CHAPTER FOUR
TAHIMIK. 'Yan ang una kong impresyon sa hybrid na 'to. Wala ring ka-emo-emosyon ang mukha niya at kung titignan mo man ng diretso ang mga mata nito ay puwede na siyang ihalintulad sa isang patay. Hindi ko maisip kung anong hirap ang mga pinagdaanan niya para magkaroon ng ganoong mga mata pero isa lang ang masasabi ko, hindi naging madali ang buhay niya.
Kung titignan mo naman ang pisikal niyang anyo ay wala kang makikitang galos o pasa man, mukhang ayos naman siya maliban sa kasing payat siya ng isang babae. Mas lalo lang siyang naging mukhang binibini dahil sa buhok niyang hanggang balikat. Siguro nasa loob ang problema kaya ganoon ang mga mata niya.
Muli kong tinignan ang hybrid na katabi ko rito sa may backseat. Si Lamprey naman ang nag-da-drive habang sina Bat at Merry na kasama ko rin kaninang pumunta sa auction house ay nasa isa pang kotse.
Nasa kabilang dulo ng upuan ang hybrid at dikit na dikit siya sa may bintana. As in nakadikit na ngayon ang mukha niya sa bintana. Nagulat ako sa puwesto niyang 'yon kaya napatikhim ako. Akala ko ay naintindihan niya ang pagtikhim kong umayos siya ng upo pero hindi, nanatili siya sa ganoong puwesto. Napabuntong hininga na lamang ako. He's weird. Kung hindi sinabi ni Henry na lalaki ang hybrid na 'to ay mapagkakamalan ko talagang babae.
Dahil tinatanggal nila ang lahat ng saplot ng mga taong i-aauction nila, binibihisan lang nila ang mga ito ng bestidang telang mukhang luma na at puwede ng ibasahan. Wala ring pangyapak kaya naman kitang-kita ko ang kaputian ng hybrid na ito. Hindi siya kasing putla ng mga bampira, siguro dahil kalahati ng dugo nito ay sa tao. Ang kaputian niya ay kagaya sa balat ng mga tao.
Kung kanina ay hindi ko mabasa ang iniisip niya, ngayon ay basang basa ko ang manghang-mangha niyang mukha. Namimilog ang mga mata niya habang nakaawang ang labi. Tuwang-tuwa siya sa nakikita sa labas ng bintana na para bang ngayon lang siya nakalabas. Madilim na sa labas dahil malalim na ang gabi kaya naman hindi ko alam kung anong nakikita niya sa dilim na 'yon.
Napansin ko ang sintido niya at binti. Nawala na ang pasa ng kadena roon. Kanina nang tanggalin ang malaking kadena sa paa at kamay niya ay namasa iyon, dahil siguro sa sobrang bigat. Hindi ako makapaniwala na kinadenahan pa talaga nila ito kahit na wala namang laban sa kanila. Sa sobrang payat ba naman. Hindi puwedeng maglakad 'to kapag bumabagyo, baka liparin.
"Aniliagos Island?" Narinig kong bulong niya. Napatingin ako sa labas. Sa sobrang lalim ng aking pag-iisip ay nakarating na pala kami sa isla ko. Kakapasok lang namin sa malaking gate na kulay itim at binabalutan na ng mga berdeng halaman.
"Malapit na tayo," sabi ko. Napatingin sa akin ang hybrid kaya naman nginitian ko siya. Mukhang nagulat siya at mabilis na yumuko. Ang hirap pa rin niyang basahin, mukhang matagal pa bago ko siya mapaamo.
"Do you know Greek?" pag-iiba ko sa usapan.
"Greek?" tanong niya pabalik.
"Aniliagos is a Greek word means sunless. Magmula sa gate na pinasukan natin kanina hanggang sa pupuntahan nating isla ay hindi mo na muling makikita ang araw kaya ganoon ang pangalan ng isla na 'to," paliwanag ko. Tumango siya bilang pag-intindi. Ang hirap niyang kausapin. Parang tinitipid niya ang bawat salitang binibitawan niya. Pero kung ikukumpara ko siya kay Bat ng katahimikan ay mas tahimik si Bat.
"Ako rin mismo ang gumawa ng isla na ito para tirahan ko. Dahil bampira ako, hindi ako puwedeng magpagala-gala kapag may araw. Hindi rin ito basta-basta mapapasok ng kahit sino man ng walang pahintulot ko," dagdag ko. Muli niyang itinunghay ang ulo at tinignan ako. Kumikinang na naman ang mga mata niya.
"I-Ikaw ang gumawa?" Ramdam ko ang pagkamangha sa tono niya. Hindi ko mapigilang hindi hawakan ang tungki ng aking ilong at ngumiti. Napaiwas ako ng tingin at nag wika, "Oo ako nga. Hindi mo lang alam pero malakas ako at saka magaling."