Payong

0 0 0
                                    


    Ako ang iyong kalasag, laban sa nakakapasong sikat ng araw at malamig na buhos ng ulan. Kahit hangin ay subukin akong hamakin at baliin, pangakong poprotektahan parin kita. Hindi ako pagagapi sa bagyo o kahit na anong unos, dahil ako ay mananatiling kalasag mo ano mang panahon.

  Ako ang iyong kalasag, laban sa mapanakit na riyalidad at mapangaping lipunan. Handa kitang itago mula sa nakakatakot na kadiliman at maging sandata mo sa mga halimaw sa kagubatan. Tatakpan ko ang mga luhang kumakawala sa iyong mga mata, at hindi ko hahayaang may makakita sa mga sikreto at nakaraan mong ayaw mong malaman ng iba. Ako ang magiging harang mo mula sa mga sakim na tao, at magiging pader mo upang ibukod ka sa mundong hindi mo gusto.

Ako ang iyong kalasag, laban sa mga alaalang gusto kang  saktan at sa nakaraang gusto kang pahirapan. Ako ang iyong magiging suporta sa maputik na daan, at tungkod sa mahabang lakaran. Handa kitang alalayan sa pagtahak mo sa kinabukasan, ngunit sa panahong ako ay nanghina at nawasak ako ay iyong iniwan at mabilis na pinaltan.

    Ako ang iyong kalasag na handa kang ipaglaban at protektahan, ngunit sino ang handang maging aking kalasag sa panahong ako naman ang mangailangan?

Midnight Thoughts (Prose And Poetry)Where stories live. Discover now