3. Bakit Hindi?

64 2 0
                                    

Isinulat ko ang tulang ito
para sa isang duwag na tulad mo─
takot sumugal sa pag-ibig.

Ikaw na ayaw mawalan ng piso
kahit ang premyo ay isang libo,
ito ang tanong ko sa'yo:

Bakit hindi mo subukan
kumatok sa aking pintuan
kaysa patuloy maglakad sa daan?

Bakit hindi mo ako sabayan
tumalon sa isang bangin
upang makalipad tayo sa hangin?

Bakit hindi mo ako samahan
ipanalo ang isang laban
kaysa mag-isa akong masugatan?

Bakit hindi mo ako hawakan,
aminin ang iyong nararamdaman,
at pigilan akong lumisan?

Huwag ka sanang magsisi
kapag dumating ang panahon
na may ibang tataya para sa'kin.

May hihinto sa aking bahay;
may sasalo sa dulo ng bangin;
may gagamot sa aking mga sugat.

At kapag hiningi niya ang aking kamay,
mapapaluha ako nang may ngiti,
at sasagutin ko siya ng, "Bakit hindi?"

(09/28/23)

Muni-MuniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon