"Palpak ka na naman, Sol!" sigaw sa akin ni Mama na hindi ko inaasahan.
"Ma?" Nagtatakang sambit ko.
Ano ba na naman bang ginawa ko?
Kakauwi ko lang galing ng paaralan tapos ganito ang bubungad sakin.
"Bagsak ka daw sa GenMath niyo! Sa tingin mo ba nakakatuwang malaman yon? Prof niyo pa mismo ang nagsabi sakin!" Sigaw niya pa.
"Pero hindi naman po ako bagsak, Ma." Nakatungong sambit ko.
"Anong hindi?! Sinasabi mo bang nagsisinungaling ako?!" Sabi ni Mama at nilapitan pa ako para hablutin ang buhok ko.
Agad naman namuo ang luha sa mga mata ko dahil sa higpit ng pagkakahawak ni Mama sa buhok ko.
"P-pasado pa rin naman po yung grade ko, Ma!" humihikbing sabi ko at agad naman akong sinampal ni Mama.
"Bumaba ka ngayong sem niyo! Pinag hihirapan kong paaralin ka tapos ang baba lang ng makukuha mong marka?" Sabi ni Mama at padabog na binitawan ang buhok ko.
Pasado pa rin naman ang 88 sa amin. Wala naman akong palakol sa card. Yun lang naman ang naiwang naka 8.
Mahirap yung subject na yon. Hindi naman ako katulad ng iba na magaling sa Math kaya anong gagawin ko?
"Pag hindi mo nabawi yang grade mo hihinto ka na sa pag aaral!" sabi ni Mama at walang pasabing lumabas ng bahay at iniwan akong umiiyak.
Simula nung araw na iyon ay pinagbutihan ko pa lalo ang pag aaral dahil ayokong huminto.
"Huy, Sol. Dumudugo yung ilong mo!" Napalingon ako sa katabi ko sa klase na si Elli at saktong naramdaman ko ang pagtulo ng likido sa ilong ko.
"Baka sipon!" natatawang sabi ko at pinunasan ang ilong ko gamit ang puting panyo na ibinigay niya sakin.
Pero pag tingin ko sa panyo ay tama siya. Dumudugo nga ang ilong ko.
"Pumunta na tayo sa clinic! Bakit ba kasi binababad mo yung sarili mo sa pag-aaral? Nagpapahinga ka pa ba?" sunod - sunod na tanong niya pero nginitian ko lamang siya at hinayaan siyang akayin ako papuntang clinic.
Nagtagal ako sa clinic dahil ayaw akong palabasin ng nurse na in charge. Pag uwi ko ay nasampal na naman ako ng Mama ko. Ang gandang bungad para sa nakakapagod na araw.
"Ano na naman yung nabalitaan kong nag inarte ka sa school? May papunta- punta ka pa sa clinic!" galit na sabi ni Mama.
Ma, kailan mo kaya ako sasalubungin ng yakap pag uuwi ako? Kailan mo kaya ako tatanungin kung ayos lang ako? Kailan mo kaya sasabihing wag ko pagurin ang sarili ko?
Napayuko na lang ako dahil hindi ako makapag salita. Pakiramdam ko pagod na pagod yung katawan ko pero alam kong mas pagod si Mama dahil galing siyang trabaho.
"Bumili ka ng suka dun sa kanto bilisan mo!" sabi ni Mama at tinalikuran ako.
Napabuntong hininga na lang ako dahil walang inabot na pambili si Mama, ibig sabibin non ay pera ko ang gagamitin ko. Buti na lang may natira pa sa baon ko kanina. Agad naman akong sumunod sa ini- utos ni Mama at patakbong lumabas ng bahay para pumunta sa tindahan sa kanto kaso nung patawid na ako.. bigla akong nakarinig ng busina.
Paglingon ko ay huli na ang lahat at bigla na lang naramdaman ang malakas na pagtama ko sa kung saan. Nakarinig pa ako ng sigawan sa paligid pero hindi na ako makagalaw.
"Nakita niyo ba si Sol?" Napalingon ako ng marinig si Zai kasama niya si Elli at bakit nila ako hinahanap?
Nakaupo lang naman ako dito, pinaglalaruan na naman ba nila ako?
"Mga baliw!" natatawang sabi ko. Napailing na lang ako at kinuha ang gamit ko at lumapit sa kanila para tapikin ang balikat nilang dalawa pero hindi ko sila mahawakan. Sinubukan ko ulit dahil baka namamalikmata lang ako pero hindi ko talaga sila mahawakan.
"Anong nangyayari?"
Tumatakbo akong umuwi sa amin at marami akong nabangga sa daan pero parang tumagos lang ako sa kanila na mas lalo kong ikinabahala. Pag uwi ko ay andaming kapitbahay sa tapat namin at may kubol pa.
"Anong meron?" bulong ko.
Paglapit ko ay narinig ko ang bulungan ng mga kapitbahay.
"Ang alam ko nag away pa sila nung anak niya bago namatay."
"Oo nga, na pressure siguro yung bata."
Namatay? Sino?
Pagtingin ko sa gitna ay nakita ko ang Mama ko. Nakaluhod sa harap ng buting kabaong at nakatulala. Agad akong lumapit para hawakan si Mama pero napatingin ako sa kabaong at biglang napaatras sa nakita.
"B- bakit andiyan ako?" nanginginig na sambit ko at doon bumalik sakin ang nangyari. Nasagasaan ako ng van. Mabilis akong umiling at napatingin ulit sa Mama ko.
"H-hindi.. Hindi."
"Mama.. M- Mama."
Sinubukan kong yakapin ang Mama ko pero hindi ko siya mahawakan.
"Mama, kailan mo ako makikita?" at tuluyan nang bumuhos ang aking mga luha.
Noong nabubuhay pa ako hindi na nakikita ni Mama ang halaga ko. Pano na ngayong wala na ako sa mundo?
YOU ARE READING
Shots of Secrets
RandomGet yourselves drunk, enjoy one shot stories and poems written by yours truly.
