alaalang hatid ng unan

3 2 0
                                    

Alas diyes ng gabi, naiwan na naman akong nakatingin sa tala habang ninanamnam ang kapayaan ng hangin. Patuloy na naman sa pag-ikot ang isip, hindi matahimik ang mga tanong na bakit at paano.

Bakit may pangungulila sa isang bagay na hindi mawari kung ano. Nananabik mahawakan ang isang init na hindi ko maipaliwanag kung ano at sino.

Nananatili akong nakakulong sa isang bagay na hindi ko alam kung paano nakatakas. Nakapapagod tumakbo nang hindi naman umuusad. Nakasasawang lumaban sa isang bagay na hindi mo naman laban.

Nauubos na rin ako habang nakatitig sa kandilang nakasindi sa lamesa; hinihintay na maupos ang sindi habang patuloy pa ring naghihintay sa paligid.

Ano ba ang hinihintay ko?

Ano nga ba ang bagay na patuloy kong inaasam na mahawakan muli?

Baka ang hawak ng isang may malasakit o ang yakap na nagpapawi sa pagod sa aking isip? Hindi ko na alam...

Nasasaktan ako.
— hindi ko lang alam kung bakit patuloy sa pagkadurog.

May pangako tayong iniwan sa karagatan, iyon ang patuloy na paglaban.

Hindi mo naman sinabing sa dulo pala'y ikaw rin ang mauunang lumisan. Lumalaban pa ako nang bumitaw ka at ako ay sinumulang talikuran.

Naintindihan ko, mahal... pangako, ayos lang.

Hindi mo kailangan pumili sa akin at sa kapayapaan. Kung ang paglisan mo ang gamot sa sugat sa puso mo, ayos lang.

Pero baka p'wedeng bumalik ka na...
nandito pa rin ako, naghihintay sa pagbabalik ng dating tayo.

Ilang taon man 'yan, ayos lang, alam kong sa huli ako pa rin.

Ako pa rin, gaya nang ikaw pa rin sa akin.

Hinihintay kita rito sa tagpuan kung saan mo ako iniwan. Hindi pa ako lumilisan, mahal, gaya nga ng pangako na hindi ako aalis nang wala ka.

Kaya ko pa... kahit taon ang lumipas.
— pangako sa'yo ay hindi kukupas gaya ng larawang nabasa na ng ulan at luha.

Sa'yo pa rin ako.

Matapos naman ang laban, babalikan mo 'ko. Matapos no'n ay sabay na tayong maglalakad sa bagong lugar. Hindi na tayo aalis nang may maiiwan.

Iniabot ko sa'yo ang aking kamay kasabay ng liham na sinulat bawat araw na wala ka. Nakasulat sa papel ang lahat, mga alaalang bumuhay sa'kin habang wala ka pa.

"Tahan na, hindi mo naman kailangan lumuha mag-isa... narito pa ako." bulong mo sa akin, isang tinig na matagal kong inasam na marinig muli.

"Halika na, mahal. Tahan na, ako naman ang susugal."

Naramdaman kong muli ang yakap na hinihiling ko, mainit na yakap at magpupunas ng luha sa aking pisngi.

Tatahan na ako, basta 'wag ka nang lilisan.

Sa isang gabing malamig, ikaw na naman ang yumakap sa akin. Kay tagal ko ring hindi naramdaman 'tong yakap ng tahanan.

Sa iyong yakap, ipapahinga na ang pusong sumugal.

Ngunit pagsalubong sa'kin ng araw, wala ka na naman. Ako na naman ang naiwan. Walang bakas mula sa iyo, wala ring yakap at ngiting sumalubong sa akin.

Paano nga ba ngingiti sa akin ang alaala... nakakatawang isipin na sa alaala na lang ako bumabalik habang iniisip kung may babalik pa bang ikaw.

Hindi mo pala yakap ang naramdaman, hindi amoy ng tahanan ang nangyari... isa lamang alaalang nakatatak sa iyong unan.

Hindi na pala ikaw ang nagpatahan sa'kin, ito na lamang ang alaala mong iniwan sa'kin.

Isang unan na sumasalo sa bawat luhang dinulot mo sa akin nang tumalikod ka sa pangakong pinanghahawakan.

Iyon na lang ang mayroon ako sa pagbabalik mong walang kasiguraduhan; ang mga alaalang hatid ng unan.

Like A Stardust Where stories live. Discover now