Chapter 2

15 4 16
                                    

Maraming nagsasabing swerte daw ako dahil kaibigan ako ni Cassandra. Marami kasing gustong makipagkaibigan sa kanya. Pero halata mo namang iba ang motibo. Dahil nga matunog ang pangalan ni Cassandra sa campus, gusto rin nila matunog mga pangalan nila.

"Beshy, kain tayo fishball," aya ni Cassandra matapos ang last subject namin.

Nung una talaga, hindi ko rin alam kung paano ko siya naging kaibigan. Dahil una, hindi ako sanay makipagkaibigan sa mga babae. Pangalawa, sanay akong mag-isa. Ayoko sa maingay, ayoko sa matanong, ayoko sa mahilig mangialam sa trip ko sa buhay.

"Kamusta 'yong filming niyo, besh? Ayos naman ba?" 

"Sakto lang. Ayos naman kasama si Leo kaya 'di kami nagre-retake," sagot ko.

Totoo 'yon. Ako lang ang awkward sa amin dahil hindi ako sanay na kinikilig unless si Cassandra ang kinakikiligan ko. Hindi pa nga halata minsan dahil hindi ako marunong magpaka-cheesy sa isang tao.

Naabutan naming medyo puno ng mga estudyante ang street food stall pag labas namin ng university. Hapon na rin kasi. Halo-halo pa 'yong mga estudyante dahil katapat lang ng school namin ang Alpas National High School.

"Kikiam lang sakin," sabi ko agad kay Cassandra.

Ngumiti naman siya bago kumuha ng baso. "I know."

Habang ako, pasimpleng kinurot pa ang sarili dahil sa ngiti niya. Parang tahimik ko tuloy na t-in-otorture ang sarili ko dahil hindi ako makangisi nang maayos ng hindi siya magtataka. Pero alam kong alam niya ang nararamdaman ko.

"Ang init," reklamo niya habang tinatabunan ang noo na may hawak na stick.

Hinawakan ko naman ang kamay nyang 'yon para pigilan. Napalingon siya sakin. "Bakit, besh?"

"Baka matusok ka sa mata."

Tinanggal ko naman ang strap ng bag ko sa isang balikat at binuksan ang zipper para kunin ang payong sa loob nito. Malawak naman ang street food stall pero maliit ang bubong kaya exposed sa init kaming mga estudyante. Pagbukas ko, pinayungan ko kaming dalawa.

"Thank you, beshy."

Nang matapos siyang pumili ng para sa kanya at para sa akin, umalis na kami sa siksikan. Kung may isang bagay man ako na paboritong gawin kasama si Cassandra, iyon ay ang maglakad kasama siya pauwi. 

"Sa tingin mo, mahi-hit kaya natin objectives natin for Valentine's Day?" biglang tanong niya.

I always felt at peace whenever I was with her. Maihahalintulad ko siya palagi mga ulap na kahit hindi ko maabot—titigan ko palang—gumagaan na ang pakiramdam ko. 

Tumango ako, hindi pa nakakain ang kikiam dahil pinapayungan ko pa rin kaming dalawa. "'Yong classroom competition ba, inaalala mo rin?"

Umiling siya. "Somehow, hindi. Ito kasi 'yong unang beses na nag-isip tayo ng idea na outside the box tapos sinakyan pa ng mga kaklase natin. Kaya excited ako kasi ang tanong doon . . . . how do we portray love? And how do other people perceive it?"

Kakaiba kasi ang ginawa namin para sa taong ito. Although, medyo ngarag lang sa oras pero buti na lang supportive rin ang adviser namin. Kung pakikinggan imposible. Kasi kailangan pa namin maghanap ng mga couples para interviewhin tungkol sa relationship nila tapos i-invite namin sila as an art. Kumbaga, may mga magpipinta sa kanila sa classroom namin tapos 'yon ang i-exhibit namin. Then, nakalagay doon sa likod ng painting ang mga sagot nila tungkol sa relationship nila.

"Ikaw ba, how do you perceive love? Say, sa inyo ni Sir Jericho?" tanong ko sa kanya nang tumigil kami sa Alpas Dam.

Tahimik tulay ng Alpas Dam. Wala kasi masyadong sasakyan dito sa Alpas maliban sa mga tricycle at pati na rin sa mga bisikleta na ginagamit ng mga estudyante. Pero kami ni Cassandra, más prefer namin ang maglakad dahil marami kaming napag-uusapan.

Nagkibit-balikat siya. Pinahawak ko sa kanya saglit ang baso ng kikiam ko at sinarado ang payong dahil wala ng init. Tapos, nilagay ko na ito sa bag ko.

"Unrequited love? 'Yong strong personality ni Jericho, hindi nagku-complement sa soft heart ko," sagot niya.

"Sino ba nagsabi sayong soft-hearted ka?"

Nanlaki ang mata niya at medyo umawang ang labi niya. "Ay, grabe! So, hindi pala ako soft-hearted? So, ano ako? Maldita?"

Humalakhak ako. "Hindi ka na talaga mabiro." Sinimulan ko nang kainin ang kikiam.

Natawa na rin siya. Nang humupa ang tawanan, nangibabaw ang katahimikan sa pagitan namin na halos tibok na lang ng puso ko ang tanging naririnig ko.

"Gustong-gusto mo ba talaga siya?" wala sa sariling tanong ko.

"Hmm . . . . hmm . . . ."

Nakita ko sa peripheral vision ko na tumango siya. Nilagay niya pa ang buhok niya sa likod ng tainga niya. Sabay ngiti na parang tanga.

"Kailan ko kaya mararamdaman ang ganyan kasaya, ano?" sabi ko sabay tawa. Syempre, nadala na do'n ang sakit ng pakiramdam.

"'Yong mga gusto ka naman, ayaw mong gustuhin. Sumusuko na lang talaga sila sayo," aniya.

Kasi ikaw ang gusto ko.

"Ibig sabihin lang no'n, sa una lang sila magaling. Kasi hindi nila kayang panindigan ang pagpu-pursue nila sakin." Tiningnan ko siya. "Ikaw ba? Kaya mo bang sukuan si Sir Jericho?"

"Hindi ko pa nga nasusubukan," bumuga siya ng hangin. "Susubukan ko muna bago ko malaman kung dapat ko bang sukuan."

Sana lahat. Sana ako na lang si Sir Jericho para naman nararanasan kong maramdaman kung gaano mo ako kagusto.

Inggit ka na naman? sabi ng utak kong walang ambag. Hindi ka pwede maging si Jericho. Kasi kung naging ikaw siya, hindi mo na gugustuhin ng ganito si Cassandra. Kaya maging si Angel ka lang.

Ginulo ko ang buhok ko. "Ang hirap magmahal. Parang ayoko na lang."

Natawa siya. "Makapagsalita ka, beshy. May minamahal ka na ba?"

Natigilan ako tapos umangat ang mga mata ko sa mukha niya para mas matitigan siya.

"Ikaw."

Unti-unting nawala ang ngiti niya at napalitan ng pagtataka. Habang ako, ang dami pa ring tumatakbo sa isipan ko. Isa na doon ang "bakit kasi hindi pwedeng tayo na lang?" at ang "bakit sa dami ng pwede kong magustuhan—ikaw pa?"

Kaso para akong hinila pabalik sa realidad nang sabihin niyang, "Huh? Anong sinabi mo, beshy?"

Nanlaki ang mga mata ko sabay hampas sa bibig ko.

"Uh, ano—ang sabi ko—ikaw . . . . ikaw ang chismosa mo. Ikaw ang pinag-uusapan natin dito tapos isisingit mo 'ko," tapos tumawa ako na nauwi sa pag ngiwi.

Shet.

"Uhm . . . . uwi na tayo?" aya ko sa kanya.

Pero hindi na siya gumalaw sa kinatatayuan niya kaya kinabahan ako. Maraming ibig sabihin ang pagtahimik ni Cassandra. Sa ilang taon naming pagkakaibigan, halos kabisado ko na siya. Dalawa lang naman 'yan, napuno na siya sa isang bagay o wala na siyang masabi.

Kaso alin doon?

Ang tanga naman kasi, Angel. Isingit ba naman daw 'yon?

"Beshy," malumanay na tawag ko sa kanya.

Akala ko, hindi pa rin siya gagalaw nang talikuran niya ako bigla. Tumaas naman ang balahibo ko sa kaba.

"Tara, uwi na tayo."

Shemay, may nasabi ba akong mali?

Bite of an AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon