CHAPTER FIVE
"Ate May! Meron akong iniwan na limang pirasong ice candy dito para sa inyo. Kung gusto nyo bigyan nyo rin si Don Gustavo." sambit ko habang inilalagay ang mga ice candy sa styro box.
Linggo, at ngayon nga kami maliligo sa talon. Kahapon ay sinabihan ko si Julius na kasama ang Senyorito sa magiging lakad namin ngayon. Dali-dali naman niyang ibinalita iyon sa mga kaibigan pa namin at nagalak pa sa nalaman. Dahil hindi pa nila nakikilala sa personal ang apo ng Don kaya naman tuwang-tuwa sila na makakasama ito sa gala.
"Tutal naman malaki ang katawan mo, Senyorito. Dahil mo 'to." walang hiya kong sabi at ibinigay rito ang tali ng styro box. Hindi naman siya nagreklamo at isinukbit na lamang ito sa kanyang balikat. Marahil ay nakita nitong mayroon pa akong bitbit na backpack at isang kaldero at naisip na baka nabibigatan ako.
Bago pa makarating sa pupuntahang talon ay kailangan pa naming maglakad ng halos isa't kalahating oras patungo roon. Dahil may iilang malalaking bato at ilog pang dadaanan ay iniwan nalang muna namin ang dalang sasakyan sa baryo na hindi nalalayo sa pag-uumpisahan namin ng lakad.
"Hoy, Salve. Mahiya ka naman sa Senyorito. Pinagbitbit mo pa talaga." bahagyang bulong ni Badang nang makalayo ako sa binata.
"Kaya na niya yan." at napalingon sa gawi ng Senyorito. Kasabay nito si JuIlius sa paglalakad.
Walo kaming pupunta, kasama ang dalawa kong alaga. Si Badang, Hannah, Julius, Japjap, Deejay, Marie, Ako, at si Senyorito. Mga kaibigan ni Julius na kalauna'y naging kaibigan ko na rin.
Halos lahat naman kami ay mayroong dala kaya ipinabitbit ko na kay Senyorito iyong styro box na hindi lang ice candy ang laman kundi mayroon pa kasamang yelo.
"Ang gwapo pala sa malapitan ang apo ni Don Gustavo, Salve." si Hannah at Marie ay nakisali na sa chismisan namin ni Badang.
Nauunang namang maglakad si Deejay at Japjap habang si Julius at Senyorito ay nahuhuli sa paglalakad, halos anim na metro ang layo sa aming apat na babae.
"Gwapo nga, ang sungit naman." ani ko.
"May jowa na raw ba?" si Marie at humagikgik gayon rin si Badang, halatang kinikilig.
"Bakit? Gusto mo reto kita?" panguudyok ko.
"Halatang hindi ka papatulan." pang-aasar pa ni Badang.
Masasabi kong may ipagmamalaki naman si Marie. Morena, maganda ang hubog ng katawan, mayroon rin katangkaran, iyong nga lang ay mataas ako rito ng ilang pulgada. Si Badang, ang pinakamaliit sa amin at ang pinakamasayahin, malaman at halatang sagana sa pagkain ang katawan. Si hannah naman ay ang siga sa aming apat, maganda rin ngunit lamang ang pagiging brusko, at matangkad rin.
"Naku! Kung si Salve ay pwede pa, pero mahirap ang ganyan, lalo na kapag sobrang yaman." si Marie.
"Baka offer'an tayo ng magulang ng sampung milyon para layuan ang anak." pagbibiro ni Hannah na ikinatawa naming apat.
Nakalagpas na kami sa isang ilog nang mapagdesisyunan namin na magpahinga saglit.
"Here." gulat akong napalingon nang naglahad ng water bottle si Senyorito sa gilid ko.
"Ahh, hindi, okay lang." nahihiya ko naman itong tinanggihan.
"Just drink it." di na ako nakapagprotesta dahil inilagay na nito mismo sa aking kamay ang bote.
Wala nakong nagawa kundi uminom roon tutal ay nakaramdam narin ako ng pagka-uhaw. Nakatitig pa ito sa akin tila ba sinisigurado na iinom ako roon. Nang matapos ay ibinalik ko na sa kanya.