Kabanata I

239 12 2
                                    

[Sese's POV]

"Sese?"

"Hmm." Mahinang ungol ko nang marinig ko ang tinig ni Ate Kleng pagkapasok nito sa aking silid, pero nanatili akong nakapikit. Bahagya pa ako nitong tinapik sa balikat.

"Ikaw ba'y wala pang planong gumising? Aba'y tanghali na. Hindi ba't may rehearsal kayo ngayon?"

Hindi ako umimik. Nanatili akong nakapikit. Bahagya ko pang hinila 'yong comforter ko upang itakip ito sa aking mukha. Antok na antok pa talaga ako.

"Serenity?" Muli akong tinapik sa braso ni Ate Kleng. "Katatawag lang ni Sabrina at ang sabi niya'y papunta na raw siya rito. Hindi ka raw sumasagot, tinatawagan ka raw niya."

Napipilitan akong bumangon dahil sa tinuran ni Ate Kleng. Alam kong magagalit na naman sa akin si Sabrina kapag dumating ito't makita akong hindi pa naka-ready. Animo'y ipinaglihi pa naman sa tigre 'yong best friend ko kapag galit. Tila ba manlalapa.

"Ikaw ba'y may sakit?" Tanong ni Ate Kleng habang abala ito sa pag-aayos ng mga marurumi kong damit. Sinulyapan ko ito't nakapaling pala sa direksiyon ko ang paningin nito. Humakbang ito palapit sa akin at sinalat ang aking noo gamit ang kaliwang palad nito. "Wala ka namang lagnat, pero bakit tila ang tamlay mo?"

"Ewan ko nga po ba, Ate Kleng. Sobrang bigat po talaga ng pakiramdam ko, lately. Tamad na tamad akong gumising ng maaga at para akong nahihilo." Tugon ko nang bumaba ako sa kama. Bahagya pa akong naghikab. Hinagilap ko 'yong house slippers ko at isinuot ito.

"Kapupuyat mo 'yan, Serenity." Turan nitong mahihimigan ang galit. Natawa ako. Sanay na sanay na akong tumanggap ng sermon ni Ate Kleng lalo na sa t'wing umaga. Ito na kasi ang naging kasa-kasama ko simula pa sa pagkabata. Mas marami pa nga kaming oras na magkasama nito kumpara sa mommy ko na sobrang abala sa trabaho. Ni hindi na nga ito nakapag-asawa dahil sa kababantay sa akin kaya nama'y mahal na mahal ko ito ng higit pa sa isang yaya. "Ewan ko ba sa'yo kung bakit sinasayang mo 'yang oras mo sa kapanunuod mo ng mga K-drama na wala namang ka-k'wenta-k'wenta."

Totoo talaga 'yong tinuran ni Ate Kleng. Mahilig talaga akong magpuyat dahil sa K-drama. Nahilig ako rito dahil sa lola Claudia ko, tiyahin ng mommy ko, na super fan ng naturang programa.

"Nakakakilig kaya, Ate Kleng." Natatawang turan ko nang lumapit ako sa likod nito para kilitiin ito. "Try mo rin kayang manuod, malay mo ma-inspire ka at bigla mong maisipang maghanap ng jojowain."

"Hay naku, huwag mo na akong isali pa r'yan sa kinalolokohan mo at baka maadik din ako. Mapabayaan pa kita." Pabiro, subalit sinserong turan ni Ate Kleng. "Napaka-clumsy mo pa naman at napaka-burara kaya hindi talaga p'wedeng hindi ako nakasubaybay sa'yo."

"Aw. Ang sweet naman ng Ate Kleng ko." Turan kong niyakap ito buhat sa likod bago ko ito hinagkan sa ulo. "Love you, Ate Kleng."

"I hate you, Sese." Pabirong sabi nitong natatawa bago ito pumihit paharap sa akin para yakapin din ako. Pagkuwa'y sumimangot ako. Tumawa siya. "Biro lang. Alam mo namang mahal na mahal din kita kaya sadya namang pinagtitiyagaan ko ang kakulitan mo."

Tumawa ako.

"O siya, sige na. Bilisan mo na. Maligo ka na at baka mamaya'y dalawa pa tayong malapa ng tigre mong best friend." Turan niya na ikinahagalpak ko ng tawa bago siya pumasok sa loob ng walk-in closet ko upang ipaghanda ako ng damit.

Agad na sinalubong ang aking mukha ng maligamgam na tubig na nagmumula sa shower head. Ilang araw na rin ang nakalilipas magmula nang may nangyari sa amin ni Kuya Frio at hindi iyon mawala-wala sa isip ko. Nang makatulog siya'y agad ko s'yang tinakasan at pagkatapos ng gabing iyon ay hindi na kami muli pang nagkausap o nagkita man lang.

Love Moves In Mysterious WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon