6. Ang Bahay na Inabandona

27 1 0
                                    

Halika, pansinin mo,
may isang bahay do'n sa kanto,
pintuan ay laging nakasara,
tila wala nang nakatira.

Mga bintana ay may takip,
liwanag ay hindi makasilip,
walang makitang paggalaw,
pundido lahat ng mga ilaw.

Sahig at dingding ay kumupas,
binalot ng alikabok ang buong salas,
lumuma ang mga gamit na naiwan,
may taklob at bakante ang mga upuan.

Natuyo ang banyera sa may banyo,
walang pag-agos mula sa gripo;
naglaho ang apoy sa kalan ng kusina,
mga pagkain ay napanis at nasira.

Kama sa kwarto ay lumamig,
walang paghingang maririnig,
napawi ang mahimbing na mga idlip,
tuluyang naubos ang mga panaginip.

Lumipas ang mga araw at buwan,
tumigil sa pagtakbo ang orasan,
natapos ang tawanan at kwentuhan,
sa paglisan ng pamilya at mga kaibigan.

Bigyan mo ng pansin,
at paminsan-minsang isipin─
pa'no kung meron pang nakatira
sa bahay na inabandona?

(06/26/24)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 30 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Muni-MuniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon