19 - PagMAMAhal ang INAlay

2 1 1
                                    

PagMAMAhal ang INAlay
By RJVM

INAruga ka niya’t minahal magmula nang ikaw ay isilang,
Para lang mapalaki ka, buwan at taon rin ang binilang.
Hindi niya alintana ang bigat basta ikaw ay mabuhat,
Hindi niya alintana ang pagod kahit siya ay mapuyat.

INAlagaan ka niya at binusog sa kaniyang mga pangaral,
Nagkaro’n ka ng takot sa Diyos at natutuo ng mabuting asal.
Lamig ng paligid ay napapawi sa kaniyang bawat yakap,
Suportado ka niya sa lahat ng iyong mga pangarap.

INAkay ka niya at ipinakita sa’yo ang kagandahan ng mundo,
Pilit niyang pinagpaguran ang lahat, maibigay lang ang iyong gusto.
Ilang beses na siyang nasaktan ngunit hindi niya lang ipinagtapat,
Nahihirapan rin siya ngunit inililihim lang niya ang lahat.

INAlay niya’y luha, pawis at dugo para lang ikaw ay sumaya,
Iniwan ka ba niya? Hindi! Kahit kailan, hindi niya iyon ginawa.
Walang katumbas ang pagmamahal niya na hindi kayang ibigay ng iba,
Kaya sana’y iparamdam mo rin ang pagmamahal mo sa kaniya.

MAMAhalin ka niya hanggang sa huli niyang hininga,
MAMAmayani ang lumbay sa oras na siya ay mawala.
Batid mong MAMAmaalam ang ilaw pagdating ng takdang panahon,
Kaya’t habang maaga pa, sana’y MAMAlagi ka muna sa piling niya ngayon.

iRONic SeasonsWhere stories live. Discover now