2. Unang Araw ng Hunyo

59 2 0
                                    

Sa gitna ng pagbuhos ng ulan,
ako'y naglakad sa gilid ng lansangan,
nangatal sa lamig at muntik madulas,
nagmamadaling umuwi
upang maghanda sa pagsusulit bukas.
Sa hindi inaasahang pagkakataon,
may dumaang liwanag, kumulog,
puti kong payong ay nahulog,
at biglang tumahimik ang mundo
sa unang araw ng Hunyo.

Hindi ko alam kung anong nangyari─
narumihan ang uniporme kong suot,
gayundin ang payong na aking pinulot,
at ang kalsadang nilalakaran,
tila wala nang katapusan.
Nagsimula akong sumigaw
ngunit walang nakarinig,
umiyak, ngunit walang nakapansin,
tumakbo nang tumakbo,
naghintay, ngunit walang sumaklolo.

Sa katagalan, aking napagtanto,
huminto na ang oras at kalendaryo─
hindi ko na mararamdaman
ang simoy ng hangin sa Pasko
o ang init ng araw sa Marso;
hindi ko na makukuha
ang inaasam na diploma sa Hulyo
o ang matamis mong halik sa Pebrero;
at pagsapit ng kaarawan ko sa Mayo,
ako'y mananatiling labing-pito.

Sa unang araw ng Hunyo,
ako'y nakulong sa isang bangungot
at hindi na magigising pa.
Ngunit naputol man ang aking landas,
alam kong magkikita ulit tayo, bukas.
Hawak ang aking payong
na nagsisilbi kong silong,
hanapin mo ako sa dulo ng daan,
paglampas ng mga sasakyan,
sa habambuhay na tag-ulan.

(09/25/23)

Muni-MuniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon