Chapter 3

0 0 0
                                    

Chapter 3 : The Newly Crowned Prince

   Alas-kuwatro ng hapon nang makarating kami sa liwasan kung nasaan naroon na ang tanghalan ng kokoronahang prinsipe. Maraming tao at mga nakatayong mga lamesa para sa itinitinda. Marami ring nakasabit na bandiritas na kapag ikaw ay tumingala ay hindi makakatakas sa iyong mata ang mga iyon. Naglingon lingon ako sa paligid at tinitignan ang mga ipinamimili ng ilan. Naramdaman kong may humawak sa kamay ko at nakampante nang malamang si Lewis iyon na kumakain ng kanyang biniling galyetas sa isang puwestong nadaanan namin kanina.

"May bibilhin ka, ate Astra?"

Umiling ako. "Tumitingin lang..." sagot ko sa kanya.

"Astraea!" Napalingon kami sa tumawag sa pangalan ko.

Nakita namin si Asher na tumatakbo palapit sa'min. Kilala ni ama't ina si Asher, lalong lalo na si Lewis dahil minsan niya itong tinuturuan tungkol sa paghawak ng ispada. Kabalyero kasi ang ama ni Asher at tinuturuan siya nito.

"Kuya Asher!"

"Lewis! Astraea! Narito rin kayo?!"

"Ilusyon mo lang kami, Asher." Pilit akong ngumiti kay Asher at siya'y humalakhak. Marahan niyang tinapik ang braso ko.

"Hindi kaya!"

"Ha..."

Nakipagkuwentuhan si Asher kila ama't ina ng ilang minuto. Muli rin niyang inaaya si Lewis na mag-ensayo ng pag-iispada at baka raw magbago ang isip nito'y maging kabalyero, kesyo raw ay paglilingkod rin iyon sa tao. Nahalata ko ang pagtahimik ni Lewis bago ako nabigla nang ngumiti siya kay Asher.

"Gusto ko lang maglingkod sa tao...at protektahan ang pamilya ko nang hindi sila nag-aalala sa'kin, kuya Asher! Sa susunod na buhay na lang, magka-kabalyero ako, kuya Asher! Hayaan mo!"

"I'm sorry, ate Astraea. I won't make you worry anymore."

Bahagya akong napahawak sa aking ulo nang sumakit iyon dahil may narinig akong boses. Sino iyon? At bakit narinig ko siyang umiiyak?

"Astra, anak...may masakit ba sa iyo?"

"W-Wala naman, ina. Inaantok lang po ako." Paumanhin ko at binalewala ang narinig kong boses. Umikot ang mata ko para tignan ang mga nagkukumpulang tao sa harap ng tanghalan. Lahat ng tao na nasa paligid ko ay naghiyawan nang makita ang puti at magarbong karwahe na galing sa palasyo.

Nandito na ang kokoronahang prinsipe.

Hindi maalis ng mga tao ang hiyawan na paraan para ipahayag ang kanilang suporta. At alam ko kung bakit. Lahat kami ay umaasa na magiging maayos ang imperyong ito kahit papaano. Gusto naming matanggal ang korapsyon na kung saan ang mga buwis ng mga hindi mahaharlika ay napupunta lamang sa maling tao.

Huminto ang karwahe sa gilid ng tanghalan. May dalawang kabalyerong lumitaw para buksan ang pinto ng karwahe. Lalong lumakas ang hiyawan sa aking paligid. Si ama't Ina ay nakangiti lamang. Mariin kong kinusot ang mata ko nang makita ang lumabas sa karwahe dahil baka nagkakamali lamang ako sa nakita ko.

"Ate Astra! Siya yun 'diba?! Yung nakita natin noong isang araw?!" Rinig ko ang madiing boses ni Lewis.

Nalaglag ang aking mga panga nang makasiguradong iyon ay ang may pulang buhok na may gintong mata na nakita ko sa gubat noong nakaraan. Napalunok ako at nagbaba ng tingin. Napako na lamang ang atensyon ni Lewis sa tanghalan kung nasaan naroon ang kokoranahang prinsipe. Nang huminto ang prinsipe ay yumuko kaming lahat, pati na ang kanyang mga nasa paligid. Nagsimula ang koronasyon at maraming sinabi ang pari sa tanghalan. Matapos ang maraming seremonya, may kabalyerong umakyat sa tanghalan dala ang korona. Kasabay noon ay ang pagdating ng iba pang mahaharlika. Kasama na roon ang emperador at emperatris na may magarbong kasuotan na suot ang kanilang korona.

Natahimik ang lahat.

"Nova Clayfield, you are now the crowned prince of the Margrave Empire." sabi ng isang pari sa wika na ginagamit sa palasyo.

Nanlaki ang mga mata ko. Halos manginig ang aking mga tuhod sa narinig kong ngalan niya. Iyon ang wala sa sariling nabanggit kong pangalan noong gabing iyon! Sandali, kung gayon, may natatago ba akong mahikang hindi ko alam?!

Pero...imposible?!

Isinuot sa bagong prinsipe ang korona. Malamig ang mata nitong iniikot ang mata sa kakapalan ng mga tao nang tahimik na waring may hinahanap. Kita ko sa mga mata nang ilang mahaharlikang ka-gulang ng prinsipe ang pagkamangha nila rito.

Nang mapunta ang kanyang paningin sa gawi ko ay nagtagpo ang mga mata namin. Hindi ako sigurado, pero nararamdaman kong huminto ang malikot niyang mata sa gawing dito. Matapos ang ilang segundo ay bahagya siyang yumuko sa madla bilang pasasalamat. Doon nagtapos ang okasyong iyon.

"Astraea, Tara na anak..." Gusto ko pa sanang makita ang pag-alis ng karwahe ng prinsipe ngunit wala na akong nagawa at sumunod para umuwi.

Dumating ang kinagabihan at hindi ako makatulog. Tulog na sila Lewis, ama at ina. Malalim na rin ang gabi. Tumayo ako mula sa aking pagkakahiga at isinuot ang tsaketa dahil dumamdampi ang kalamigan ng hangin sa'kin. Kumuha ako ng isang libro sa istante naming kahoy at binasa iyon, nagbabakasakaling ako'y aantukin at makakatulog. Sa huli ay hindi ko iyon naramdaman. Napahinto ako nang may marinig akong kumuluskos sa labas. Isinara ko ang librong aking binabasa at isinuot ang sinelas para lumabas. Nahagip ng mga mata ko ang pula nitong buhok na papasok sa gubat.

Narito siya?

Kusang mabilis na naglakad ang mga paa ko para sundan iyon.Tanaw ko pa ang anino nito na papunta sa pamilyar na lugar. Sa lugar na una kong nakita ang lalaking iyon na may pulang buhok at gintong mga mata na minamasdan ang madilim ngunit makinang na kalangitan.

Sa gitna ng aking paglalakad ay napatid ako. Tumama ang aking ulo sa nalaglag na sanga ng puno. Naramdaman ko ang pagsakit ng gilid ng aking noo dahil hindi ko akalaing nakakasugat iyon. Nang iangat ko aking ulo ay napahinto ako nang makitang iyon ay ang taong sinusundan ko. Waring nagsilbing araw ang kanyang mga mata sa dilim. Saglit akong napatanong sa aking sarili kung dapat ba akong matakot. Ngunit ang tanging naramdaman ko ay kahihiyan.

Nagmamadali akong tumayo at yumuko. "Paumanhin, ginoo..." Mabilis kong pagpapaumanhin bago tumalikod at tumakbo na palayo bago pa ito makapagsalita.

Napapikit ako ng mata sa aking walang pakundangang kilos. Sana lamang ay hindi niya ako ipahanap at ilagay sa bartolina sa pinakailalim na parte ng palasyo.

The Star In My Night SkyWhere stories live. Discover now