Prologo

10 0 0
                                    

"Ma?"

"Ma?"

"Ma?" tawag ng tinig ng isang batang lalake. Mahangin at matinis ang paglabas nito sa bibig niya. Parang sirenang nagsasalita sa ilalim ng tubig o boses ng santo ang pagbigkas nito. Katulad ng isang panaginip, magulo ang pakiramdam na nabibigay nito.

May pagkadilim ang paligid dahil ilang minuto nang nakalampas ng alas sais ang oras at parang ayaw ng mga mata ni Michelle na tuluyang mamulat, parang kalahating dilat kaya madilim. Nakatingin sa lupa at sa mga palad nitong namumuti, nagkukulang sa dugo. Makikita ang parang usok na namumuo sa bawat paghinga niya. Katulad ng lapag ay nilalamig si Michelle na nakaluhod dito. Ang sementong di niya kayang ipahiwatig kung basa ba at natutuyuan na ng ulan o nahahamugan lamang.

Ang mahinang asul ng kalangitan at ang kalat-kalat na mga ulap na hinay-hinay na nagpapalit mula sa bulak patungong kulay ng usok sa himpapawid ay nakatingin lamang sa nakayukong si Michelle na mabagal na inaangat ang mukha. Ang mga hibla ng buhok na hindi nasusuklay ay tinatabunan ang pisngi niyang namumutla rin, sa gupit nitong hanggang balikat at maikli ang sa harapan at lampas tainga lamang, wolfcut kung tawagin. Ang kilay nitong may konting kapal na nasa ibabaw ng mata nitong matalim kung tumingin kahit ito'y hindi galit. Sa nakukuba nitong likod ay mukhang pagod ang dalagita.

Humarap lang sa kawalan si Michelle, walang pwersa sa kilay o sa bibig. Tila walang matitigan na kahit ano dahil parang isang walang katapusang patag ng semento ang nasa harapan niya. Ang paghinga nitong mabigat ay nagpapalakas ng pagbuga ng parang usok sa kanyang bibig. Hinay-hinay niyang inalsa ang dalawang mga kamay para bigyan ng init na nanggagaling sa mga palad niya ang kanyang mga braso. Hinagod niya ito ng hinay-hinay para maramdaman ng mga dulo ng kanyang mga daliri ang bawat hibla ng kanyang mga balahibo na tumtayo sa lamig.

Sa kabila nitong lahat ay napansin niya ang singsing na nasa kaliwang palasingsingan niya. Ang kintab ng walang disenyong kulay-abong singsing ay mahina dahil sa mga gasgas nito. Hinimas niya ito gamit ang dalawang daliri.

"Ma?!" biglang may lumapit na tinig sa kanyang kaliwang tainga. Tinig na nanggagaling sa batang dahilan ng pagkabigla niya. Lumingon siya kung saan niya narinig ang boses na nagpadilat ng maayos sa kanyang mata. Ramdam ang kaba at takot. Ang pagbulong dito ay parang isang panggagagad lamang ng kung ano mang elementong hindi niya nakikita. Isang bulok na amoy ang sumunod pagkatapos ng pagbulong sa kanyang tainga. Nakakasukang amoy ng mga nabubulok na karne, marahil nanggagaling sa bunganga ng kung ano mang bumulong sa kanyang tainga. May paghiging ng mga langaw ring sumunod at mabilis na nawala.

Sa paglingon niya'y biglang lumitaw ang isang nasusunog na bahay sa kanyang harapan, ngunit wala ang kung anumang pinanggagalingan ng tinig ng bata. Ang dalawang palapag na kahoy na bahay ay mas napapabilis ang pagsunog dahil sa pagkaluma nito, mga kinakalawang na mga mwebles at inaanay na mga pader. Bigla niya ring napagtanto ang paglitaw ng mga bahay at imprastruktura sa paligid. Sa biglaang pagpalit ng lugar na kinatatayuan niya ay nasa gitna na pala siya ng isang seksyon ng mga skwater. Ang kalat ng basura ay kung saan-saan, at walang ayos ang lahat. Sa mga kabahayang nasa harapan niyang magulo at nagdidikit-dikit at gawa lamang sa mga materyales na madali masunog. Malaki nga lang ang agwat ng bahay na nasusunog sa mga nakapalibot na residensya ng iskwater dahilan upang hindi kumalat ang apoy, nagiisang walang kadikit na bahay ang istrukturang kinakain nito. Pagkabigla lamang ang makikita sa mga mata ni Michelle, nanlalaki sa kaba.

Nararamdaman niya ang mahinang pagdampi ng apoy sa kanyang pisngi. Sa pagpawi nito sa lamig na kanyang nararamdaman ay humalo ang kaba at pagtataka. Nagtataka siya kung ano nga ba ang tunay na nangyayari ngayon. Ang init na ito'y parang kumukurap. Temperaturang parang naglalaro sa harapan niya dahil sa kada segundong palitan ng lamig at init na nanunuot sa kanyang mga balat. Dinampi niya ang mukha niya sa patuloy na pagtataka. Sa maingay na paglangutngot ng apoy ay makikita ang parang mga alitaptap na umaakyat sa himapapawid. Maririnig rin ang ang mabagal at mahinang sigaw na umaalingaw sa paligid, mga sigaw ng pasakit na parang hangin ang dating sa tainga ni Michelle. Mga multo nga ba ito o ang mga taong nasusunog sa loob ng bahay?

Hindi niya masyadong matukoy kung ano nga ba ang mga ibinibigkas ng mga nagsisigawang tinig na ito dahil parang nakalutang sa ere nitong mga tinig ngunit nahahagilap niya ng kaunti ang mga mahinang "Tulong" ng mga ito.

Unti-unting natutumba ang mga parte ng bahay, ang sahig ng ikalawang palapag, ang mga barakilan at ang kisameng manipis.

Humalo sa pagkalam ng apoy ang paghuni ng pagwakwak sa paligid. Sa pagtingala niya ay ang mga uwak na umiikot sa bahay. May mga dumapo naman sa lupa at sumama sa kanyang manood ng nasusunog na bahay.

Bumaling sa kaliwa si Michelle, sa isang uwak na malapit sa kaniya. Habang minamasdan lang niya ito habang ito'y nakatingin sa kaniya, madalas na tinatabingi ang sariling leeg nito habang nakatingala sa kaniya ay may dumapo naman sa paanan niyang isa pang uwak.

Pagtingin niya dito ay tinutuka ng uwak ang isang putol na duguang daliring may singsing.

Tiningnan niya ang sarili niyang kamay at nakitang putol na ang kanyang daliri at umimik ng bahagya bago tuluyang napasigaw.

Nagising siya...

AlaSais : Nightfalls at Six (Unfinished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon