Kabanata Anim

2 0 0
                                    

MICHELLE VI

Ang araw ay nagtatago na't ang mga bahay sa buong Lingana ay hindi na nagpapalabas ng mga tao. Mga pinto'y nakakandado na sa gabi at mga bintana'y sarado na. Kung hindi pa tulog ay kadalasang nanonood na lang muna ang mga ito ng telebisyon para maantok ang mga sarili't matunawan sa kanilang mga hapunan.

Ganoon rin ang ginagawa ng mga Joaquin sa loob ng kanilang bahay. Habang pinepwesto ni Iling pabalik sa lagayan ang mga pinatuyong mga baso't plato na ginamit sa hapunan at ang fridyider ay inayos na't pinosisyon katabi ng daanan deretso sa kusina, si Maye naman ay tahimik na nagdarasal lamang sa kanyang kwarto, kaharap ang altar na may nakasinding kandila na nagiisang nagpapaliwanag ng kanyang mukha't patay ang ilaw sa kanyang nakasaradong silid.

"Ngayon, ang karinderya ni Matet na nagumpisa sa simpleng kainan malapit sa dagat ay nagkaroon na ng mga branches na kalat sa buong Luzon," anya ni Winnie Cordero sa pinahinang volume ng telebisyong kinatutuwaan ni Angge.

Sapagkat ayaw ni Angge na maistorbo ang kanyang nagdarasal na ate pero gustong patuloy na makinig sa mga pinapakitang umuunlad na negosyong finifeature sa balita ay malapit ang kanyang mukha sa maliwanag na screen ng telebisyon habang pinapanatiling mababa ang volume nito.

Si Michelle ay pasulyap-sulyap sa kanyang ina mula sa kanyang kwarto habang kasama ang kapatid at pinsan, nayayamot sa pagkakaalam na ang sariling ina na sumusuway sa kanila noon na huwag itutok ang mga mata sa telebisyon at baka sila'y magkandabulag ay ang sariling ina ngayon, akalain kung titingnan ay katulad ng paslit na adik sa cartoons.

Habang pinaglalaruan ni Michelle ang singsing nitong sinuot na naman ay pabalik-balik ito ng tingin kay Michael at Andy habang pabulong na kinakausap ang mga ito.

"Ang galing ni Mama," sarkastikong bulong niya kay Andy bago tinabingi ang ulo at ngumising may panaghili. Nginitian lang siya pabalik ni Andy habang si Michael ay lumingat lang ng ilang segundo kay Michelle at patuloy na inuusisa ang librong pinagkakainteresan nila kanina.

"Ito si Winnie Cordero..." mahinang patuloy ng telebisyong pinagtutuunan ng pansin ni Angge habang patuloy pa rin ang tatlo sa kwarto.

"Ano ba yan, Ya?" usig ni Andy sa kuya niyang si Michael.

"Ya!" pagtatawag nito sa pinsan.

"Hoy, huwag kang sigaw ng sigaw, nagdadasal si Tita Maye," suway ni Michelle kay Andy.

"Bakit?" nahuling sagot na lang ni Michael kay Andy, nakatutok pa rin sa libro, ang daliri'y pabalik-balik na dumudulas sa mga teksto ng naninilaw na pahina.

"Paano naman nating masasabi na kay Lola talaga yan?" - Andy

"Wala naman talaga tayong nalalaman tungkol kay Lola, kaya posibleng ganun," - Michael

"Ay, ano ba yan ate?" reklamo ni Angge si sala dahil biglang sumingit sa likod nito si Iling, tila may inaaabot sa bintanang nakapwesto sa likuran ni Angge.

Sunod ng pagmamaktol ni Angge ay ang maingay na ugong ng pintuang sinundan ng tinig ni Maye na kakatapos lang magdasal.

"Iling. Nakapagsaboy ka na?" anya nito sa kapatid niyang sinisingitan ang bunso nilang tutok na tutok sa telebisyon.

Saboy... Nakapagsaboy ng ano?

"Kakatapos lang ate," sagot lang ni Iling habang lumalayo sa tabi ng nakaupong si Angge na binabalik ang lakas ng tunog ng telebisyon.

AlaSais : Nightfalls at Six (Unfinished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon