"Pa, nakauwi na ako."
Kumunot ang noo ko nang mapansing hindi ako sinalubong ni Papa. Walang tao sa sala pati na rin sa kusina namin pero may mga pagkain na doon na mukhang kakaluto lang dahil umuusok pa ang kanin. May mga nakahanda ring plato na pang dalawahan.
"Nasaan si Papa?" takang tanong ko sa sarili.
Bumalik ako sa sala tapos binaba ko lang 'yong bag ko bago ako lumabas ng bahay. Medyo madilim na dahil five p.m. na rin natapos ang program ng Valentine's Day.
Nanalo pa nga kami ng best classroom preparation and people's choice awards for classroom booth. Nanibago raw kasi ang school sa concept namin. First time raw may gumawa ng exhibit for Valentine's Day. Dahil pwede rin ang mga outsider sa program namin — medyo dinumog ang exhibit namin.
"Umuwi ka na. Nandyan na si Angel," narinig ko ang boses ni Papa mula sa likurang bahay namin.
Tumaas ang kilay ko. Sinong pinauuwi nito? Pero lumawak din ang ngiti ko. No'ng mga nakaraang linggo kasi hindi kami halos mapang-abot ni Papa sa sobrang busy ko. Madalas, gumigising ako sa umaga na preparado na ang lahat. Nag-iiwan na lang siya ng sticky notes sa ref namin na sinasabing natulog na siya after niyang i-prepare mga gamit at pagkain ko.
May part sa akin na nata-touch dahil sa efforts ni Papa para sa pagiging disney princess ko sa buhay niya. At may part na I feel bad dahil kailangan niyang gawin lahat para sa akin 'to.
Wala rin kasi akong kapatid. Only child. Tapos may mother issues pa. Insert laugh sound effects. Hindi na rin naman ako naiinggit dahil tanggap ko nang hinding-hindi ako magkakaroon ng ganoong piece sa buhay ko. Si Papa lang, kumpleto na ako.
"Kailangan ko siyang makita, Arch. Gusto kong makita ang anak ko—"
Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ang boses na 'yon.
"Ayaw ka niyang makita, Elaine. Masasaktan na naman si Angel dahil alam niyang hindi ka rin naman magtatagal dito. Huwag mo naman nang saktan ang anak ko," pagmamakaawa ni Papa.
Kumuyom ang kamay ko sa laylayan ng damit ko. Bakit siya nagmamakaawa? Bakit kailangan na naman niyang lumuhod para sa babaeng 'yan?
"May karapatan rin ako sa anak ko, Arch. Magulang din ako ni Angel," may conviction sa boses niya. "Hindi mo naman dapat siya pinagdadamot sakin. Nanay niya pa rin ako."
Patagal nang patagal bumibigat ang paghinga ko. Nandito na naman ang takot sa puso ko. Kahit malawak naman ang espasyo ng harap ng bahay namin at may nalalanghap akong hangin — parang biglang sumisikip.
"Ang sakit mo naman magsalita, Elaine. Hindi ko pinagdadamot sayo ang anak natin. Hindi ko rin naman nakakalimutan na ikaw ang ina niya. Pero hindi mo matatanggal sakin na naaawa ako sa anak ko. Nasasaktan ako para kay Angel," nabasag ang boses ni Papa pero pilit niyang niraraos ang gusto niyang sabihin sa babaeng 'yon. "Tuwing gabi, walang kupas simula nung iniwan mo kami — napapaginipan niya 'yong araw na iniwan mo kami para sa kapatid ko. Anong gusto mong gawin ko? Patuloy ko siyang saktan? At patuloy na magpanggap na ayos lang ang lahat basta't kumpleto ang pamilya natin?"
"Huwag mong gamitin sakin 'yan, Arch. Si Angel lang ang kailangan ko. Hindi ikaw. Wala akong pakialam kahit hindi na tayo mabuo. Dahil una palang, alam kong alam mo ng si Ace ang mahal ko. At hindi mo ako mapipigilang kitain ang anak ko," diin niya.
"Kahit kailan talaga, napaka selfish mo," hindi ko na napigilan ang sarili kong magpakita sa kanilang dalawa. Nanlaki ang mata ni Papa at agad na lumapit sa akin at hinarangan ako para hindi ko makita ang babaeng 'yon.
BINABASA MO ANG
Bite of an Angel
Novela JuvenilLOVE MANIFESTO SERIES 5 [COMPLETED] Hindi ba talaga pwedeng mahalin tayo pabalik ng mga taong minamahal natin? *** Matagal nang tanggap ni Angel Tan na kakaiba siya sa lahat ng mga babaeng inaasahan ng madla. Mas gusto niya ang laruang baril kaysa s...