Kabanata 1

153 12 21
                                    

[ VIANA ]

"Via iabot mo ang pamunas." Agad kong sinunod si ama at inabot rito ang pamunas na ibinabad sa maligamgam na tubig.

Naaawa man ay tumabi lang ako at natulala sa kalagayan ng pang-ibabang bahagi ng katawan nila ina at ate. Umiiyak na rin si ate at pilit siyang inaalo ni ina. Sa kama sila pareho at nakaunat lang ang mga paa na may magkaibang kalagayan. Nangingitim ang kay ate at may tinik naman ang kay ina.

"Sige na Via, ako na rito." Sambit ni ama kaya umalis na ako sa silid nila.

Sa halip na pumasok sa sariling silid ay dinala ako ng aking mga paa sa labas ng bahay. Lahat ng kabahayan ay maliwanag pa rin dahil tulad nila ate at ina ay ganun rin ang nararanasan nila.

Dumako ang tingin ko sa matayog na palasyo. Maliwanag pa rin ito at bukas pa ang mga ilaw sa mga silid na nasa itaas na bahagi. Hindi na kasi makita mula sa labas ang pang-una at ikalawang palapag dahil sa mataas na pader.

Tahimik kong binabagtas ang bawat daan. Wala ring katao-tao maliban sa akin. Tahimik ang daan pero maririnig sa mga kabahayan ang mga daing at mabibilis na kilos.

Palabas pa lang ako ng pagitan ng tahanan ng mga Lilium at pasyalan ay napalingon ako sa madilim na gubat dahil sa narinig kong mga yapak ng mga nagmamadali.

Dala ng kuryosidad ay lumapit ako ng dahan dahan sa malaking puno. Lumipat sa sumunod pang mga puno nang hindi matanaw ang naririnig. Nakailang puno na ako ng nilipatan nang lumakas ang mga yapak kaya napatago ako.

Pagsilip ko ay ganun na lamang ang gulat ko nang may nakasandal pala sa malaking punong napagtaguan ko. Nakaupo ito at hindi ko makilala ngunit nararamdaman ko sa kanya ang mabigat na presensya.

"Mahal na Prinsipe, bumalik na po kayo sa inyong silid. Kami na po muna ang maghahanap. Mapapagalitan po kami ng Mahal na Reyna kapag nalaman niyang tumakas kayo kahit na delikado ang kalagayan nyo sa araw at oras na ito."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.

"Bumalik na kayo sa paghahanap. Kaya ko na ang sarili ko." Tugon ng Mahal na Prinsipe. Nawala sa harapan ang kanina lang kausap nito.

Hindi ko alam ang gagawin. Ramdam kaya ng Mahal na Prinsipe ang presensya ko? Alam niya kayang may tao sa kaparehong punong sinasandalan niya?

Kapag tumakbo ako hindi naman ako mahahabol ng Mahal na Prinsipe sa kalagayan ng mga paa niya. Pero- paano siya? Bakit hinayaan niyang iwan siya at hindi man lang tulungang makabalik ng Palasyo?

Anong gagawin ko?

Kinakabahan ako sa isiping tatakbuhan ko siya at ganun rin kung mananatili ako at hintayin na lang makaalis sa paraang hindi ko alam.

Bahala na. Kaya niya naman daw. Hindi naman siguro ako makukunsensya dahil sa marunong naman siyang gumamit ng kapangyarihan kaysa sa akin.

Ihahakbang ko na sana ang aking kanang paa nang mapansing may nakapalibot na baging sa mga paa ko at sumikip ito nang maramdamang gumalaw ako.

Sa tingin ko ay kagagawan ito ng Mahal na Prinsipe. Nagsisi na akong pumunta pa ako rito. Napadaing ako nang humigpit ito. Nadala ako nang hinila ako nito palabas sa pinagtataguan ko at dinala ako sa harap ng Mahal na Prinsipe.

Hindi ko kayang pantayan ang mga tingin nito kaya napayuko ako.

Napaangat ako ng tingin nang dumaing ito ng sunod sunod at parang namilipit sa sakit. Nawala rin ang nakapalibot na baging sa akin.

Nakapikit ito at halata ang sakit na nararamdaman. Dala ng pag-aalala ay lumapit ako rito. Nag-aalanganin akong hawakan siya. Natataranta ako pero wala talaga akong maisip.

Azalea PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon