Paano kung ramdam ko talaga ang pag-iisa?
Na kahit pilitin ko rin na makisabayan sa daloy ng pakikitungo ay ako ang laging naiiba?
Napadpad na ako sa gitna ng libu-libong tao,
Bawat gawi ng aking mga mata ay kaniya-kaniyang mga kamay at abalang mga bibig na di ko kalkulado
Hindi ko malaman kung tama bang nabibilang ako sa palibot na ito?
Para akong sinasakal at yinayakap ng lamig ang mga katawang tila natuod sa pagkapako
Wala na akong natirang enerhiya,
Nagbabakasakali na lang na walang lumapit para makipag-usap pa
Nahihilo ako ng sariling katahimikan,
Pawang pagtipa lamang sa cellphone ang makakagamot ng sandamakmak na bagabag sa pagbabanatan
Patuloy ang paglunok ng laway sa natuyong lalamunan,
Iniiwasan ang mga kakilala na makatitigan
Ayokong mapansin nila na tila isa akong tuta na napag-iwanan
Ayoko ng awa na magsisilbing pangpuntirya sa aking kahinaan
Ayoko rin na pagtawanan sa aking kaugalian,
Ayoko lang na may mga tinging kinakabisa ang bawat galaw na may kalimitan
Hindi ko naman binalak na hindi makipag-kaibigan
O wala akong paki-alam dahil sa pagmumukha kong nagpapahiwatig ang kamalditahan
Gusto ko rin maging madaldal tulad ng iilan
Na madali lamang paandarin ang daloy ng katuwaan
Hindi madaling walang naiisip na sasabihin,
Kung naipanganak na likas na mahiyain
Hindi rin madaling suspetsahan bilang pipi,
Nakasanayan lang na naghahanap ng koneksyong hindi tinatanggi
Ang aking pagkatao ay mistulang nagdadala ng pangit na presensya,
Hindi malambot at hindi rin paboritong kasama
Pinagtitiisan, pinagpipilitan, at tinitipid ang tabas ng pananalita
Sapagkat, negatibo ang hawak na resulta
Napaka-hirap makibagay sa grupo
Kung sa una't sapol ay hindi naman nabibilang
Dahil kahit anong pagtatanto,
Tiyak na magiging anino sa likod ng libu-libong tao lamang
BINABASA MO ANG
Makata
PoezieTuwing may mga naglalarong pangungusap sa isip mo hayaan mong ilapat sa papel. Mag-iiwan sila ng mensahe sa mambabasa mo.