Ulan

1 1 0
                                    

Naalala mo pa ba, mahal, kung saan tayo nagsimula?

Malinaw pa ba sa alaala mo ang una nating pahina?

— ang unang pagtatama ng mga mata, ang unang ngiti, ang unang pag-uusap?

Malinaw pa ba sa'yo ang lahat gaya nang alaala ko sa nakaraang iniingatan ko?

Mahal, naalala mo pa ba? Ang unang hawak mo sa kamay ko? Nakakatawang isipin kung paano manlamig ang kamay mo habang hawak ako.

Mahal, naalala mo pa ba?

Ang unang sayaw natin na naganap sa ilalim ng lumuluhang ulap?

Musika natin ang tunog ng pagtama ng tubig sa dahon at kalsada. Ang bawat ngiti natin noon; ang tawanan at kulitan habang patuloy sa pagsayaw kasabay ng ritmo ng hangin at ulan.

Ang bata pa natin noon pero malinaw na sa atin ang nararamdaman natin para sa isa't isa. Sabi nila walang patutunguhan ang maagang pag-ibig, pero pinatunayan mong marunong maghintay ang tunay na pagmamahal.

Salamat, mahal, hindi ka sumuko noong ako ang sumusuko sa ating dalawa. Salamat dahil lumaban ka nang muntik na akong bumitaw.

"Pangako, sabay tayong sasayaw sa ilalim ng ulan."

Ito ang pinangako natin sa isa't isa. Mula noon natutunan kong mahalin ang ulan. Natutunan kong pahalagahan ang bigat at lungkot, maging ang kapayapaan na hatid ng ulan sa atin.

Mahal, ikaw ang ulan ko.

Ang kapayapaan ko sa gabing hindi ako dinadalaw ng antok. Ikaw ang pahinga ko mula sa nakakapasong buhay na kailangan nating ipagpatuloy.

Lumaban tayo.

Magkasama.

Ikaw. Ako. Tayo.

Hindi mo ako binitiwan. Hindi rin ako bumitaw.

Bumagyo man, alam kong ikaw pa rin ang magsisilbing liwanag ko sa gitna ng gabi.

Naalala mo rin ba?

Kung paano ako umiyak sa gitna ng ulan nang akala ko'y iiwan mo na ako.

Akala ko, pagod ka na rin gaya nang pagkapagod ko sa sarili ko.

Mahal, salamat dahil hindi ka bumitaw kahit ako na ang nagsisilbing tinik at tanikala na nagkukulong sa'yo.

Pangako, babawi ako.

Hindi man ngayon, baka bukas p'wede pa.

Pangako.

Sa susunod, ako naman ang magmamahal nang mas wagas.

Bukas, mahal, ako naman ang hahalik sa noo mo at ako naman ang bubulong sa'yo kung gaano kita kamahal; kung gaano ka kalakas para ipaglaban ang isang mahinang gaya ko.

Mahal... makababawi pa naman ako, hindi ba?

O,

Baka hindi na maari bukas?

Ah...

Hindi na nga pala maari.

Dahil nga rin pala sa ulan kaya ka nawala sa akin.

Mahal, minahal ko naman ang ulan pero bakit ito rin ang bumawi sa'yo mula sa akin?

Mahal, pangako mong sabay tayong magsasayaw sa ulan, bakit mo naman ako iniwan habang umiiyak ang kalangitan?

Paano na ako, mahal? Saan ko hahanapin ang kapayapaan sa gabi kung sa buhos ng ulan, ikaw pa rin ang naaalala ko.

Pag-ibig nating nagsimula sa ulan, sa huli'y ulan din pala ang tatapos.

Mahal... baka maari pang humiling na bumalik ka rin gaya nang pagbabalik ng ulan at muling hahalik sa lupa?

Mahal, bumalik ka na.

— sumabay ka sa pagdating ng ulan upang kalmahin ang puso kong humihiyaw sa sakit nang mawala ka sa akin.

Umuwi ka na sa'kin, mahal.

— umuwi ka na sa'kin gaya nang pagsamo ng ulan sa halaman sa hardin na ikaw ang nagtanim.

Mamahalin na kita nang higit sa takot.

Aalagaan na kita nang higit sa pagod.

Basta lamang bumalik ka rin gaya nang ulan sa dapit hapon.

Mahal, babalik ka pa ba?

— gaya ng ulan na sabi mo'y hindi matatapos?

Like A Stardust Where stories live. Discover now