"Gising na! Gising na!" Bungad ni James sa akin. Unang araw ko sa bahay na iyon at nalaman ko na masaya pala talagang tumira doon. Paggising namin ay nakahanda na ang mga isusuot namin para sa araw na iyon, inihanda ni itak at ng dalawang katulong sa bahay. Pagkabihis naming ay bumaba kami para kumain ng umagahan. Ang daming pagkain, parang fiesta.
Sa dining room ay may bumungad sa amin na dalawang bagong bata at nagpakilala kami sa kanila. Sina Emerson at Lia. Hindi sila magkamag-anak pero medyo magkamukha sila kaya akala namin ay magkapatid sila.
"Ako si Emerson. Eleven years old ako at ito naman si Lia 9 years old siya. Hindi kami magkapatid o magpinsan pero magkamukha kami," natawa kaming tatlo nila James at Anna sa pagkakasabi ni Emerson dahil para siyang robot sa napakaseryoso niyang tono.
Naging magkakaibigan kami agad at masaya kaming naglaro pagkatapos ng umagahan. Noon ko lang nakitang ganun kasaya si Anna habang naglalaro sila ni Lia. Pareho kasi sila ng gusto kaya nagkasundo sila.
Hanggang sa dumating ang isang araw na biglang nawala ang kasiyahan namin dahil matapos ang ilang buwan ng pagsasama naming lima ay isa-isa na kaming nabawasan.
Sa isang linggo ay may isang araw na nagbibihis kami ng mamahalin na damit at inaayusan ng maganda ng mga katulong sa bahay. Ito ay para iharap kami, sa pagkakaalam namin, sa mga gustong umampon sa amin.
Mahigit isang taon na ako sa malaking bahay at malapit na akong mag labindalawang taong gulang, pero hanggang ngayon ay wala pa ring gustong bumili sa akin. Maraming beses akong umasa dahil may mga pagkakataon na akala ko ay aampunin na talaga ako. Pero pagkatapos nilang kausapin si Boss, ibang bata ang kinuha nila.
Sa di ko na mabilang na pagkakataon, nakapila kaming muli. Sa pagkakataong iyon, dalawang lalaking mukhang hindi magkakilala ang interesadong umampon sa amin. Tinitingnan nila ang bawat anggulo namin, ang bawat parte ng aming mukha at katawan. Hanggang sa kinausap nila si Boss at mukhang nakapili na sila. Hinila ni itak si Emerson at isa pang batang lalaki. Pinapasok sa kwarto ni Boss para kausapin at makilala ng mga umampon. Pero paglabas ng kwarto,
"Ayoko!Ayoko!" Sigaw ni Emerson habang umiiyak. Ayaw niya kaming iwan, para na kaming magkakapatid, kaming lima pero wala kaming magawa dahil hindi namin kaya.
'Bakit umiiyak si Emerson? Matagal na niyang gustong may umampon sa kanya. Bakit ayaw niyang sumama?'
"Umalis na kayo! Adrian, Itakas mo si Lia! Umalis na kayo!"
Natakot ako sa sinabi ni Emerson. Sa aming lima, siya ang pinakamatanda at tinuring naming kuya. Bakit niya kami babantaan ng ganon? Anong nangyari sa loob ng kwarto?
Umalis si Emerson. Wala kaming alam kung bakit naging ganon ang mga huli niyang sinabi sa amin. Simula noon ay sinikap naming apat na malaman kung ano ba talaga ang nangyayari sa mga batang umaalis sa malaking bahay.
Nalaman namin na ipinagbebenta pala kami sa mga mayayamang tao na gustong magkaroon ng anak at sa mga pedophiles, mga taong sexually attracted sa mga batang katulad ko. Hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng kung ano iyon noon pero natakot ako dahil hindi maganda ang pagkakasabi sa amin ni Itak. Oo, si Itak ang nagsabi sa amin. Ayaw niya kasing mabigla kami tulad ni Emerson. At dahil siya lang din ang pwede naming malapitan.
"Basta huwag niyong sasabihin kay Boss na may alam kayo dahil mapapahamak tayong lahat pag ginawa niyo iyon," sabi niya sa aming apat.
Sa pagkakataong ito ang akala kong isang magandang panaginip ay nalaman kong isa palang nakakatakot na bangungot.
BINABASA MO ANG
Ang Marka ng Nakaraan
General FictionMga ideyang hindi lubos sumasagi sa isipan ko ang nakasulat sa istoryang ito. Bihira rin sigurong maisip ng karamihan. Ayoko ng love story, masyado nang masakit sa puso pag binabasa ko. Hindi ko rin alam kung bakit ito ang istoryang napili kong sim...