CHAPTER ONE
"Manang Dory! Alis na 'ho ako!" Sigaw ko sa bungad ng pinto. Sa sobrang lakas ng sigaw ay ewan ko nalang kung hindi pa marinig ni Tandang Dory iyon.
Pumunta ako sa gilid ng bahay kung saan nakaparada ang aking bisikleta at dinala ito sa harap.
"Dollar! Euro! Tara na!" muli kong sigaw at maya maya pa ay nakita ko naman ang dalawa na tumatakbo papalapit sakin. Sumampa ako sa bisikleta at sumunod namang sumakay sa harapang basket si Euro habang si Dollar naman ay handa na sa pagtakbo.
Tuwing alas sais ng umaga ay umaalis na ako ng bahay papunta sa hacienda ni Don Gustavo. Isa ako sa binigyan nya ng trabaho roon upang mangalaga ng mga hayop at kung minsan ay nauutusan din sa loob ng mansion.
Wala pang kinse minuto ay natatanaw ko na agad ang gate ng mga Lowell. Wala pa man ay kita ko nang binubuksan na ni manong guard ang maliit na gate na kung saan kasya lamang ang mga maliliit na sasakyan tulad ng motor o bisikleta tulad ng akin.
"Magandang umaga 'ho Mang Alo!" bati ko rito habang papasok na.
"Magandang umaga rin Salve, Euro, at Dollar!" anito saming tatlo.
"Woof! Woof!" tanging usal ni Dollar. Kumakawag pa ang buntot habang nakasunod sa aking likod.
Nang tuluyang makapasok ay dumiretso kami sa likod ng mansion. Iniwan ko naman ang bike sa lilim ng puno para kung sakaling tumanghali ay hindi ito mainitan. Si Euro at Dollar naman ay tumakbo papuntang kwadra.
Hinayaan ko naman ang dalawa tutal ay doon sila palaging dumidiretso tuwing umaga at nakikipaglaro sa mga kabayo.
"Good morning 'ho ate Beth! Ate May!" sambit ko nang maabutan ko silang dalawa na nagluluto ng almusal dito sa dirty kitchen.
"Oh! Salve! Buti at nandito ka na! Alam mo ba? Dumating na rito kagabi ang apo ni Don Gustavo." ke'aga-agang chismis ni Ate Beth. Umupo naman ako mataas na upuan na naroon at tinignan ang mga nakahaing pagkain.
"Oh? Talaga? Bakit raw narito, Ate Beth?" pang-uusisa ko habang dumadampot ng sausage na mukhang nasobrahan sa luto.
"Balita ko eh magbabakasyon ng dalawang linggo rito sa hacienda." Aniya at pinaningkitan ako ng tingin.
"Aba, Salve! Para sa Senyorito iyan!" Saway ni Ate May. Wala naman silang nagawa nang mailunok ko na ang huling pirasong sausage na kinuha ko.
"Mukhang pasunog na yung sausage ate May kaya kinain ko na, hehe." usal ko pa at malokong ngumiti.
"Ikaw talagang bata ka, Tsk! Tsk!" ani Ate Beth at pinagpatuloy ang ginagawa.
"Maya maya ay gigising na ang apo ng Don, Salve. Wag ka muna masyado pagala-gala rito sa mansion at baka magtaka iyon, isipin pang magnanakaw ka." paalala pa ni Ate May habang inilalagay ang niluto sa isang lalagyanan.
Sa ganda kong 'to? Mapapagkamalang magnanakaw? No way in hell!
"Naku Oo! Bawas-bawasan mo rin ang pagpanhik sa itaas! Mukha pa namang masungit iyong si Senyorito." Segunda pa ni Ate Beth.
"Oh eh ano naman Ate Beth at Ate May? Meron naman akong pahintulot ni Don Gustavo na pwede akong pumunta kahit anong oras sa silid aklatan." Pagdadahilan ko.
"Hindi naman porket pinahintulotan ka na Salve, eh gagawin mo parin ang gusto mo. Ang amin lang naman eh, limitahan mo muna dahil nandirito ang senyorito. Hindi iyon komportable na merong pumupunta ng basta basta lalo na't hindi ka pa niya nakikilala." pagpapaliwanag pa ni Ate Beth, nakatingin na sakin habang ang sandok.
Napapabuntong hininga na lamang akong tumango para hindi na humaba ang usapan.
"Huwag kang mag-alala, dalawang linggo lang naman at babalik rin yun sa manila." Habol pa nito.