5. Paulit-ulit na Panandalian

39 2 0
                                    

"Kumusta?"
wika ng boses mong baritono
nang iangat ko ang telepono.
"Gusto sana kitang makasama."

Saglit akong natahimik sa linya,
tapos sinagot kita ng "Tara."

Ito na naman tayo,
matapos mong mawala
nang ilang araw o linggo,
tatawagan mo ako
para muling paikutin
ang aking mundo.

Nagpaparamdam ka lang
kapag naisipan mo,
gusto mong panandalian lang
ang mga bagay sa'yo,
at tila wala kang pakialam
sa nararamdaman ko.

Walang saysay ang mga ngiti
na nilalagay mo sa aking mga labi
dahil hindi magtatagal,
papalitan ito ng mga hikbi,
aalis kang parang walang nangyari,
muli akong maiiwan sa isang tabi.

Ilang beses ko kaya
sasabihin sa sarili ko
na 'wag nang magpauto sa'yo?
Ilang beses ko kaya
kukumbinsihin ang sarili ko
na hindi na kita gusto?

Ang pag-ibig ay malupit,
hindi ko maintindihan kung bakit
nagagawa mo pa rin akong maakit─
ako'y tila isang gamu-gamo,
hinahanap ang init ng apoy mo
kahit pa masunog ako.

Ngunit para sa'yo,
siguro'y isa lang akong laruan
kaya sapat na ang paulit-ulit
na panandalian
kahit ako'y paulit-ulit
na nasasaktan.

Masaya ka ba
tuwing ako'y iyong pinapaasa?
Halos mabaliw kaiisip
kung mahal mo rin ba;
halos maging desperada
upang maging iyong sinta.

Tama na!
Ang paulit-ulit mong panandalian,
hindi ko na kaya.
Ayoko na!
Ang paulit-ulit mong kagaguhan,
hindi ko na kukunsintihin pa.

Iiwasan na kita
at sa muli nating pag-uusap,
sisiguraduhin kong iyon ay huli na.
Kaya naghintay ako,
at tulad ng inaasahan,
tumawag ka na naman.

"Kumusta?"
wika ng boses mong baritono
nang iangat ko ang telepono.
"Gusto sana kitang makasama."

Saglit akong natahimik sa linya,
tapos sinagot kita ng...

(10/28/23)

Muni-MuniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon