakuntento ang mga ito sa mga pasa niyang tinamo nang nakaraan?
Mahigpit ang pagkakatali ng mga ito na halos ikagasgas pa ng kaniyang kamay. Masakit man ngunit tiniis niya, higit pa sa sakit na ito ang daranasin niya sa susunod pang mga araw upang mapakawalan ang kaniyang magulang.
“Hindi ka na dapat pumunta pa rito, batang paslit!” mula sa malalim na boses ng isang guwardiya civil na siyang nagatatali sa kaniyang kamay.
Nagngingitngit ang kaniyang ngipin dahil sa sakit ng kaniyang kamay. Naghahabol din siya ng kaniyang hininga dahil sa labis na pagod.
Mas hinigpitan pa nito ang pagkakagapos sa kaniyang kamay.
BINABASA MO ANG
Why Do Rose Petals fall?
Ficção Histórica"Ang talulot ng puting rosas ay simbulo ng buhay. Kapag nahulog huling talulot nito, nangangahulugang huli na, wala na, o 'di naman kaya'y tapos na." ...... Masayahin at kilala si Domeng bilang anak ng mayamang pamilya Asuncion. Sa likod ng saya, it...