4. Ang Pelikulang may Aso

37 2 0
                                    

Sa katahimikan ng gabi,
umupo ako sa bakanteng sala,
at sa aking pagmumuni-muni,
naisipang manood ng pelikula.

Ang kwento ay tungkol sa isang aso
at kanyang amo.

Ang inosenteng aso,
dumating siyang isang regalo
sa buhay ng kanyang amo
at ito ang itinuring niyang mundo─
tuwing mag-isa,
mukha nito ang madalas niyang isipin,
at tuwing tahimik,
boses nito ang madalas niyang hanapin.

Ang kanyang amo,
sa umpisa'y maayos siyang tinrato,
buong atensyon ang kanyang natamo,
at wala na siyang mahihiling pa.
Ngunit sa pagdaan ng mga buwan
sa ibang bagay na ito naging abala,
at ang ipinakitang pagmamahal
saglit lang pala ang itatagal.

Sa tuwing umaalis ang kanyang amo,
lagi niya itong hinahabol
ngunit hindi na ito lumilingon
upang magpaalam gaya noon,
at umuuwi na lang ito sa kanilang bahay
kapag ang araw ay lumubog na,
kapag nais nang magpahinga,
at wala nang ibang makasama.

Ngunit ang aso,
sumasalubong pa rin nang walang palya,
amo'y bibigyan ng mga halik
kahit pa ito ay magalit.
Makita lang itong umuwi,
bumabalik ang kanyang saya,
nabubura sa isip ang mga sandali
na naiwan siyang mag-isa.

Dumating ang isang umaga,
kanyang amo'y nagbitbit ng mga maleta,
muling umalis nang walang pasabi,
at naiwan na naman siya sa isang tabi.
Matiyagang hinintay ng aso
ang gabing babalik ang kanyang amo,
ngunit ang pintong sinara,
hindi na muling bumukas pa.

Pinatay ko ang telebisyon,
pinunasan ang aking mga mata,
at napatingin sa katabing upuan
na wala nang umookupa.

Nalulungkot talaga ako
sa mga pelikulang may aso.

(10/11/23)

Muni-MuniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon